Teban: Ang Kolektor ng Basura

Kinse anyos pa lang ay gawain na ni Teban ang mangolekta ng basura sa mga bahay-bahay at sa mga kainan na may maraming makokolekta siyang kalakal. Minsan binabayaran siya ng lima, sampo, malaki na ang bente pesos, madalas pa nga ay libre lang. Bunos na lang para kay Teban ang suhol na natatanggap niya sa mga nagpapatapon sa kaniya ng basura. Mas mahalaga kasi para kay Teban ang yamang nasa loob ng masangsang na amoy ng sakong laman ay basura.

Kaya hanggang sa nagkaedad siya ng bente singko ay ganun pa rin ang ginagawa ni Teban kahit na may permanenteng trabaho na siya. Isang service crew si Teban sa isang sikat na fastfood chain at maliban doon ay nangogolekta pa rin siya ng basura pagkatapos ng trabaho niya. Nakasanayan niya na ang mangangalakal. Mahirap mangalakal kung maarte ka sa mabahong amoy ng basurahan. Lingid sa kaalaman ng ilan ay nasa basura ang totoong yaman.

“May basura na sa labasan, magpapatapon ka ba?” tanong ni Teban sa suki niyang si Aling Hilda.

“Oo Teban, ayon ang basurahan o,” turo ni Hilda sa ilang sakong basura sa may gilid. “Ah, siya nga pala. Iniba ko na ang mga plastik ng mineral water d’yan Teban, ikaw na lang ang bahala sa iba. Walisan mo na lang din ang nagkalat pa. Salamat,” utos nito sabay abot sa kaniya ng dalawang daan.

“Salamat din, Aling Hilda,” masayang wika ni Teban. May kainan si Aling Hilda kaya kapag ito ang nagpapatapon ng basura ay tiba-tiba siya. Bukod kasi sa kalakal na nakukuha niya galing sa basura nito ay nakakatanggap pa siya ng malaking suhol. Hindi lang si Aling Hilda ang suki niya. Marami kasi ang gustong magpatapon sa kaniya dahil hindi niya iniiwang makalat ang lagayan ng basura. Winawalis niya iyon at inaayos ng maigi bago iwanan.

“Hi Sofia,” nagpapa-cute na bati ni Teban sa dalaga. Noon pa man ay crush na niya ang babae kaso hindi siya gusto nito kasi madungis siya at mukhang basurero. Hindi kagaya sa boyfriend nitong malayo pa lang ay mukha ng mabaho.

“Pwede ba Teban, mag-pokus ka na lang sa pangongolekta mo ng basura. Tutal d’yan ka lang naman magaling ‘di ba?”mataray na wika ni Sofia.

“Sofia, mukha lang akong madungis pero malinis ang puso at kalooban ko. Mas malinis pa ang puso ko kaysa d’yan sa boyfriend mo,” nang-aasar na wika ni Teban.

Advertisement

“Anong paki ko?! ‘Di hamak na mas mabango at malinis namang tingnan ang boyfriend ko kaysa sa’yo. Alam mo bang kasing baho mo na ang mga basurang tinatapon mo?” insulto ni Sofia na labis nagpalungkot kay Teban.

Oo madungis siya tingnan dahil sa basurang kaniyang tinatapon. Pero marangal ang ginagawa niya at kumakayod siya ng walang inaasahan. Balang araw, lulunukin din ng babae ang mga sinabi nitong masama sa kaniya.

“Pare ang laki na ng ipon mo, ano? Sobrang sipag mo kasi e. Para bang ayaw mong mawalan ka ng raket,” wika ni Nelson sa kaniya. Kababata niya ito at katrabaho na din kaya hindi kataka-takang alam nito ang buhay niya.

“Kailangan pare para matupad ko ang pinakagusto kong mangyari sa buhay. Alam mo naman na gusto kong magkaroon ng sariling junk shop ‘di ba? At bukod sa junk shop ay gusto ko ring magtayo ng sariling mall. Hindi ko matutupad iyon kung nakatunganga lang ako sa isang tabi. At saka, gusto kong ipagmalaki naman ako ng babaeng mamahalin ko balang araw. Nagsimula ako sa pangongolekta ng basura at marangal akong kumayod para sa pag-angat ng buhay ko,” nakangising sagot naman ni Teban.

“Bilib na talaga ako sa’yo. Minsan naiisip kong ang taas ng pangarap mo. Basta keep it up pare, alam kong kaya mo iyan. Ikaw pa ba?” wika ni Nelson sabay tapik ng balikat niya.

“Salamat pare,” wika ni Teban.

Hindi naging madali para kay Teban ang pagtupad ng kaniyang pangarap. Sipag at tiyaga lang ang tangi niyang puhunan. Habang masangsang na amoy at pawis naman ang kaniyang kalaban. Mula nung kinse-anyos hanggang ngayon ay patuloy pa ring naniniwala si Teban na matutupad niya ang kaniyang pangarap. Hanggang isang araw ay nakapagpatayo rin si Teban ng sariling junk shop, katulong niya ang kaniyang ama at dalawang kapatid sa pagpapatakbo ng kaniyang maliit na negosyo. Subalit tatlong taon lang ang lumipas ay lumago ang kaniyang junk shop.

“Ang swerte mo talaga anak dahil magaling kang humawak ng negosyo. Akala ko nung una ay hindi magtatagal ang junk shop na naisip mo. Sa dami ba naman kasi ng pwedeng gawing negosyo bakit isang junk shop pa. Pero ngayon naisip kong tama lang pala ang naging desisyon mo,” buong paghanggang wika ni Arman ang ama ni Teban.

Advertisement

“Ikaw lang naman kasi itong walang bilib sa’kin pa. Siyempre, hindi ko papasukin ang negosyong junk shop kung hindi ko alam ang kalakaran nito. Hindi mo ba naisip pa na dahil sa pangongolekta ko ng basura kaya ako nagkaroon ng junk shop ngayon? Alam kong sa basura ko makikita ang totoong kayamanan. Tingnan niyo, ang dating maliit na pwestong ngayon ay malaki na. At ang bahay nating giba-giba ngayon ay maganda na dahil sa kinikita ng ating junk shop,” masayang wika ni Teban.

“Tama ka nga anak,” sang-ayon naman ni Arman.

Makalipas lamang ang isang taon ay sumunod namang naipatayo ni Teban ang pangarap niyang mall, ang Tebans Shopping Mall. Ang saya-saya ni Teban at ang kaniyang buong pamilya. Sa edad na trenta’y tres ay ganap nang milyonaryo si Teban. Ang dating kolektor ng basura at nangangalakal ngayon ay siya na mismo ang bumibili ng kalakal at may sariling mall nang naipatayo.

“Hi Teban, congrats nga pala sa success mo. Ang layo mo na sa dati,” wika ni Sofia, ang babaeng initsapwera siya noon.

“Oo nga Sofia e. Ikaw rin ang layo mo na sa dating ikaw. May dalawang anak ka na at hindi na kasing ganda noon,” prangkang wika naman ni Teban.

“Pasensya ka na pala sa ginawa ko sa’yo noon ah. Nagkamali ako ng paghusga sa’yo Teban,” nahihiyang wika ni Sofia.

“Ayos lang iyon Sofia, nakaraan na rin naman iyon. Pero aaminin ko Sofia na isa ka sa naging inspirasyon ko kung bakit ginusto ko talagang maabot ang tagumpay ko. Mahirap kasi kapag maliit ang tingin ng ibang tao sa’yo por que madungis ka at mukhang pulubi. Gusto kong patunayan sa lahat, lalong-lalo na sa’yo na kaya kong umangat sa buhay kahit taga-kolekta lang ako ng basura,” pag-amin ni Teban.

“Pasensya ka na talaga Teban, masyado kong tinignan ang panlabas mong anyo noon at hindi bumilib sa kapasidad sa mayroon ka. Kaya humihingi ako ng tawad sa mga nasabi ko noon. Sana mapatawad mo ako,” senseridad ang bumalot sa mukha ni Sofia nang sabihin nito ang mga katagang iyon.

Advertisement

“Kalimutan na lang natin iyon at magmove-on. Ang mahalaga, masaya ka sa buhay mo ngayon,” sagot ni Teban na tanging tango lang ang isinagot ni Sofia at saka nagpaalam.

Sa pamamagitan ng pangongolekta ng basura ay natupad lahat ni Teban ang mga pangarap niya. Sinamahan niya ito ng sipag at tiyaga kaya umangat siya sa buhay. Tapos na siyang isipin ang pangarap niya kaya ngayon naman ay iisipin na rin niya kung sino ang babaeng karapat-dapat niyang mahalin. May kaniya-kaniyang paraan ang bawat tao kung paano sila aangat sa buhay at para kay Teban ay dahil sa yaman ng basura kaya niya natupad ang lahat ng kaniyang pangarap. Ang dating madungis, ngayon ay mas mabango pa sa lahat ng mabango.