Inday TrendingInday Trending
Nasaan Ka Na, Nanay?

Nasaan Ka Na, Nanay?

“Alam mo ba, ang saya-saya ko, anak! Sa loob ng dalawang dekada, sa wakas, makakauwi na akong Samar! Kamusta na kaya yung mga pinsan ko doon, ano? Ilan na kaya ang mga anak nila? Naku, sabik na sabik na ako! Salamat talaga sa’yo!” sambit ni Aling Mercy habang nakatanaw sa bintana ng kotse, pangiti-ngiti lang naman ang anak niyang nagmamaneho.

Ihahatid niya ang ginang sa terminal ng barko papuntang Samar, kung saan ito lumaki.

“Walang anuman, ‘nay. Alam ko naman na gustong-gusto mo na makauwi doon. Pasensya ka na at kailangan mo mag-barko ngayon, nanay, ha? Hindi na-proseso ang request ko sa airlines, eh,” dismayadong tugon ni Yago, tila ayaw niyang pasakayin ng barko ang ina.

“Ayos lang, anak. Mas gamay ko nga ang pagsakay ng barko, tiyak mas mapapalagay ang loob ko roon,” sagot naman nito, pilit kinukumbinsi ang anak na mapanatag.

“Basta mag-ingat ha? Yung mga gamit mo huwag mo kakaligtaan. Papasundo na lang kita kay tiyo sa terminal ng Samar, ha?” bilin nito sa ginang, tumango-tango lang naman ito at hinimas-himas ang likod ng nag-aalalang anak.

“Oo, huwag ka na mag-alala sa akin, malaki na ako. Sige na, at baka mahuli ka pa sa trabaho mo,” sabi ni Aling Mercy pagkadating nila sa mismong terminal, sakto kasing nagsisisakayan na ang mga pasahero.

“Samahan na kaya kita, ‘nay? Lakas ng kaba ko, eh,” pahayag ng binata habang binababa galing kotse ang mga gamit ng ginang.

“Hay naku, napaka nerbiyoso mo talaga! Huwag na, ilang linggo lang ako doon! Paano na ang trabaho mo, aber? Sige na at ako’y papasok na sa barko, baka maudlot pa ang pag-alis ko! Mag-ingat ka rin dito, ha? Magkita tayo pagkatapos ng dalawang linggo! Tatawagan agad kita pagdating ko doon!” tugon nito, saka tuluyan nang sumampa sa barko.

Todo kaway ito sa binata, kitang-kita sa mukha nito ang kagalakan dahil sa makakauwi na ulit siya sa lupang sinilangan. Hinintay namang makaalis ng binata ang barkong sinasakyan ng ina, dala-dalanging ligtas na makauwi ang ina.

Tubong Samar si Aling Mercy, dalawang dekada na nang huli siyang makadalaw dito. Napilitan silang manirahan noon sa Batangas sa kadahilanang doon nadestino ang kaniyang asawa, isa itong sundalo at may inilaang bahay para sa kanila dito. Kaya naman hindi nag-alinlangan ang ginang na sumama rito.

Dito na sila bumuo ng sariling pamilya. Dito na rin lumaki at nakapag-aral ang nag-iisa nilang anak na si Yago. Ngunit sa kasamaang palad, pagkatapos mag-aral ng binata, saka naman namayapa ang kanilang haligi ng tahanan dahil sa isang aksidente.

Labis na nawalan ng gana sa buhay ang ginang dahilan upang magpasiya ang binatang regaluhan ito ng isang bakasyon sa kaniyang probinsya na labis naman talagang nakapagpabuhay sa kaniyang ina.

Nang araw ring iyon, hindi mapakali ang binata, gabi na kasi’t wala pang tawag ang kaniyang ina. Sinubukan niyang tawagan ang tiyuhin niyang susundo sa kaniyang ina, at halos manlumo ang binata sa balitang narinig mula sa tiyuhin.

May isang barko raw na lumubog galing Batangas papuntang Samar. Hindi pa matukoy kung may binawian ng buhay dahil tila lahat ng pasahero ay nataranta at nagsitalon sa dagat.

“Huwag kang mag-alala, nandoon na naman ang rescue team ng Samar para tumulong. May kilala ako doon, at binilin ko na ang nanay mo,” sambit nito ngunit hindi pa rin mapanatag ang binata.

Nagpasiya siyang pumunta rin dito, agad siyang nag-request sa airlines ng flight papuntang Samar, swerte namang agad itong na-proseso ngunit bukas pa ang lipad nito.

Habang naghihintay sa balita ng tiyuhin, iyak nang iyak ang binata.

“Sana talaga sinamahan ko na si nanay! Bakit ba kasi hinayaan ko siya mag-barko mag-isa?!” inis na sambit ng binata sa sarili.

Maya-maya pa nakatanggap na siya ng tawag sa tiyuhin. Marami na raw ang nailigtas ngunit hindi pa mahanap ang kaniyang ina. Lalong nangamba ang binata dahilan upang hindi siya makatulog.

Kinabukasan, agad siyang nagpunta sa airport para makalipad na. Wala pang dalawang oras, nakarating na siya sa Samar. Agad siyang pumunta sa rescue center kung nasaan ang mga nailigtas na pasahero.

“Sir, namumukhaan niyo po ba siya? Isa rin po siya sa mga pasahero ng lumubog na barko,” mangiyakngiyak na tanong ni Yago sa isang awtoridad doon habang pinapakita ang litrato ng ina.

“Naku, boss, hintay lang po kayo rito. Pupunta kami ngayon sa mga karatig-isla baka sakaling doon sila napadpad. Siya rin yung hinahanap ng kumpare ko, eh. Kaso hindi pa namin siya nakikita,” sagot nito saka natuluyang sumampa ng rescue boat

Walang magawa ang binata kundi maghintay at manalangin. “Diyos ko, nawala na ang tatay ko, huwag Niyo po munang kunin ang nanay ko. Siya na lang ang lakas ko,” hikbi nito sa isang sulok.

Tatlong oras ang nakalipas nang dumating ang kaniyang tiyuhin. Bumuhos ang kaniyang luha ng makitang buhat-buhat nito ang kaniyang ina.

“Nakita siya sa isang isa malapit sa pinaglubugan ng barko. Pinilit daw ng nanay mo na lumangoy patungo doon kahit sobrang layo, dahilan niya, gusto ka pa niya raw makasama. Nangako raw siyang magkikita pa kayo,” sambit nito, agad namang niyakap ng binata ang kaniyang inang halos hindi makapagsalita dahil sa trauma.

“Nanay, nandito na ako, ha? Pasensya ka na, hindi na kita muling papabayaan. Salamat, tinupad mo yung pangako mo sa’kin,” hikbi niya, lumuluha lang ang ginang habang pinapakinggan siya.

Labis ang pasasalamt ng binata sa Maykapal dahil sa ligtas ang kaniyang ina. Dahil nga nasa Samar na rin siya, tinuloy na nila ang pagbabakasyon doon. Unti-unti namang umiigi ang pakiramdam ng ginang dahil napapaligiran siya ng mga mahal niya sa buhay.

Kapag talaga nanay na ang pinag-uusapan, puso’t isip mo’y magugunaw. Mangyari lamang na labis natin silang mahalin, dahil kahit buhay nila ay handa nilang ibuwis para lamang matupad ang pangako nila sa atin.

Advertisement