Inday TrendingInday Trending
Nagbukas ng Ukay-ukay ang Dalaga Upang Mabili ang Nais na Sapatos, Nagulat Siya sa Pinakitang Kabaitan ng Kaniyang Kapatid

Nagbukas ng Ukay-ukay ang Dalaga Upang Mabili ang Nais na Sapatos, Nagulat Siya sa Pinakitang Kabaitan ng Kaniyang Kapatid

“Ate! Tingnan mo, o, naglabas na ng bagong sapatos ‘tong paborito nating shop! Sobrang ganda, Diyos ko!” sabik na sabik na sigaw ni Dianna habang humahangos patungko sa silid ng kaniyang kapatid, isang tanghali nang makita niya sa social media ang larawan ng sapatos na ito.

“Ay, grabe naman sa ganda! Kaso medyo mahal, kulang yata ang ipon nating pera,” sambit ng kaniyang ate matapos niyang ipakita rito ang larawang nakita niya.

“Kulang nga, ate, paano ‘yan? Limited edition pa naman ‘to,” malungkot niyang sambit saka umupo sa tabi nito. Naagaw ng isang bundok na damit sa sahig ang kaniyang atensyon dahilan upang magkaroon siya ng pag-asa, “Teka, uso naman ngayon ate, ang ukay-ukay, hindi ba? Bakit hindi natin itinda ‘yong mga damit na hindi na natin ginagamit? Kaysa naman nakatambak lang d’yan at kung sino lang ang makinabang!” wika niya pa habang tumatalon-talon sa tuwa.

“Pwede naman, kikita na tayo, nabawasan pa ang gamit dito sa atin!” segunda ng kaniyang kapatid kaya lalo siyang nagkagana.

“Tama! Simulan na nating maglagay ng presyo para bukas, mailagay na natin sa harap ng bahay natin para may bumili na agad!” sagot niya saka agad na sinipat ang mga damit na iyon.

“Ngayon na talaga? Pagod pa ako sa trabaho, eh,” daing nito.

“Oo, ate, halika na!” yaya niya rito saka niya ito hinila pababa ng kama.

Ang dalagang si Dianna na lang at ang kaniyang nakatatandang kapatid ang magkasama sa buhay. Ang kanilang mga magulang ay parehong nasa ibang bansa upang pagyabungin ang negosyo nila roon dahilan upang silang dalawang kapatid na lang ang magtulungan dito sa Pilipinas.

Kahit na mayaman ang kanilang pamilya, hindi sila ginawang palaasa ng kanilang mga magulang dahilan upang ganoon sila magsumikap sa buhay. Siya’y nagsusunog ng kilay sa pag-aaral upang maging isang doktor habang ang kaniyang kapatid nama’y nagbabanat ng buto sa ngayon bilang isang flight attendant.

Pinapadalhan man sila ng pera ng kanilang mga magulang, sakto lamang ito sa kanilang pangkain, sa kaniyang tuiton at mga bayarin sa bahay dahilan upang ganoon sila magsikap dalawa para sa kanilang mga luho.

Sa katunayan, labis niyang tinitipid ang sarili para lamang mabili ang kaniyang mga gusto partikular na ang sapatos, ang bagay na kaniyang kinahuhumalingan ngayon.

Madalas siyang nag-uulam ng siomai sa kanilang paaralan upang makatipid lamang. Naglalakad din siya pauwi kahit may kalayuan ang kanilang bahay at ang perang bigay ng kaniyang kapatid, hindi niya talaga binabawasan para makabili ng mamahaling sapatos na gustong-gusto niya.

Lalo siyang nahumaling dito dahil ito rin ang gusto ng kaniyang kapatid. Kaya naman, hindi sila nagdalawang-isip na magtayo ng ukay-ukay sa harapan ng kanilang bahay upang may pandagdag sa minimithi nilang sapatos.

Noong araw na ‘yon, agad nilang natapos na presyuhan, plantiyahin, at itiklop ang mga damit na kanilang ititinda kinabukasan.

“Naku, ate, kung maibebenta natin ‘to lahat, makakalikom tayo ng halos sampung libo! Makakabili na tayo ng tig-isang pares ng sapatos!” sabik na sabik niyang sambit habang nagsasayaw pa dahilan upang mapatawa ang kaniyang kapatid.

Kinabukasan, agad na nilang nilabas ang kanilang mga paninda at dahil nga naggagandahan ang kanilang mga damit, agad silang dinumog ng mga tao. Tuwang-tuwa siyang pagmasdan ang mga taong tila nag-aagawan sa kanilang mga paninda, lalo pa’t naiisip niya, wala nang dahilan upang hindi niya mabili ang pangarap niyang sapatos.

Ngunit habang nagmamasid siya sa mga mamimili, naagaw ng isang dalagang pulubi ang kaniyang atensyon. Sinusukat nito ang paborito niyang blusa noon, ngunit nang makita nito ang presyo, agad nitong pinalik sa lalagyan ang naturang damit.

“Ayaw mo ba ng blusang ito? Sayang, maganda pa naman ang tela at kulay,” sambit niya.

“Gustong-gusto ko po, kaso sampung piso lang pera ko ngayon. Manlilimos po muna siguro ako, babalik na lang ako kapag may isang daang piso na ako,” kamot-ulo nitong sambit dahilan upang bahagya siyang mahabag dahil tila nangingilid ang luha nito.

“Naku, bakit isang daang piso ang nakalagay? Sampung piso lang ‘yan! Sa’yo na ‘yan, hija, bagay na bagay sa’yo!” sabat ng kaniyang ate saka binura ang presyo nito dahilan upang labis siyang magulat. Sinenyasan siya nitong tumahimik habang pilit na pinapasuot sa dalaga ang blusang iyon.

Pagkaalis ng naturang pulubi, kinuwestiyon niya ang kaniyang kapatid. Ngumiti lamang ito at sinabing, “May iba pa tayong pagkakataon para mabili ang luho natin, pero silang mga kapos sa buhay, wala. Sa katunayan, itong mga itinitinda natin, pangangailangan talaga nila, hindi lang basta-basta luho,” saka siya nito inenganyo na ipamigay na lang sa mga pulubi ang kanilang mga paninda.

Napag-isip niyang tama ang kaniyang kapatid dahilan upang agad siyang sumang-ayon dito. Hindi man nila nabili sa ngayon ang nais nilang sapatos, nakapagbigay ngiti naman sila sa mga taong kapos sa buhay.

Advertisement