Planado at Garantisadong Hindi Raw Mambababae ang Mister ng Babaeng Ito, May Papalya Pala sa Plano
Sa araw-araw na lumipas sa buhay ni Rica ay hindi niya nakaligtaan ang magdasal lalo na para sa kanilang mag-asawa. Wala siyang ibang panalingin kung ‘di ang maging buo sila at huwag magkaroon ng ibang babae ang mister niya.
“Parang may mali, bakit ganon ‘yung pakiramdam ko? Bakit wala akong naramdaman nung sinorpresa niya ako?” tanong ni Rica sa kaniyang kapatid habang nag-aayos ito ng kurtina.
“Baka naman ikaw ‘yung nanlalamig, baka ikaw ‘yung may problema o baka naman kaya namimiss mo lang siya,” sagot ni Aimee, kapatid ng babae.
“Ewan ko, nitong mga nakaraan palagi na lang akong nagigising sa madaling araw at napapanaginipan ko siya. Ngayon lang ako nagkaganito, ilang taon na kaming long distance pero ngayon lang parang may mali. Hindi ko talaga mainitindihan,” sabi naman muli ni Rica.
“Ayaw kong pakinggan ‘yung sinasabi ng utak ko pero parang may iba,” dagdag pa nito.
“Lahat naman, Rica, dumaraan sa ganiyang pahina. Sabi ko nga sa’yo, normal sa mga lalaki ang mambabae kaya hayaan mo na basta ang mahalaga sa’yo uuwi,” sagot ni Aimee sa kanya.
“Sa inyo normal, pero sa akin? Hindi mangyayari ‘yan,” mabilis na sagot ng babae at hindi niya napigilang mairita sa kaniyang ate.
Alam ni Rica na hindi perpekto ang pagsasama nila ngunit alam niya sa sarili na ginawa niya ang lahat upang huwag siyang magaya sa kaniyang nanay at mga kapatid na ang mga asawa ay nambababae at buong puso pa rin nilang pinapatawad ito.
Pinili ni Rica ang kaniyang mister sa pamamagitan nga raw ng Diyos, hiningi niya ito sa itaas. Hindi niya minadali ang proseso ng kanilang pag-iibigan. Nariyang naging magkaibigan sila, kasama sa simbahan, nagtrabaho hanggang sa nakapagpundar, nangangarap ng sabay at ngayon ay may sinumpaang pangako sa isa’t isa na kapag nagkaroon ng ibang lalaki/babae sa kanila ay wala nang pag-asa. Wala na nga raw second chance.
“Gino, kamusta ka naman diyan? Alam mo bang sunod-sunod ang panaginip ko tungkol sa’yo,” saad ng babae habang kausap ang kaniyang mister na isang nurse sa Canada.
“Naku, namimiss mo lang siguro ako, hayaan mo, ilang buwan na lang at magakakasama na tayo,” malambing na sagot ng lalaki.
“Ako lang? Tayo lang? Walang iba?” diretsong tanong muli nito sa lalaki.
“Wala nga, ito na naman tayo. Nagtratrabaho lang ako,” iritableng sagot ni Gino sa kaniya at mabilis na natapos ang tawag. Sabi ng lalaki ay mahina raw ang signal kaya naputol ang kanilang pag uusap.
Hinayaan na iyon ni Rica at nagdasal na lamang bago siya matulog.
Ilang oras lamang ang nakakalipas ay nagising na namang muli ang babae dahil sa kaniyang panaginip na nagbabalot daw si Marco ng mga gamit nito palabas ng bahay nila. Kahit na hating gabi ay dali-dali niyang tinawag ang mister.
“Gino,” wika ni Rica kahit malakas ang kabog ng kaniyang dibdidb ay mas malaki naman ang tiwala niyang hindi siya lolokohin ng asawa.
“May babae ka riyan sa Canada,” sabi pang muli ng babae at saglit na natahimik ang kabilang linya.
Mas lalo pang kinabahan si Rica hanggang sa nagsalita ang mister niya.
“Rica, patawarin mo ako, matagal na kaming nagsasama rito,” umiiyak na siwalat ni Gino sa kanya. Halos hindi nakapagsalita ang babae at hindi niya akalain na inunahan siya ngayon ng kaba at sakit ng kaniyang puso na hindi na niya nagawa pang makapag-isip.
“Umuwi ka rito sa ‘Pinas, aayusin natin ang lahat. Handa akong patawarin ka at kalimutan ang pagkakamaling ito, umuwi ka na, mahal ko,” mga katagang binitiwan ni Rica bago natapos ang tawag nila.
Saglit siyang natulala at nanlamig, hindi niya maramdaman ang kaniyang mga kamay at binti, pakiramdam niya ay lumulutang siya sa sakit. Hanggang sa bumagsak ang mga luha sa kaniyang mata at umiyak na lamang magdamag si Rica habang sinasabi ang mga katagang “ Panginoon, bakit? Bakit mo ito pinahintulutang mangyari? Saan ako nagkulang?”
Hanggang sa ilang buwan ding humingi ng tawad si Gino sa kaniya at kaagad namang pinatawad ito ng babae na parang walang nangyari. Inilihim niya ang insidenteng ito sa kaniyang pamilya at mga kaibigan.
“Kailan ka uuwi? Sabi ko sa’yo, umuwi ka na ‘di ba? Hindi natin maayos ang pagsasama natin kapag ganito pa rin tayo. Dito ka na sa Pinas magtrabaho, mag anak na tayo tapos magnenegosyo,” wika ni Rica sa asawa.
“Iniwan na niya ako, Rica,” sabi ng lalaki.
“Anong sinasabi mo?” naguguluhang tanong ng babae rito.
“Iniwan na niya ako kasi ang tagal daw kitang iwan. Wala na kami, Rica, wala na,” umiiyak pang muling banggit ni Gino sa kanya.
“Kaya nga umuwi ka na rito dahil nandito ako, ang totoong pamilya mo, ang totoong asawa mo!” medyo tumaas ang boses ng babae.
“Hindi pa ako handa, patawad,” sagot ni Gino sa kaniya at ibinaba ang telepono.
Hindi makapaniwala si Rica sa kaniyang narinig at parang may malamig na tubig ngayon na bumuhos sa kaniya. Unti-unti siyang pinaliliguan ng nagyeyelong tubig na para bang namamanhid muli siya sa sakit.
“Malinaw na sa akin ang lahat, na kahit iniwan na siya ng babae ay hindi pa rin niya kayang ayusin ang relasyon namin, ibig sabihin lang nito kailangan ko ng piliin ang sarili ko,” bulong ni Rica sa sarili kasabay ng pag-agos ng mga luha sa kaniyang mata.
Halos limang araw na umiyak lamang nang umiyak ang babae saka niya napagdesisyunang kumilos. Binigyan niya ng limang buwan si Gino upang kalimutan at ayusin ang sarili nito bago umuwi sa kanya at kapag wala pa ang lalaki ay sisimulan na rin niyang tanggapin na wala na siyang asawa.
Sa kasamaang palad ay hindi umuwi si Gino sa kaniya makalipas ang anim buwan at hanggang sa naging isang taon. Malinaw na malinaw na ngayon sa babae na hindi siya ang pinipili ni Gino kaya naman sinimulan na niya ang paglimot sa lalaki.
Hindi ito naging madali lalo na siya ang babae at siya ang kawawa sa sitwasyon na iniwan ng kaniyang mister ngunit para sa kaniya ay mas importante pa rin ang respeto niya sa sarili ang mangibabaw kaysa naman subukan niyang sagipin ang relasyong wala na talagang patutunguhan pa.