Inday TrendingInday Trending
Magtatapat ang Babaeng Ito sa Kaniyang Kaibigan, Ngunit sa Huli ay Siya pa pala ang May Malalaman

Magtatapat ang Babaeng Ito sa Kaniyang Kaibigan, Ngunit sa Huli ay Siya pa pala ang May Malalaman

Magtatapos na ng kolehiyo ang babaeng si Claire ngunit ngayon lamang siya nakasigurado sa kaniyang nararamdaman.

“Sige na, Rhea, tulungan mo na akong magtapat kay Marco! Kailangan kong gawin ito bago man lang tayo magtapos. Mantakin mo, apat na taon ko na siyang lihim na nagugustuhan at pakiramdam ko ito na ang tamang panahon para sabihin ko lahat sa kaniya,” pilit ni Claire sa kaniyang kaibigan.

“Claire, magtigil ka nga riyan sa sinasabi mo, hindi naman sa ayaw ko kay Marco pero ‘di ba tropa-tropa natin ‘yun tapos aamin ka? Nakakailang kaya ‘yun, isa pa, babae ka, hindi ka dapat ganiyan ka-todo bigay,” tanggi naman ni Rhea sa kaibigan.

“Pero malay mo, gusto niya rin ako. Paano kung gusto niya rin pala ako tapos hindi lang siya makaporma sa akin? Paano kung parehas pala kami ng nararamdaman? Paano ‘yun ‘di ba? Kaya pagbigyan mo na ako!” pagpupumilit pang muli ng babae.

“Diyos ko naman, Claire, kung gusto ka nung tao matagal ka nang pinormahan nun!” baling ni Rhea sa kaniya.

“Basta ako, magtatapat ako! Alam ko, alam ko sa puso ko na may pag-asa kung sisimulan ko,” masigasig na sagot ni Claire sa kaibigan saka muling nagsukat ng toga nila saka ito nagpakuha ng litrato sa kaibigan.

Ilang linggo na lamang ay magtatapos na sila kaya kahit ayaw ni Rhea sa balak nya ay itinuloy pa rin ito ng dalaga.

Hinanda niya ang isang classroom at pinuno ito ng rosas, kandila, isang upuan, mesa at kaunting pagkain. Saka inanyayahan na pumunta roon ang kaibigan nilang si Marco kasabay si Claire at nagpanggap na wala itong alam sa kanilang inabutan.

“Ano ‘to, para kanino ‘to? Mali yata tayo ng napasukan na classroom, tara na,” mabilis na saad ng lalaki.

“Hindi, Marco, sandali,” awat ni Claire sa kaibigan.

“May sasabihin ako sa’yo,” dagdag pa ng babae.

“Ano ‘yun? Tara, ‘wag tayo rito baka maabutan tayo ng gagamit ng kwarto masira pa natin ‘yung suprise,” sagot kaagad ng lalaki ngunit mabilis na napigilan ni Claire ito at hinawakan ang kaniyang kamay.

Hinila ang lalaki at mabilis na hinalikan sa labi, pumikit si Claire at pilit na hinalikan si Marco saka siya tumigil ng pakiramdam niya ay sasabog na sa init ang mga pisngi niya sa hiya.

“Marco, gusto kita, gustong-gusto kita,” sabay sabi ni Claire kay Marco.

“Claire,” mahinang sabi ng lalaki.

“Pasensiya ka na, Marco, kung ako na ang nagtapat sa’yo. May nararamdaman ka rin ba para sa akin?” dagdag na tanong ng babae.

“Claire, ayaw kitang masaktan pero walang ibang paraan, kaibigan lang ang turing ko sa’yo, Claire, at ang totoo niyan ay si Rhea ang gusto ko,” tugon ni Marco sa kaniya at mas lalo pang uminit ang kaniyang mukha sa hiya. Ngumiti lamang siya saka lumabas.

Kaagad naman siyang sinundan si Rhea.

“Alam mo bang gusto ka ni Marco? Bakit hindi mo sinabi sa akin? Bakit hinayaan mo akong magpakatanga tapos ikaw pala ang gusto?” baling niya sa kaibigan.

“Hindi niya sinabi sa akin ng diretso na gusto niya ako pero matagal na siyang nagpaparamdam, pero kasalanan ko ba ‘yun, Claire, para sa akin ka magalit?” sagot naman ni Rhea sa kaniya.

“E bakit nandito ka pa? Pumunta ka na roon kay Marco lalo na ngayon na alam mo nang gusto ka nung tao. Hayaan mo na ako rito, kaya ko ‘to, makaka-move on din ako,” sagot naman ni Claire rito.

“Aanhin ko ang lalaki kung nagkakaganiyan ang matalik kong kaibigan? Sinabihan kitang huwag mong ituloy pero hindi ka nakinig sa akin, sana naman huwag mong isisi sa akin ito at alalahanin mo ‘yung rason mo bakit mo ginawang magtapat kay Marco,” paliwanag pang muli ni Rhea sa kaibigan at saka ito niyakap.

Umiyak lamang si Claire sa babae, ngayon bumalik sa kaniya ang mga rason kung bakit niya napagpasyahang sumugal kay Marco at iyon ay dahil ayaw niyang may pagsisihan siya sa huli at tama ang kaibigan niya, wala itong kasalanan para kagalitan niya.

Simula noon ay tinanggap ni Claire ang panunuyo ni Marco kay Rhea kahit nga nakapagtapos na sila at nagtratrabaho na. Habang siya naman ay mas lalong lumakas ang loob niya na kung may gusto man siyang sabihin o gawin ay itutuloy niya lamang ito kahit na masaktan siyang muli.

Ngayon alam niyang kahit papano ay natanggal ang tinik sa puso niya para kay Marco at mga pangarap na noon ay binubuo na niya sa kaniyang malawak na imahinasyon. Mas natutunan din ng dalaga ang mabuhay sa katotohanan na hindi lahat ng pag-aalayan mo ng pag-ibig ay tatanggapin ito nang buong puso.

Advertisement