Inday TrendingInday Trending
Binulag ng Sobrang Pag-ibig ang Babae; Pamilya rin pala ang Kaniyang Sasandalan

Binulag ng Sobrang Pag-ibig ang Babae; Pamilya rin pala ang Kaniyang Sasandalan

“Tao po!” Tatlong katok ang nagpagising kay Myrna. Kusot-kusot pa siya sa nanlalabo pang mata nang buksan niya ang pinto.

“Ate!” Napatakip siya ng tainga matapos marinig ang nakaririnding boses ng hindi inaasahang bisita.

“Irma naman! Kahit kailan ‘yang boses mo, ang sakit sa tenga!” Tinawanan siya ni Irma na ikinabusangot ng mukha niya.

“Hindi mo ba ako na-miss, Ate?” kunwaring tampo ni Irma.

“Tinatanong pa ba ‘yan? Siyempre hindi!” Hinampas ni Irma ang nakakalokong kapatid saka walang sabing pumasok.

“Bakit napapunta ka rito? Sila mama at papa, kumusta?” magkasunod na tanong ni Myrna sa kapatid.

“Hindi pwedeng magpahinga muna, Ate? Wala bang pagkain? Nagugutom na ako!” Isang batok ang natanggap ni Irma mula sa kaniya.

Isang taon lamang ang pagitan nina Myrna at Irma kaya naman halos magbarkada lamang kung magturingan ang dalawa. Bente y nueve si Myrna habang ang kapatid naman ay bente y otso.

Habang kumakain si Irma ay may isang lalaking dumating.

“May bisita ka pala.” Humalik ang lalaki sa kaniyang Ate Myrna bago ito dumiretso sa kwarto upang magpalit ng damit.

Tinapos agad niya ang pagkain at napansin na madilim na sa labas. Maya-maya ay lumabas ang lalaki at napatingin sa kaniya.

“Kamukha mo si Myrna, ikaw ba si Irma?” Isang tango ang isinagot ni Irma sa lalaking hindi niya kilala.

Ipinaalam niya sa dalawa ang dahilan ng pagluwas niya sa Maynila. Balak niya kasing dito na rin muna magtrabaho dahil mas malaki ang oportunidad dito kaysa sa probinsya. Ang hindi niya rin inaasahan ay may asawa na pala ang nakatatandang kapatid dahil wala naman itong nababanggit simula noong lisanin nito ang kailang probinsya at magtrabaho rito sa Maynila.

“Ilang taon na kayong nagsasama?” tanong ni Irma sa kaniyang ate habang parehas silang nakahiga sa malambot na kama. Sa sala naman natulog ngayong gabi ang asawa ng kaniyang ate na nagpakilalang si Kuya Jeric.

“Tatlong taon na rin. Pasensiya na kung hindi ko pa naipapaalam sa inyo sa takot sa maaring masabi nina mama’t papa.”

“‘Wag kang mag-alala. Alam kong mauunawaan ni mama at papa iyon.” Niyakap ni Myrna ang kapatid sa tuwa.

Napagpasiyahan ng mag-asawa na sa bahay na lamang nila patuluyin si Irma, tutal ay kasya pa naman silang tatlo roon.

Naging maayos naman ang mga unang buwan ni Irma sa puder ng kaniyang ate at asawa nito. Mabuti rin naman ang pakikitungo ni Jeric sa kaniya.

Araw-araw ay si Irma ang naiiwan sa bahay ng mag-asawa.

Ngunit ang hindi niya maunawaan ay ang biglang pagbabago ng kilos ng Kuya Jeric niya.

Isang araw ay naiwan silang dalawa sa bahay. Takot na takot si Irma sa ngisi pa lamang ng bayaw.

Hindi niya alam kung bakit bigla na lamang itong naging ganoon sa kaniya.

“K-Kuya, lumayo ka.” Tulak-tulak ni Irma ang bayaw ngunit lalo lamang nitong inilapit ang sarili sa kaniya.

Simula noon ay palagi nang ganoon ang tagpo nila at pinagbantaan siyang huwag magsusumbong sa kapatid kundi ay may ‘di magandang mangyayari dito. Gustuhin man niyang umalis doon ay natatakot naman siyang totohanin nito ang banta.

Isang araw ay nahuli ng kaniyang kapatid na nasa iisang kwarto sila. Malakas na sampal ang tumama sa kaniyang pisngi. Nais niya sanang magpaliwanag na ang asawa nito ang tumabi habang natutulog siya ngunit agad siya nitong pinalayas.

Lumipas ang taon. Umuwi si Myrna sa kanilang probinsya nang umiiyak. Awang-awa ang kaniyang mga magulang habang tahimik lamang siyang nakamasid. Naawa rin siya sa Ate niya ngunit tila naumid ang dila niya at walang lumabas na salita sa kaniyang bibig.

Nang mapadako ang mata ni Myrna kay Irma ay lalo siyang humagulhol. Nahihiya siya rito dahil sa kaniyang nagawa noon. Alam na niya ang totoo at mismong nanggaling ang mga salita sa dating asawa. Inamin nito ang lahat sa kaniya habang nasa impluwensya ito ng alak.

“I-Irma,” nauutal na tawag niya sa pangalan ng nakababatang kapatid. Nahihiyang lumapit siya rito.

“Pasensiya na kung hindi ako naniwala sa ‘yo. Patawad kung pinagdudahan kita at nasaktan. Patawad at nabulag ako sa pagmamahal ko kay Jeric. Walanghiya siya! Hindi ko matanggap na niloloko niya lang pala ako.”

Niyakap ni Irma ang nakakatandang kapatid. Naawa siya rito.

“Napatawad na kita, Ate. Alam ko ‘yon. Kita ko sa mata mong mahal mo siya. Masaya akong nakita mo na ang katotohanan. Tandaan mong pamilya tayo, tayo lamang ang magdadamayan.” Pumatak ang luha sa pisngi ni Myrna.

Dahil doon ay natuto na siya sa lahat ng naging kasalanan niya sa kaniyang pamilya. Ipinangako niya sa sarili na kailan man ay hindi na muling mabubulag pa ng pag-ibig.

Katulong angg pamilya ay muling bumangon si Myrna.

Advertisement