Si Jason ay isang binatang madalas na makaranas ng diskriminasyon mula sa mga tao nang dahil sa kaniyang hitsura. Isa si Jason sa mga taong nakararanas ng pagdami ng kaniyang mga taghiyawat sa mukha. Dahil tuloy roon ay madalas siyang maging tampulan ng tukso, na kalaunan ay kinasanayan na rin niya.
Ngunit kung mayroong isang katangian na talagang maipagmamalaki ni Jason, iyon ay ang pagiging matulungin niya. Walang pinipiling oras, tao at pagkakataon si Jason para tumulong sa kapwa. Halos araw-araw ay nakaaani siya ng pasasalamat mula sa iba, at dahil doon ay unti-unti niyang nakamit ang respeto ng mas marami sa mga nakakakilala sa kaniya.
“Tulungan ko na po kayo,” alok ni Jason sa matandang hirap na hirap tumawid sa pedestrian lane na iyon. Inalalayan niya ito. Ang totoo ay hindi na niya kailangan pang tumawid sana ng kalsada dahil malapit lang naman ang tindahang pupuntahan niya, kaya lang ay talagang hindi niya matitiis na hindi tulungan ang matanda.
“Salamat, hijo, ha? Ilang estudyante na ang dumaan diyan sa harap ko, pero nilagpasan lamang nila ako. Ikaw pang bibili lamang sa tindahan ang tumulong sa akin,” pasasalamat ng matanda.
“Naku, wala pong anuman iyon, lolo. Handa po akong tumulong. Ingat po kayo!” Paalis na sana ulit si Jason nang muli siyang tawagin ng matanda.
“Hijo, ano nga ba ulit ang pangalan mo?” tanong nito.
“Ako po si Jason, lolo,” nakangiti namang sagot ni Jason dito.
“Saan ka nag-aaral?”
“Ay, naku lolo, highschool lang po ang tinapos ko. Nagtatrabaho na po ako ngayon bilang bagger sa isang grocery store,” muli ay sumagot si Jason nang may ngiti sa labi.
Napatango-tango ang matanda. Isang ideya ang pumasok sa kaniyang isipan upang tulungan ang butihing binatang natatanging tumulong sa kaniya kanina.
“Maaari mo ba akong samahan sa bahay namin, hijo?” panunubok pa ng matanda sa pasensiya ni Jason.
“Naku, wala hong problema. Nahihirapan ho ba kayong maglakad? Ipapasan ko na ho kayo, lolo?”
Lalong ikinagalak ng matanda ang narinig mula sa binata. Agad niyang pinaunlakan ang alok nito hanggang sa marating nila ang bahay ng matanda na walking distance lang naman ang layo mula sa pinagtawiran niyang pedestrian.
“Wow, lolo ang laki po pala ng bahay ninyo?”
Manghang-mangha si Jason nang makarating sa bahay ng matanda.
“Pumasok ka muna, hijo at nang ikaw ay makapag-meriyenda.”
Agad din namang pinaunlakan ni Jason ang imbitasyon ng matanda.
Simula nang araw na iyon ay naging magkaibigan sina Jason at ang matandang kaniyang tinulungan na ngayon ay nag-aalok ng mas magandang trabaho para sa binata. Kailangan daw kasi nito ng personal assistant. Napag-alaman ni Jason na mapili pala talaga ang matanda sa mga nag-aalaga sa kaniya dahil ayaw nitong basta na lang magtiwala sa mga tao, lalo paʼt nag-iisa lang siya sa buhay. Isa kasing matandang binata ito at tanging ang ilang malalayong kamag-anak na lamang ang natitira nitong kakilala. Iyon nga lang ay halos wala pang pakialam sa kaniya ang mga iyon, dahil pare-parehas naman silang mapepera.
“Lolo, tinatanggap ko po ang alok ninyo. Sobrang laki na ho ng offer nʼyong sahod na dalawampung libo isang buwan para lang sama-samahan kayo sa mga lakad nʼyo pati rito sa bahay.”
Laking tuwa ni Jason sa nangyaring iyon, dahil nakaipon siya ng pampagawa ng bahay at nagkaroon pa siya ng ipon sa bangko.
Pinagbutihan pa ni Jason ang kaniyang trabaho. Kailan man ay hindi niya sinira ang tiwalang ibinigay sa kaniya ng matanda, hanggang sa unti-unti nang manghina ito.
Labis na ikinalungkot ni Jason ang mga nangyayari, lalo na nang tuluyan nang sumuko sa buhay ang matanda. Ayos lang naman sa kaniya na hindi na magtrabaho rito, ngunit talagang napalapit na siya sa kaniyang amo at minahal ma niya ito na parang tunay niyang lolo.
“Jason, kailangan ka sa opisina ko mamayang tanghali. Babasahin ko na kasi ang last will and testament ni Don Gonzaga at isa ka sa mga dapat makaalam kung saan niya iniwan ang kaniyang mga ari-arian.”
Nagulat si Jason sa tinuran na iyon ng abugado ni Don Gonzaga. Nagtataka siya kung bakit kasama siya sa mga bibigyan ng mana!
Matapos ang meeting ay talagang nagugulantang pa si Jason sa nalaman—dahil halos sa kaniya ipinamana ng matanda ang pinakamalaking prosiyento ng kayamanan nito, kasama na ang malaking bahay na iyon!
“Salamat po, lolo! Salamat, oh Diyos ko!” iyon na lamang ang tangi niyang nasambit habang patuloy siyang lumuluha sa pinaghalong galak at lungkot na kaniyang nadarama ng mga sandaling iyon.
Tulad ng tulong na ginawa ni Don Gonzaga sa kaniya, malaki rin sa mga natanggap ni Jason ang itinulong niya sa iba. Ang iba naman ay pinalalago niya upang mas maraming maabot ng tulong mula sa pamana ng butihing si Don Gonzaga.