Inday TrendingInday Trending
Third Eye Lang Daw ang Hiling ng Babaeng Ito, Pagsisisihan Pala Niya Kung Kanino Matutupad ang Hiling Niya sa Dulo

Third Eye Lang Daw ang Hiling ng Babaeng Ito, Pagsisisihan Pala Niya Kung Kanino Matutupad ang Hiling Niya sa Dulo

“Mama, kanina sa simbahan may nakita akong batang babae. Tinatawag niya akong sumama sa kaniya, pwede ba akong makipaglaro sa kaniya sa susunod nating simba?” tanong ni Drew, limang taong gulang na anak ni Mateth.

“Anak! Ayan na naman tayo sa mga multo mo! ‘Di ba sabi ko naman sa’yo pag may nakikita kang ganyan huwag mo na lang pansinin, parang awa mo na!” sagot kaagad ng babae saka niyakap ang anak niya.

“Pero, mama, mukhang mabait naman ‘yung bata. Hindi siya scary at tinatawag niya ako, may gusto raw kasi siyang ipakita,” sagot ng bata sa kaniya.

“Anak, no, when mama said no ‘di ba dapat no? Tama na muna, maghugas ka muna at magpalit ng damit saka tayo mag meryenda,” utos muli ni Mateth sa kaniyan anak at sumunod naman ito.

Habang naiwan naman na nakatulala ang babae sa bibliya na hawak lamang niya kanina.

Bata pa lamang noon si Mateth ay pinangarap na niya ang magkaroon ng third eye dahil pakiramdam niya noon ay masaya makakita ng multo at makakasali sa mga kwentuhan kung saan multo ang usapan.

Halos lahat kasi ng mga pinsan niya ay may third eye raw kaya naman labis na lamang ang inggit niya noon at walang tigil sa paghiling na makakita na siya ng multo o kahit makaramdam lamang daw ng espiritu ay ayos na ngunit hindi talaga binigay sa kaniya ito ng pagkakataon. Imbes, napunta ngayon ito sa kaniyang anak na labis niyang ikinababahala.

Bata pa lamang si Drew ay may kausap na itong hindi niya nakikita hanggang sa nagsabi ang bata sa kaniya na nakakakita nga ito ng hindi niya nakikita.

Noong una ay akala niya’y gawa-gawa lamang ito ng kaniyang anak dahil alam niyang kasama ito sa paglaki ng mga bata ngunit habang tumatagal ay naniwala na siya sa kakayahan ng bata.

“Mama, nasa labas ng pinto ‘yung batang babae na nakita natin sa simbahan, tinatawag niya ako,” biglang wika ni Drew habang nagmemeryenda sila.

“Drew! Tigilan mo ako!” sigaw ni Mateth sa bata.

“Ma, bakit ka nagagalit? Sinasabi ko lang naman, mukhang nanghihingi siya ng tulong, samahan natin,” saad pang muli ng kaniyang anak at mas pinili nyang hindi pansinin ang bata at pinaandar ang telebisyon nila para mabaling sa iba ang atensyon nito.

“Ma, tara na, labas tayo,” biglang sabi ni Drew at binuksan ang pinto nila at dali-daling naglakad ito palabas na para bang may hinahabol nga siya.

“Drew! Bumalik ka rito!” sigaw ni Mateth at nagmadaling kuhanin ang tsinelas niya saka hinabol ang anak.

“Drew, tatamaan ka talaga sa aking bata ka! Bumalik ka rito!” sigaw pang muli ng babae at mas lalo pa itong nagmadali nang patungo ang anak niya sa direksyon ng sapa na malapit sa kanila.

“Ma!” sigaw ni Drew at sumilip ito sa baba ng sapa.

“Talaga kang bata ka! Umalis ka riyan! Baka mahulog ka!” sabi ni Mateth at mabilis na nahawakan ang anak niya.

“Ma, nandiyan daw siya, sabi niya tulungan daw natin siya,” sabi pang muli ni Drew sa kaniya at ngayon na tumayo ang mga balahibo ng babae ng makita niyang may sapatos sa sapa.

Mabilis na nakatawag ng barangay sina Mateth at doon na nakuha ang bangkay ng batang sinasabi ng kaniyang anak. Halos isang linggo na itong nawawala at napag-alamang nalunod pala ang bata at napadpad sa sapa na malapit sa kanila.

“Mama, bakit hindi mo sinabi na nakikita ko ‘yung multo nung bata kaya ko siya nalaman na nandoon?” tanong ni Drew sa kaniya.

“Ayos na ‘yun, anak, ang mahalaga natulungan natin ang bata. Okay na siya ‘di ba?” wika ng babae sa bata.

“Opo, mama, salamat daw at naniwala ka sa kaniya,” sagot ni Drew saka niya niyakap ang bata at napaluha na lamang siya ng lihim para sa anak.

Alam niyang nakatulong sila sa kaluluwa ng batang nalunod ngunit mas pinagdarasal niya ngayon na mawala na ang regalong ito sa kaniyang anak dahil hindi niya alam kung paano pa niya mahahawakan o mapapanindigan ang mga susunod na sitwasyon. Ngayon niya naramdaman ang takot para sa mga kaluluwa at kung ano pa man na hindi niya nakikita. Gusto na lamang niya na magkaroon ng normal na buhay si Drew at maging isang normal na bata.

Advertisement