Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Ang Panulat ni Lolo Tiro - Inday Trending

Ang Panulat ni Lolo Tiro

Hindi maiwasang hindi mapangiti ni Celso sa tuwing nakikita niyang nakadukmo at nagsusulat ang kaniyang Lolo Tiro sa sagradong espasyo nito. Gamit ang lapis at papel, buhos na buhos ang pansin nito sa pagsusulat, na kung hindi maikling kuwento, nobela, ay tula. Mahusay na manunulat ang kaniyang Lolo Tiro.

Subalit si Celso lamang ang bukod-tanging nakabasa sa lahat ng mga akda ni Lolo Tiro. Mahiyain ang kaniyang lolo. Ayaw nitong ipalimbag o ipalathala ang kaniyang mga gawa. Sumusulat daw siya upang magpahayag at hindi upang kumita. Sa punto naman ni Celso, kailangang mabasa ito ng lahat upang makapagbigay ng inspirasyon. Lahat ng mga akda ng kaniyang lolo ay maingat nitong isinisilid sa loob ng isang lumang tampipi.

Ipinagtimpla ni Celso ng paborito nitong salabat si Lolo Tiro. Lumapit siya rito. Sa wari niya ay tapos na ito sa kaniyang isinusulat.

“Lolo, magsalabat po muna kayo,” aya ni Celso sa kaniyang iniidolong lolo. Nakangiti naman nitong kinuha ang kaniyang salabat.

“Salamat, apo. Tamang-tama, katatapos lamang magsulat ng iyong lolo,” nakangiting sabi nito.

“Tungkol po saan ang isinulat ninyo ngayon?” tanong ni Celso. Iniabot ni Lolo Tiro ang papel at ipinabasa sa apo. Matapos magbasa, nangilid ang luha ni Celso.

“Napakagandang kuwento, lolo! Hindi pa ako nakabasa o nakapanood man lamang ng ganitong banghay. Sana ay mabasa ito ng iba. Maganda itong ilahok sa Palanca,” banggit ni Celso.

“Alam mo naman ang paninindigan ko sa bagay na iyan apo. Ayokong ipabasa sa iba ang gawa ko. Baka kasi husgahan. Baka hindi magustuhan,” tugon ng kaniyang lolo.

“Pero lolo, wala naman pong masama kung susubukin hindi ba?” tanong ni Celso sa apo.

“Gustuhin ko man ay hindi ko naman alam ang proseso kung paano sumali. Oh siya apo, ako’y matutulog na,” sabi ni Lolo Tiro sa kaniyang apo. Inubos na nito ang salabat na itinimpla sa kaniya.

Napaisip si Celso. Muli niyang binalikan sa isip ang sinabi ng kaniyang lolo. Gusto ng kaniyang lolo na ilahok sa mga prestihiyosong paligsahan ang kaniyang mga akda pero hindi niya alam kung paano gawin. Isang plano ang naisip niya.

Palihim niyang kinuha ang mga akda ng kaniyang lolo sa lumang tampipi nito. Tuwing gabi, matiyaga niyang tina-type ito sa kaniyang laptop. Matapos lamang ang ilang linggo, lahat ng sulat-kamay na akda ng kaniyang lolo ay computerized na.

Sumunod na hakbang, humanap siya sa internet ng mga impormasyon hinggil sa paglahok sa mga prestihiyosong patimpalak sa pagsulat tulad ng Palanca. Nakasumpong naman siya. Matapos gawin ang mga mekaniks, ipinadala at isinali niya ang mga kopya ng akda ng kaniyang lolo sa lahat ng genre: maikling kuwento, nobela, at tula. Ginamit niya ang impormasyon ng kaniyang lolo.

Makalipas lamang ang ilang buwan, lumabas na ang resulta ng patimpalak. Lahat ng mga akda ng kaniyang lolo ay nakakuha ng unang gantimpala! Bilang premyo, makatatanggap ito ng plake ng pagkilala gayundin ng 30,000 piso.

Ipinagbigay-alam niya ito sa kaniyang lolo na nagulat sa kaniyang ginawa.

“Bakit mo naman ginawa iyon apo?” nangingilid ang luha na tanong ni Lolo Tiro sa kaniyang apo.

“Lolo, kailangan pong mabasa ng iba ang inyong gawa. Napakahusay po ninyong sumulat. Nakapanghihinayang po kung walang makababasa ng inyong mga obra. Dapat po itong maitampok,” sabi naman ni Celso.

Sa araw ng pagkilala ay sinamahan ni Celso ang kaniyang lolo. Bumili sila ng magarang barong Tagalog para sa natatanging araw na iyon. Iyon kasi ang kauna-unahang pagkakataong makatatanggap ng parangal si Lolo Tiro kaugnay ng pagiging manunulat. Halos manginig ang mga kamay ni Lolo Tiro nang banggitin ang kaniyang pangalan bilang nagwagi at habang tinatanggap ang plake ng pagkilala gayundin ang tsekeng naglalaman ng 30, 000 piso. Sa kaniyang kaunting talumpati, inialay niya ang kaniyang gantimpala sa kaniyang pinakamamahal na apo.

“Sumusulat po ako upang magpahayag ng aking damdamin, subalit wala po akong lakas at tapang ng loob upang ibulalas ito sa mga mambabasa. Kaya naman utang na loob ko po ito sa aking apo na si Celso. Siya po ang nagsalin ng aking mga kuwento mula sa panulat patungong computer. Maraming salamat, apo! Tinupad mo ang aking pangarap na matagal kong isinilid sa aking lumang tampipi,” pasasalamat ni Lolo Tiro sa kaniyang apo.

Ito ang nagbukas ng daan para kay Lolo Tiro upang kunin siyang manunulat ng kuwento sa isang publikasyon. Pumayag siyang maisaaklat ang lahat ng kaniyang mga akda.

Hindi pa huli ang lahat para kay Lolo Tiro para sa pagtupad niya ng pangarap bilang manunulat.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.