
Kami ng Anak mo o ang Kaladkaring Kumare ko?
“Kumusta na kayo ng asawa mo, Allain? Balita ko ay nagkakamalabuan na kayo, ha?” bati ni Glaiza, kumare ng ginang nang minsan silang magkasabay sa jeep.
“Oo, eh. Ayaw pa kasing umamin sa akin na may babae siya. Nakikipaghiwalay na nga ako, ayaw naman,” tugon naman ni Allain.
“Ano bang nangyari? Baka naman kasi may pagkukulang ka rin,” sulsol ng kaniyang kumare na siyang nagpakunot sa noo ng ginang.
“Glaiza, alam mo kung gaano ko kamahal ‘yon. Lahat nga ginawa ko para mapakasalan ko lang siya, ‘di ba? Sinuway ko utos ng ang kagustuhan ng magulang kong magpakasal doon sa foreigner na nanliligaw sa akin. Tapos ngayon, ginagawa ko pa rin ang lahat para maibalik ang atensyon niya sa akin. Ngunit paano ko tuluyang mapapabalik yung pagtingin niya sa akin kung may babaeng pilit na sumisira sa amin? May sinasabi pa siyang may nakakita raw sa akin na may kasamang lalaki. Hinala ko nga na yung babae niya at yung naninira sa akin sa kaniya, ay iisa,” kwento pa ni Allain, bahagya namang napangiti ang dalaga, pilit niya itong tinatago.
“Paano mo naman nasabi? Baka naman hindi,” tugon pa nito.
“Nadulas siya noong isang beses na bigay daw ng mahal niya yung mga litrato. Walang hiya, hindi ba? Hindi man lang naisip kung anong mararamdaman ko!” galit pang kwento ng ginang.
“Naku, kung ako sa’yo hiwalayan mo na talaga ‘yan. Hindi na nakabubuti sa’yo,” utos pa ng dalaga sa kaniya.
“Pag-iisipan ko. Naawa kasi ako sa anak namin,” dahilan pa ng ginang, tila lumalalim na ang iniisip niya.
“Huwag mo nang pag-isipan. Gawin mo na. Hahayaan mo pang saktan ka ulit? Naku, bahala ka. Diyan ka na, at bababa na ako,” paalam ng dalaga “Para po!” sigaw nito saka tuluyang bumaba ng jeep.
Isang dekada nang kasal sina Allain at ang asawa niyang si Dan. Ngunit tila nasusubok sila nitong mga nakaraang araw dahil sa nakadudurog ng pusong dahilan.
Halos lantaran na kasi kung mambabae ang lalaki. May pagkakataon pa noong naglalaba siya, nakakita siya ng gamit na c*ndom sa bulsa ng pantalon nito. Tinanong niya ang asawa tungkol dito at laking gulat niya nang aminin ito ng lalaki ng walang halong takot o kaba man lang!Dahilan upang ganoon na lang magluksa ang ginang sa puso niyang halos ibaon ng buhay ng asawa niya sa lupa.
Dahil sa sakit na nararamdaman, nagplano ang ginang kung paano matutuklasan kung sino ang babae ng kaniyang asawa.
Hinintay niya itong lumabas sa gusaling pinagtatrabahuhan, at halos lumuwa ang mata niya nang masaksihang may kasama nga itong babae. Inalalayan niya pa ito sa pagsakay sa kotse at saka umalis.
Wala namang sinayang na oras ang ginang. Agad niyang pinasundan sa taxi drayber ang sasakyan ng asawa. Huminto ito sa isang mamahaling restawran. Maya-maya pa, bumaba na ang dalawa ngunit tila hindi pa rin makita ng ginang ang mukha ng babae kaya naman, napagdedisyunan na niyang pumasok sa nasabing kainan.
Papasok pa lamang siya rito, kitang-kita na niya sa kung paano ngumiti ang kaniyang asawa sa nakatalikod na babae. Agad namang humangos ang ginang sa kinakaupuan ng mga ito, at halos mabitawan niya ang hawak-hawak na pitaka nang makita kung sino ang babaeng ito.
“Gla- glaiza?” paninigurado niya, nginitian lang naman siya nito saka bumalik sa pagkain, kitang-kita niya naman kung paano kabahan ang mukha ng kaniyang asawa.
“Pakiusap, huwag ka ritong gumawa ng eskandalo,” pagmamakaawa nito
“Hayaan mo siya, kapag naman nag-eskandalo siya sa ganitong klaseng kainan, siya lang ang mapapahiya,” sabat ni Glaiza, nanggagalaiti na sa galit ang ginang, kaya namang hinablot niya ang inuming nasa harapan ng dalaga, at agad niya itong binuhos sa pagmumukha nito. Halos maiyak ang dalaga sa ginawa ng ginang.
Hindi pa siya dito nakuntento dahil kinuha niya ang pagkain na nakahanda sa harapan ng asawa niya at tinapon sa damit nito.
“Ngayon, mamili ka, kami ng anak mo o itong kaladkarin kong kumare?” mahinahong tanong ni Allain, bakas sa mukha niya ang galit at pagpipigil ng luha.
“A-allain, pasensya ka na…” tugon ng lalaki, nang marinig pa lang ito ng ginang, agad na siyang umalis sa nasabing restawran, tila natauhan na siya sa katarantaduhan ng kaniyang asawa.
Walang sinayang na oras ang ginang, agad niyang inempake ang gamit nila ng anak at umalis sa kanilang bahay. ‘Ika niya, “May trabaho naman ako, kaya kong buhayin ang anak ko. Kaysa naman magtiis ako sa taong araw-araw dumudurog ng puso ko,” iyak niya habang karga-karga ang limang taong gulang na bata.
Umuwi ang dalaga sa kanilang probinsya at doon nagsimulang muli. Mahirap man, ngunit alang-alang sa kaniyang munting anghel, ginawa niya lahat ng kaniyang makakaya.
Tatlong taon na ang nakalipas simula ng bangungot na iyon. Isa na ngayong matagumpay na business woman ang ginang na nagbebenta ng mga damit sa internet. Nabalitaan niyang hiwalay na rin daw ang kumare’t asawa niya ngayon.
Pilit man siyang balikan ng asawa niya ngayon, tila naging bato na ang puso ng ginang. Wala na siyang pakialam ngayon tungkol sa pagpasok muli sa isang relasyon, dahil ang tanging pinagtutuunan niya na lamang ng pansin ay ang mapagtapos ang kaniyang anak.
Durugin ka man ng mundo, tagumpay ay makakamit mo rin. Matuto ka lang putulin ang mga relasyong labis na nagpapahirap sa iyong puso at pagkatao.