Katitilaok pa lamang ng manok sa bukang liwayway ay napabangon a agad si Celso nang marinig ang ratatat ng bunganga ng kaniyang misis na si Beth. Nanenermon na naman ito sa kaniya tungkol sa pag-uwi niya nang lasing kagabi.
Nasapo ni Celso ang kaniyang ulo dahil sa mga sinasabi ng kaniyang misis…
“Ang kapal-kapal talaga ng mukha mong umuwi nang lasing, ano? Akala mo kung sino kang pensyonado, e, wala ka na ngang silbi rito sa bahay!” sigaw ni Beth habang nakaharap ito sa lababo at naghuhugas ng pinggan.
“Mahal, sinabi ko naman sa ’yo na inaya kasi ako ng boss ko kagabi, hindi ba? Hindi naman kasi ako makatanggi dahil nga birthday no’ng tao. Isa pa, ang laki kaya ng bonus na ibinigay n’on sa akin,” mahinahong paliwanag naman ni Celso sa asawa kahit na nga tumitibok-tibok na sa kirot ang kaniyang ulo.
“Malaki? Nalalakihan ka na sa kinita mong ’yon, Celso? Aba! Kung ganoon pala, ano’ng tawag mo sa kita ng asawa ni Ate Sonia? Aba’y libo kung mag-uwi ng pera iyon araw-araw, Celso!” ngunit hirit pa ni Beth na tila naging dahilan upang magpantig ang tainga ng mister…
“Ikinukumpara mo na naman ako sa asawa ng pinsan mo, Bethina! Malamang na malaki kung mag-uwi ng pera iyon, aba’y puro ilegal ang ginagawa n’on sa buhay, eh! Isa pa, kailangan niya talagang kumayod nang kumayod sa dami ng binubuhay niyang anak sa iba’t ibang babae!” napalakas nang sagot ni Celso sa asawa.
“Ah, talaga ba? So, nagmamalinis ka na ngayon? Akala mo ni minsan sa buhay mo o sa pagsasama natin hindi ka tumikim ng ibang babae, ah! Huwag mo akong siluin, Celso. Alam na alam ko ’yang karakas mo!” Talagang hindi papatalo si Beth sa away nila kahit wala naman siyang basehan sa kaniyang mga sinasabi.
“Bakit, Bethina, sabihin mo nga sa akin, kailan mo ako nahuling nambabae? May nabalitaan ka man lang ba? Wala naman, ah!” katuwiran naman ni Celso.
“Wala nga. Magaling kang magtago, eh!” sagot naman ni Beth na tuluyan nang ikinapikon ng mister.
“Alam mo, kung wala kang tiwala sa akin o kahit respeto man lang bilang asawa mo, maghiwalay na lang muna tayo.” Mababa ang boses ni Celso na agad na tumalikod.
Nanggalaiti naman si Beth sa sinabi niya,
“Maghiwalay? Ako pa hinamon mo? Halika’t ipag-eempake kita!” hiyaw naman ni Beth sa pag-aakalang dahil doon ay titiklop na ang kaniyang asawa tulad noon.
“Ako na. Mapapagod ka pa.”
Ngunit nabigla si Beth nang umpisahan ng kaniyang asawa ang pag-eempake!
Matapos iyon ay walang sali-salitang nilisan nito ang kanilang bahay at naiwan si Beth na tulala at hindi makapaniwala.
Sa ilang taon nilang pagsasama ay hindi naman iyon ginawa ni Celso kahit kailan! Kahit pa nga sobrang sakit ng mga sinasabi niya sa asawa, nang halos araw-araw ay nasanay siyang yayakapin lamang siya nito upang maging maayos na muli sila at magkabati na.
Tila naestatwa ang bungangera at ngayon ay nawalan na ng sasabihin. Matapos iyon ay napaluha na lamang siya’t hindi alam ang gagawin.
Ilang araw ang lumipas at nangungulila na talaga si Beth sa malambing at mabait niyang mister. Ngayon ay napagtanto na niyang mali nga ang kaniyang mga ginagawa at talaga namang nakasasama ng loob kaya naman natatakot siyang baka hindi na siya balikan pa ni Celso.
Ngunit lalong nilamon ng kaniyang konsensya at pagsisisi si Beth nang sa ospital niya sunduin ang kaniyang mister! Tumawag kasi ang boss nito sa construction site at ipinaalam sa kaniyang naroon nga si Celso!
Ayon sa doktor ay nasobrahan daw sa katatrabaho si Celso kaya bumagsak ang katawan nito. Paano’y ibinuhos doon ng lalaki ang lahat halos ng kaniyang oras para lang makalimutan ang dinaramdam na sama ng loob sa asawang si Beth. Dahil doon ay napahagulhol na lang sa pagsisisi si Beth at nang magising ang asawa ay halos maglumuhod siya sa kahihingi ng tawad dito.
Mabilis namang pinatawad ni Celso ang kaniyang misis na si Beth. Mahal na mahal niya kasi ito at talagang hindi naman niya ito matitiis. Ganoon pa man ay nangako naman itong magbabago na simula ngayon at mas magiging maunawaing misis sa kaniya na tinupad naman ni Beth.
Makalipas lang ang ilang buwan ay nabalitaan na lang ng lahat na sa wakas ay buntis na si Beth at magiging magulang na sila ni Celso! Lalong naging matamis ang pagsasama ng dalawa noong sumunod pang mga taon.