Kinatandaan na ng Binata ang Pangungutya ng Ibang Tao sa Kaniyang Hitsura; Niyakap niya ito at Ikinasikat Pa
Iwa-iwarang na ngipin, maitim na balat, malaking bibig, malaking mata. Madalas na mapagtawanan ng mga tao noon si Ferdie dahil na rin sa kaniyang hitsura. Kinalakihan na niya ang pagiging tampulan ng tukso ng karamihan sa kaniyang mga kakilala, ngunit maaga siyang namulat na ganoon naman talaga ang mga tao. Likas silang mapangutya, ngunit hindi kailanman gustong maranasan ang ganoon sa iba.
Tanggap ni Ferdie ang kaniyang sarili at dahil iyon sa pagmamahal ng kaniyang mga kapamilya at ang ipinakita nilang suporta at pagmamahal para sa kaniya. Pinunan ng mga ito ang pagtanggap na hinahanap niya sa ibang tao kaya naman para kay Ferdie ay sobra pa iyon sa kaniya.
Isa pa, hindi tumigil si Ferdie sa paghahanap ng paraan upang kahit papaano ay makahanap siya ng mga kaibigang tatanggap din sa kaniya sa kabila ng pagiging “pangit” niya sa mga mata ng karamihan, at ang pagpapatawa at pagiging kuwela ang napili niyang maging sandigan.
“Ferdie, na-try mo na bang sukatin kung gaano kalaki mo puwedeng ibuka ang bibig mo? Curious lang,” tatawa-tawang biro ng isa sa kaniyang mga kaeskuwela nang minsang magsama-sama sila para sa isang proyekto.
“Naku, tigil-tigilan mo ako, Nilo, ha? Hindi totoong malaki ang bunganga ko! Ingatan mong huwag akong mapikon sa ’yo dahil baka lulunin kita nang buhay, nakita mo. Kayang-kasya ka rito sa siwang ng ngipin ko.” Sinundan pa niya ng isang malawak na pagngisi ang sinabi na agad namang nakapagpahagalpak sa kaniyang mga kabarkada.
Imbes na malugmok dahil sa natatanggap niyang pangungutya, panunukso at mga pang-iinsulto ay ginawa niya iyong lakas upang siya ay matanggap ng mga tao. Madalas niyang ibida ang kaniyang sarili sa mga kuwentong katatawanan na talaga namang bentang-benta noon sa kaniyang mga nagiging kaklase o mga kaeskuwela.
Hindi naging madali ang ganoong kalagayan ni Ferdie dahil pilit man niyang ignorahin ay talaga namang nasasaktan pa rin siya minsan kapag sobra na ang natatanggap niyang pangungutya. Ngunit, muli, hindi iyon iniinda ni Ferdie.
Hanggang sa dumating ang panahong nauso na ang pagkakaroon ng mga influencer sa social media… at isa si Ferdie sa mga nakiuso sa ganoong larangan sa pamamagitan ng pagpapatawa.
Puno ng hagalpakan sa lugar na iyon sa Barangay Masaya. Paano ba naman ay nagtitipon-tipon na naman ang mga kabataan sa tapat ng tindahan ni Aling Anita kung saan mayroon ding ibinibentang piso wifi o iyong piso kapalit ng ilang minuto ng internet connection. Sabay-sabay na namang nanunuod ang mga ito ng sikat na sikat ngayong comedy skit ng isang social media influencer na kung tawagin ay si Funny Ferdie.
“Grabe, nakakatawa talaga si Ferdie, ano?” komento ng isa sa mga kabataang nanunuod noon sa naturang komedyante habang hawak ang kaniyang tiyan na kanina pa sumasakit dahil sa katatawa.
“Kaya nga, eh. Sobrang benta ng mga jokes niya. Feeling ko ang sarap-sarap niyang maging kaibigan,” sabi naman ng isa pa na agad namang sinang-ayunan ng iba pa nilang mga kasama.
Napangiti si Aling Anita sa narinig na pag-uusap na iyon ng mga kabataan sa tapat ng kaniyang tindahan. Naiiling siyang tumawa.
“Kung alam lang ng mga batang ito ang pinagdaanan mo bago mo nakamit ang kinalalagyan mo ngayon, Naku, sigurado akong lalo ka pa nilang hahangaan,” sabi ni Aling Anita sa kaniyang apong si Ferdie habang kausap niya ito sa isang video call.
Tumawa naman si Ferdie sa kabilang linya. Aliw na aliw siya sa reaksyon ng kaniyang lola habang pinagmamasdan nito ang kaniyang mga tagapanuod na doon pa mismo rumerenta sa maliit na negosyong ibinigay niya sa kaniyang lola upang may mapaglibangan ito habang siya ay malayo sa kanila.
Nasa probinsya kasi ang mga ito habang si Ferdie naman ay minabuting manatili muna sa Maynila upang mas madali niyang mapuntahan ang kaniyang kabi-kabilang guesting sa telebisyon, mga sponsorship meetings at kung anu-ano pang oportunidad na dumarating sa kaniyang buhay sa kalagitnaan ngayon ng kaniyang kasikatan.
Talagang kilalang-kilala na si Ferdie bilang isa sa pinaka-successful na influencer sa ‘Pinas, lalo pa at hindi naman niya sinosolo ang mga biyayang kaniyang natatamasa. Alam ng mga taong marami na rin siyang natulungang nangangailangan at dahil doon ay mas lalo nila siyang minahal ng mga tao, anuman ang kaniyang hitsura. Bukod pa roon ay nagtagumpay siyang bigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilya, habang masayang-masaya siya sa kaniyang ginagawa.