“O, Shana, nakikita mo ang botikang iyon? Balita ko malaki raw ang kinikita niyan sa araw-araw. Mamayang gabi, ‘yan ang pupuntiryahin natin, ha? Wala na tayong panggastos bukas, eh.” bulong ni Rodolfo sa asawa niya, saka bahagyang itinuro ang isang botikang pinipilahan ng mga tao.
“Anong balak mo? Dapat may plano tayo. Baka mamaya mahuli na talaga tayo,” sagot ni Shana, tila nadala na ito sa ginawa nilang panloloob noong isang linggo sa bayan dahil muntikan na silang madakip ng mga tanod.
“Edi kunyari magtatanong ka ng gamot. Kapag sinabi nilang wala sila noon, saka mo ituro ‘yong mga naka-display na gamot sa may dulo. Siguraduhin mong tatalikod siya, ha? Para malimas ko ang kaha nila,” bulong pa ng lalaki habang nakatitig sa nasabing botika.
“Oo sige, basta’t bilisan mo ang kilos mo. Halika na, sunduin muna natin si Jasper sa school. Sigurado ako kanina pa naghihintay ‘yon,” tugon ng babae saka sila nagpasiyang umalis sa kinakatayuan upang sunduin na ang anak na nasa paaralan.
Matagal nang trabaho ng mag-asawa ang panloloob sa mga tindahan upang may maipangtustos sila sa araw-araw nilang pamumuhay. Dahil nga sa bata pa sila nang magkaanak, parehas silang hindi nakapagtapos ng pag-aaral.
Ito rin ang dahilan upang hindi sila matanggap sa mga nais nilang trabaho kaya naman, naisipan nilang magnakaw na lamang. Kung saan mabilis lamang silang kumikita ng pera habang nanlalamang sa kanilang kapwa.
Nang araw ring ‘yon, dumaan na nga ang mag-asawa sa paaralan upang sunduin ang kanilang anak. Malayo pa lamang sila, sinalubong na agad sila ng paslit.
“Mommy! Daddy! Bakit po ang tagal niyo? Kanina pa po ako naghihintay rito. Akala ko hindi niyo na ako mahal,” nguso ng pitong taong batang si Jasper sa kaniyang mga magulang.
“Ano kasi, eh, dumaan pa kami sa pinagtatrabahuhan namin. Mamaya nga pala doon ka muna kila lola, ha? May trabaho kaming tatapusin ni Daddy. Nga pala, kamusta ang school mo? May assignment ka ba? Ano natutunan mo?” tanong ni Shana sa pasayaw-sayaw na anak, hawak-hawak naman ito ng kaniyang asawa.
“Pinag-aralan po namin yung iba’t ibang uri ng trabaho. ‘Yong mga pulis, piloto, bumbero at iba pa. Sabi nga po ng teacher namin, mas mabuti na raw pong maliit lang ‘yong sweldo namin paglaki namin basta hindi kami gumagawa ng masama. Kasi bad daw po yun, baka sa hell kami mapunta pag nawalan na kami ng buhay. Natakot nga po ako, eh. Kaya po promise ko sa sarili ko, gagayahin ko po yung trabaho niyo, kahit wala tayong pera minsan, okay lang kasi hindi kayo gumagawa ng bad,” masayang kwento ng bata, tila nagkatitigan naman ang mag-asawa sa mga huling salitang narinig mula sa anak.
“Tama, anak, gayahin mo kami,” tugon ni Rodolfo sa anak, tila napapaisip kasi sa pananahimik ng kaniyang ina, ngumiti lang naman ito at tumakbo na sa loob ng kanilang bahay.
Lubos na napaisip ang mag-asawa sa mga sinabi ng anak.
“Tingin mo ba ipagpatuloy pa natin ‘tong trabahong ‘to?” bulong ni Shana sa asawa habang pinagmamasdan kung paano magbihis ang anak.
“Yan nga rin ang itatanong ko sana sa’yo. Tiyak kapag nalaman ni Jasper ang trabaho natin, madidismaya sa atin iyon. Bukod pa doon, totoo nga namang panigurado sa impyerno tayo pupulutin dahil sa kasamaan ng ginagawa natin,” sagot ni Rodolfo, labis na siyang kinakain ng kaniyang konsensya.
“Huwag na tayo tumuloy mamaya? Kaso paano ang kakainin natin bukas?” pangamba ng babae, saka tinignan ang laman ng kaniyang pitaka.
“Ako na ang bahala. Pangako, hindi na manggagaling sa maruming trabaho ang kakainin natin,” sagot ng kaniyang asawa saka ito nagpaalam na aalis saglit, pinayagan naman ito ng babae at inasikaso na ang anak.
Pag-uwi ni Rodolfo, gulat na gulat ang asawa niya sa dami ng pagkaing dala niya.
“Bigay ni Kapitan, naghahanap kasi siya nang makakatulong sa pagbubuhat ng mga gamit niya. Sakto napadaan ako sa barangay. Ayun, tinulungan ko, kaya binigyan ako ng pagkain! Tulungan ko pa raw siya magkumpuni ng bahay niya. May marangal na trabaho na ako!” masayang balita nito, labis naman ang kasiyahan ng babae
“Alam mo ba, kanina na lang ako ulit nanalangin. Sabi ko sana may mapakain ako sa inyo na galing na sa Kanya. Akalain mo ‘yon, wala pang ilang minuto, dininig Niya agad ang panalangin ko! Shana, desidido na akong magbagong buhay!” dagdag pa nito, bakas sa mukha niya ang kagalakan.
Nang araw ngang iyon nagsimula nang magbagong buhay ang mag-asawa. Naging katuwang ng kapitan si Rodolfo sa paggawa ng bahay niya, habang napagpasiyahan ni Shana na magtayo ng maliit na tindahan gamit ang salaping sinusweldo ng asawa sa trabaho.
Labis naman ang kasiyahan ng anak nila, dahil bukod sa nakikita niya na kung paano magtrabaho ang kaniyang mga magulang, lagi pa niya itong nakakasama.
Gagawa’t gagawa talaga ng paraan ang Panginoon upang maituwid ang baluktot nating landas. Gagawin Niyang instrumento ang mga taong hindi mo aakalaing makakapagpagising sa natutulog na kabutihan sa puso mo.