Inday TrendingInday Trending
Pinagmalupitan Siya ng Biyenan at Asawa; Bagong Pag-ibig Pala ang Sasagip sa Kaniya

Pinagmalupitan Siya ng Biyenan at Asawa; Bagong Pag-ibig Pala ang Sasagip sa Kaniya

“Sige iha, iri pa!” Isang mahabang pag-iri ang pinakawalan ni Blanca bago marinig ang malakas na iyak ng sanggol. Kita niyang nababalot ito ng dugo habang hawak ng isang nurse bago siya nawalan ng malay.

“Babae po ang anak n’yo, misis.” Nang magising si Blanca ay naroon pa rin ang nurse at hawak-hawak ang kaniyang bagong silang na anak. Ngunit hindi tulad kanina ay malinis na ito ngayon ay nakabalot sa puting damit ng sanggol. Dahan-dahan itong inilagay sa kaniyang mga bisig. Mangiyak-ngiyak niyang pinagmasdan ang anak.

“Napakaganda mo, Heidy, anak.” Pinasadahan ni Blanca ng tingin ang bawat parte ng mukha ni Heidy.

Ilang araw lamang ay pinayagan na siyang lumabas ng ospital. Hindi niya makita ang galak sa mga mata ng asawa at biyenan dahil alam niyang lalaki ang inaasahan nilang sanggol na iluluwal niya.

“Mama, si Heidy⏤”

“Wala akong pakialam sa batang iyan.” Nanghihinang naupo si Blanca dahil sa hindi inaasahang saad ng biyenan.

“M-ma?” Hindi pa rin makapaniwala si Blanca. Napatingin siya sa asawa ngunit wala itong imik.

“Hindi ako magbibigay ng kahit piso sa batang iyan! Isang malas ang panganay na babae sa angkan namin at nagdala ka ng malas sa pamamahay na ito.” Ganoon na lamang ang galit ni Blanca sa sinabi ng matandang biyenan at sa asawang walang imik.

“Hindi ako makapaniwala na kaya n’yong sabihin ang katagang iyan! Apo n’yo ito. Dugo’t laman n’yo!” Malakas na sampal ang tumama sa pisngi ni Blance.

“Wala kang karapatan na pagsalitaan si Mama nang ganiyan. Lumayas ka! Layas!” Yakap-yakap ni Blanca ang kapapanganak pa lamang na anak. Hindi niya lubos akalain na ang mismong asawa niya pa ang magpapalayas sa kaniya gayong alam nitong wala siyang pamilyang malalapitan.

“Napakawalang puso ninyo!” Malakas na isinarado ng kaniyang asawa ang pintuan ng bahay nila. Humahagulhol siya sa tabi ng pinto at hindi malaman ang gagawin.

Nagpalakad-lakad si Blanca sa ilalim ng katirikan ng araw. Pagod na pagod siya at nagugutom na rin.

Hanggang isang binata na nasa edad dalawampu’t walo ang kaniyang aksidenteng nabunggo.

Hindi na matigil sa pag-iyak ang anak ni Blanca habang siya naman ay hinang-hina na… hanggang sa maya-maya ay mawalan siya ng malay.

Hindi magkandaugaga si Alexis sa kaganapan. Agad siyang tumawag ng ambulansya at dinala sa ospital ang babaeng nabuwal sa harapan niya. Karga niya ang anak nito at inaalo-alo.

Nang magising si Blanca ay hinanap niya agad ang anak. Ibinigay ni Alexis ang bata at napaluhang nagpasalamat sa kaniya si Blanca.

“Wala iyon. Nabayaran ko na rin lahat ng gastos sa ospital. Pero Miss, pwedeng magtanong?” alinlangang wika ni Alexis. Tumango si Blanca.

“Tirik na tirik ang araw kanina pero nasa labas ka. Bakit?” Hindi maiwasang maiyak ni Blanca nang mabalikan ang ginawa ng kaniyang asawa at biyenan.

Ikinuwento niya kay Alexis ang lahat. Ang pagpapalayas ng mga ito sa kaniya at ang kawala niya ng mapupuntahan.

“Napakasama nila kung ganoon. Kung gusto mo ay sa bahay ka muna at ang anak mo. Mag-isa lang ako sa bahay at madalas ay walang naiiwan doon dahil lagi akong nasa trabaho.” Walang pagsidlan ng tuwa si Blanca at paulit-ulit na nagpasalamat sa lalaki.

Dinala nga ni Alexis si Blanca sa bahay niya. Gaya ng sinabi nito ay madalas nga itong wala kaya naman si Blanca ang araw-araw na gumagawa ng mga gawain sa bahay upang hindi sila maging pabigat ng anak doon.

Naging mabuti sila sa isa’t isa. Madalas ay nasa bisig ni Alexis si Heidy at nilalaro ito… mga eksenang hindi nagawa ng asawa.

Isang taon ang lumipas. Inaya ni Alexis na magpakasal si Blanca dahil nalaman niyang hindi ito tunay na ikinasal sa naunang asawa. Planado lamang pala iyon ng mag-ina upang maging opisyal nang Filipino Citizen ang half Chinese niyang asawa.

Alinlangan man si Blanca ay tumango siya. Hindi niya kayang hindian ang taong sumagip ng buhay nilang mag-ina.

Hindi inakala ni Blanca na sobrang yaman pala ng pamilya ni Alexis. Mabait din lahat ng kapamilya niya katulad ng mapapangasawa.

Matapos ang preparasyon ay ikinasal sila. Halos dalawang taon na rin si Heidy.

Nabalitaan ni Blanca na nalupog na ang asawa at biyenan dahil naubos ang pera ng mga ito sa sugal at iba pang bisyo. Bukod doon ay bumagsak din ang kanilang negosyo nang magsimulang makilala naman ang negosyo ni Alexis na mortal namang kaaway ng kompanya ng mga ito.

Samantala, nabalitaan naman ng mag-inang umalipusta kay Blanca noon ang tungkol sa pag-angat nito sa buhay. Dahil doon ay napuno ng pagsisisi ang kanilang mga puso.

Nagpasiya silang huwag nang guluhin pa ang magandang buhay nito at ni Heidy at pagdusahan na lamang nang magkasama ang kanilang karma.

Advertisement