Inday TrendingInday Trending
Natukso sa Alahas ang Lalaking Ito, Nagsisi Siya nang Malaman ang Ibibigay Sana sa Kaniya ng Amo

Natukso sa Alahas ang Lalaking Ito, Nagsisi Siya nang Malaman ang Ibibigay Sana sa Kaniya ng Amo

“Bernard, ano na ang balak mo ngayon, ha? Wala na tayong pera ni piso! Anong ipapakain natin sa mga anak natin ngayong araw, ha?” galit na tanong ni Wendy sa kaniyang asawa habang pinapatahan ang bagong gising na anak, isang umaga nang mapagtanto niyang wala nang laman ang kaniyang pitaka.

“Maghahanap ako ngayon ng mapapasukang trabaho tapusin ko lang ‘tong paghuhugas ng plato,” malumanay na sagot ni Bernard habang tumatakbo ang isip sa kawalan.

“Eh, kung nag-iisip ka kasi maigi, edi sana may trabaho ka pa ngayon! Paalis-alis ka sa trabaho mo, eh, wala ka namang ibang pinagkakakitaan bukod doon! Ang yabang mong mag-resign!” bulyaw pa nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapabuntong-hininga at mapaharap sa galit na galit na asawa.

“Mahal, naman, sinabi ko naman sa’yo kung paano ako pahirapan doon, eh. Isipin mo, kahit hindi ko naman trabaho, pinapagawa sa akin habang ang mga nakatoka roon, nagsusugal sa likod ng restawran tapos wla pang dagdag sahod. Talo naman ako roon masyado,” paliwanag niya rito.

“O, ayan, sige, maghirap tayo ngayon! Kapag ikaw, walang naiuwing pera o kahit pagkain mamayang tanghalian, lalayasan ka na talaga namin ng mga anak mo! Wala na sa lugar ang kahanginan mo! Akala mo naman napakagaling at talino mo!” sigaw pa nito dahilan upang siya’y mapatahimik na lamang at bilisan ang paghuhugas ng plato upang makahanap na ng pagkakakitaan.

Simula nang makabuo ng sariling pamilya, ginawa na ng padre de pamilyang si Bernard ang kaniyang makakaya upang masuportahan ang kaniyang mag-iina. Hindi man siya nakapagtapos at walang talinong maipagmamayabang, pagsusumikap at tiyaga ang kaniyang pinuhunan sa buhay.

Nagsimula siyang maging tagaluto sa isang maliit na karinderya hanggang sa makilala siya ng may-ari ng isang restawran at siya’y kinuhang pinakamataas na tagapagluto rito dahil sa galing at sarap niyang magluto ng mga pagkain.

Ito ang dahilan upang bahagyang maging maalwan ang buhay ng kaniyang pamilya. Ngunit, hindi rin ito nagtagal dahil nang lumipad patungong bansa ang may-ari ng naturang restawran, naging tamad ang ibang empleyado at halos siya na lang ang kumikilos dito.

Kaya naman, nagdesisyon na siyang umalis dito na para sa kaniyang asawa, isang maling desisyon. Lalo itong nagalit sa kaniya nang maubos na ang kanilang maliit na ipon sa kaka-apply niya sa iba’t ibang trabaho sa Maynila.

Noong araw na ‘yon, agad siyang nagbihis pagkatapos niyang maghugas ng plato. Hindi man niya alam kung saan tutungo upang kumita ng pera, nagdasal na lang siyang sana, may bumagsak na biyaya sa harapan niya.

Habang naglalakad-lakad sa palengke, biglang tumunog ang de keypad niyang selpon at nang makita niyang ito ang amo niya, agad niya itong sinagot. Halos mapaiyak siya sa tuwa nang sabihin nitong, “Nalaman ko ang mga katiwalian sa restawran ko, pumunta ka sa bahay upang makapag-usap tayo. Pasensya ka na, ngayon lang ako nakauwi.”

Agad na nga siyang nagpunta sa bahay nito. Pagkarating na pagkarating niya roon, tumambad sa kaniya ang napakalaking mansyon. Pagkapasok niya sa bahay, pinaupo siya ng kasambahay sa sofa saka tinawag ang kaniyang amo.

Ngunit habang siya’y naghihintay, naagaw ng isang mahabang lamesa ang atensyon niya dahilan upang puntahan niya ito at halos lumuwa ang mata niya nang makitang may mga alahas na nakalatag dito.

“Sa hapag-kainan, may alahas? Gaano kayaman ‘tong amo ko? Diyos ko!” wika niya sa sarili saka naisipang kumuha ng tatlong singsing na may diyamante, “Hindi naman niya siguro mapapansin ‘to, walang-wala na ako, eh,” pagpapakalma niya sa sarili saka agad na sinilid sa bulsa ang mga singsing.

Bago pa man siya makalayo sa lamesa, bigla itong tumunog ng malakas dahilan upang siya’y magulat.

“May kinuha ka riyan, ano? Ibalik mo na, hindi ‘yan titigil sa kakatunog hangga’t hindi kumpleto ang alahas d’yan,” sambit ng kaniyang amo kaya dahan-dahan niyang isinauli ang mga singsing, “Bibigyan pa naman sana kita ng pera pangpasimula ng negosyo pero tingin ko hindi na kita kayang pagkatiwalaan. Naiintindihan kong kailangang-kailangan mo ng pera, pero hindi sagot ang madilim na gawain para masolusyunan iyon. Ito, isang libo, bumili ka ng makakain niyo ngayong araw,” dagdag pa nito saka inabot sa kaniya ang pera at agad na siyang iniwan.

Ganoon na lang ang kaniyang pagsisisi sa ginawa niyang ito. Kahit pa ganoon, labis pa rin siyang nagpasalamat dahil mayroon siyang maipapakain sa kaniyang mag-iina. “Bakit ko ba naisip ‘yon? Hindi naman ako ganoong klaseng tao!” iyak niya.

Advertisement