Isang Babaeng Birhen ang Bigla na Lamang Nanganak; May Malaking Lihim Palang Mabubunyag
“Alam mo, pumunta ka na rito sa Maynila! Bakit ba nandiyan ka sa probinsya? Isang taon ka na riyan, sayang naman ang trabaho mo sa bangko,” wika ni Jane, matalik na kaibigan ni Winnie.
“Jane, may sasabihin sana ako sa’yo, pero huwag ka sanang mabibigla,” sagot naman ng babae.
“Kakapanganak ko lang,” mahina nitong sambit sa telepono.
“What the?! Seryoso ba ‘to? Nabuntis ka nang hindi ko nalalaman? Tapos nanganak ka na lang ng ganiyan? Ano ‘to? Best friend mo ba talaga ako, Winnie?! Sino ang ama? Kasama mo ba siya?” mabilis na tanong ni Jane sa kaniya.
“Saka na natin pagkwentuhan ang lahat kapag nakapagbakasyon ka na rito para makita ang inaanak mo,” natatawang sagot ni Winnie sa kaibigan at saka sila nagkwentuhan pa.
“Frank, alam mo bang nanganak na si Winnie?! Akalain mo nga naman, naunahan pa tayo ng birhen kong kaibigan. Buong buhay niya sabi niya sa akin hindi siya mag-aasawa pero tingnan mo naman ngayon, grabe, ilang buwan lang ba akong nawala sa ‘Pinas tapos ganito na ang mga nangyari?” natatawang saad ni Jane sa kaniyang mister.
“Sinong ama?” seryosong tanong nito sa asawa.
“Ayon nga, hindi sinasabi, mukhang hindi siya pinanagutan ng lalaki at wala raw doon. Mas mahalaga raw sa kaniya ngayon ay ‘yung bata at wala nang balak habulin pa ang tatay. Ang martir din naman talaga ng kaibigan ko!” wika ng babae.
Hindi na sumagot ang mister niyang si Frank at nagpatuloy na lamang ito sa pagbabasa ng kaniyang libro. Ilang buwan pa ang lumipas at tuluyan na ngang sa probinsya nanirahan ang matalik nyang kaibigan na si Winnie. Unti-unti nang pinakuha ng babae ang mga natitirang gamit nito sa Maynila.
“Bakit hindi man lang kayo nagsabi, Jane, na ngayon pala kayo darating? Hindi man lang kami nakapag-ayos ni mama ng bahay,” wika ni Winnie sa biglaang pagbisita ng kaniyang matalik na kaibigan kasama ang asawa nitong si Frank.
“Alam mo, ikaw, nag-abroad lang ako saglit ay naging malihim ka na sa akin. Siyempre hindi ko hahayaan na ganito na lang tayo, kailangan natin magkwentuhan at kailangan kong makita ang inaanak ko,” sagot naman sa kaniya ni Jane.
“Alam mo, alam kong may tinatago ka sa akin at ramdam na ramdam ko ‘yun! Sino ang ama ng bata? Kilala ko ba? Nasa Maynila ba kaya umalis ka roon at mas pinili mong manirahan dito nang simple? Para ano? Para itago sa kaniya? Bakit, Winnie! Anong problema?” mabilisang tanong ng babae na tila ba nagbibiro na parang natatawa ito. Saka nito nilapitan ang bata na nauna nang tiningnan ng kaniyang mister.
Biglang natahimik si Jane nang makita ito na buhat na kaagad ng kaniyang mister.
“Bakit parang magkamukha kayo?” mahinang sambit ni Jane sa sarili.
Mabilis na tumalikod si Winnie saka nagpunta sa kusina para uminom ng tubig, mabilis namang sinundan ito ni Jane.
“Umamin ka nga, Winnie, sino ang ama ng bata?”
“Hindi mo kailangan malaman, Jane,” sagot niya rito.
“Huwag mong sabihin sa akin na tama ang kutob ko? Huwag mo akong gaguh*n, Winnie, bakit sila magkamukha ng asawa ko?” diretso niyang tanong sa kaibigan.
Dito na bumagsak ang mga luha ni Winnie at saglit silang dalawang nag-iyakan. Sa sandaling iyon ay sapat na kay Jane ang mga luha ng kaniyang kaibigan para sa isang sagot na hindi niya alam kung handa ba siyang tanggapin ng mga oras na iyon.
Poot kaagad at maraming katanungan ang pumuno sa kaniyang isipan.
“Wala kaming relasyon, Jane, ayon lang ang dapat mong malaman. Isang linggo bago kayo ikasal, pare-parehas kaming nalasing at hindi ko na rin alam ang mga sumunod na nangyari basta pag gising ko may nangyari na sa amin ni Frank,” unang bunyag niya sa kaibigan.
“Bakit hindi mo man lang sinabi sa akin ‘yan?! Karapatan kong malaman ‘yan!” mahina ngunit madiing sabi ni Jane sa kaniya.
“Kasi ayaw kong makagulo, ayaw ko na ang isang pagkakamali ay sisira sa buong buhay mo, sa buong buhay niyong mag-asawa. Alak lang ‘yun, Jane, pero kayo? Mahal niyo ang isa’t isa ni Frank at hindi ako karapat dapat para sumira sa kung ano man ang pinundar niyong relasyon. Wala akong balak,” paliwanag muli ni Winnie sa kaniya.
“Pero may anak kayo!” sigaw muli ni Jane.
“Sinong mag-aakala na magbubunga ang isang kasalanan? Walang kinalaman ang anak ko, wala siyang kasalanan para maambunan ng galit mo, ng poot ng mundong ito. Kaya ako lumayo, kaya ako umalis sa Maynila para mamuhay nang tahimik dahil ayaw kong masira kayo! Mahal kita, Jane, alam mo ‘yan! Matalik kitang kaibigan at hinding-hindi ko gagawin sa’yo ‘to, hindi ang agawin ang asawa mo! Alam ng Diyos kung gaano kita kamahal bilang kaibigan!” iyak ni Winnie sa kaniya.
“Patawarin mo ang anak ko, parang awa mo na, wala siyang kinalaman sa mundo para kagalitan mo. Patawarin mo ako sa pagsisinungaling ko, kalimutan mo na ako, Jane, lalayo kami huwag lang kayong masira,” dagdag pa nito at saka lumuhod sa babae.
Hindi naman sumagot pa si Jane at mas piniling umalis. Narinig naman lahat iyon ni Frank at sinundan ang kaniyang asawa. Saka rin ito umamin sa nangyaring isang beses sa kanila ni Winnie.
Halos ilang buwan na umiyak si Jane sa nangyaring ito sa kaniyang buhay ngunit habang tumatagal ay nakikita niya ang pagsusumikap ni Frank para makuha ang pagpapatawad niya. Unti-unti, naintindihan ni Jane na isa ito sa mga pagsubok na ibinigay ng Diyos sa kanilang pagsasama kaya naman sa huli ay natanggap niya na ito ay nangyari sa kanilang nakaraan.
Napagtanto rin nyang walang kasalanan ang bata para kagalitan niya. Simula noon ay nagbigay ng suporta sina Frank at Jane sa anak ni Winnie habang si Winnie naman ay nagpasyang hindi na muling bumalik sa Maynila para sa ikatatahimik na rin ng bawat pamilya.
Alam ni Winnie na hindi man daw normal ang pamilyang binuo niya para sa kaniyang anak ngunit malaki ang tiwala niya sa Panginoon na gagabayan siya sa pagiging nanay upang mapaintindi ang lahat sa kaniyang anak pagdating ng tamang panahon.