
Inasawa ng Dalagang Ito ang Ama ng Dating Nobyo, Magtatagumpay Nga ba Siya sa Kaniyang Paghihiganti?
“Osang, hindi ba’t hiwalay na kayo ni Rio? Bakit balita ko, ro’n ka pa rin umuuwi ngayon? Nagpapakat*nga ka na naman ba sa lalaking ‘yon?” galit na tanong ni Milen sa kaniyang matalik na kaibigan, isang umaga nang makasalubong niya ito sa bangko.
“Ano bang sinasabi mo riyan? Nakakatawa ka naman, galit na galit ka pa!” patawa-tawang sambit ni Osang habang binubuksan ang kaniyang sasakyan, saka sinenyasan ang kaibigan na sumakay.
“Bakit ba kasi ro’n ka pa umuuwi? Ang ganda-ganda naman ng bahay mo, saka hindi mo kailangang magmakaawa sa kaniya para lang mahalin ka,” pangaral pa nito sa kaniya habang nagkakabit ng seatbelt.
“Ako na kasi ang bagong asawa ng tatay ni Rio kaya roon pa rin ako umuuwi. Ayos ka na? Kakalma ka na?” biro niya rito dahilan upang labis itong magulat.
“Diyos ko, totoo ba? Ibig sabihin, step mother ka na niya ngayon? Paano mo ‘yan nasikmura? Ibang klase ka talaga!” sigaw nito habang nakalagay ang kamay sa noo bunsod ng pagkagulat.
“Isang dahilan lang, gusto kong makita siyang lumuhod sa harapan ko. Papahirapan ko siya, nagsisimula pa lang ako,” nakangisi niyang tugon dahilan upang mapailing na lang ang kaniyang kaibigan at magmasid na lang sa mga nadadaanan nilang gusali.
Katakot-takot na sakit ang naramdaman ng dalagang si Osang sa dati niyang nobyo. Hindi lang emosyol na sakit, pati pisikal na pananakit ng kaniyang katawan, naranasan niya rito.
Sa katunayan, sa loob ng halos isang taong pakikisama niya sa binatang ito, walang araw na hindi ito nagagalit sa maliliit na bagay na nagagawa niyang mali at kapag siya’y nagpaliwanag pa, roon na siya nito pagbubuhatan ng kamay.
Halos lahat man ng kaibigan niya’y tutol na sa pakikipagrelasyon niya sa binatang ito, hindi niya pa rin ito maggawang iwan. Lagi niyang depensa, “Mahal ko, eh, at pakiramdam ko, mahal din naman ako noon, sadyang puro lang ako kapalpakan habang mainitin naman ang ulo niya. Tiyak kapag nagtagal kami, lalambot din ang puso noon sa akin.”
Ngunit sa mismong araw ng kanilang anibersaryo, nakipaghiwalay ito sa kaniya at agad na pinakilala ang bago nitong nobya. May umbok na ito sa tiyan at naka-bistida pa dahilan upang ganoon na lang gumuho ang mundo niya.
Ilang buwan din siyang nagkulong sa kaniyang bahay, walang sawa siyang umiyak at nag-inom habang nakikita sa social media kung gaano kasaya ang kaniyang dating nobyo sa piling ng babaeng ito.
Isang araw, nabalitaan niyang umuwi na galing Canada ang ama ng dati niyang nobyo at doon na siya nakaisip ng paraan upang makapaghiganti rito.
Nilandi niya ang ama nito at nang makuha na niya ang loob nito, agad na siyang nagpabahay dito dahilan upang araw-araw, masilayan niya ang nanggagalaiting mukha ng binatang nanakit sa kaniya.
“Simula pa lang ito, sa mismong araw ng panganganak ng asawa mo, wala kayong mahuhuthot na pera sa amin ng tatay mo,” bulong niya sa sarili habang pinagmamasdang magkape ang dating nobyo.
Simula nang manirahan siya sa bahay na iyon, katakot-takot na paninira ang sinasabi niya sa kasalukuyan niyang nobyo. Matanda man ito, agad itong sumusunod sa kaniya sa mga hiling niya. Kaya naman nang hilingin niyang bawasan ang perang binibigay kay Rio dahil winawaldas lang nito, agad itong sumunod na labis namang kinagalit ng binata.
“Pasensya ka na, ha? Nabaliw na ako sa sakit na pinaranas mo, eh, hindi tuloy ako makatulog hanggat hindi ka naghihirap,” sambit niya rito nang minsan siyang harangin nito.
Nakita ng nobyo niya ang tagpong ito dahilan upang umarte siyang sinaktan ng binata.
“Hindi kita pinapakialaman sa nobya mo, ha? Huwag mo akong pakialaman sa nobya ko!” sigaw nito saka bahagyang tinulak ang binata saka siya inalalayan patungo sa kanilang silid dahilan upang siya’y mapangisi.
Ilang araw pa ang lumipas, tinawagan siya ng kaniyang kaibigan at dahil nga sabik na sabik siyang ichika ang tagpong iyon, hindi niya namalayang habang nagkukwento siya, nasa likod niya na pala ang kaniyang nobyo.
“Ibigsabihin, pinaglalaruan mo lang kami ng anak ko?” tanong nito na ikinatigil ng mundo niya.
“Ah, eh, hindi naman sa ganoon. Mahal naman talaga kita. Gusto ko lang…” paliwanag niya.
“Lumayas ka rito,” tangi nitong sambit saka pinaghahahagis sa labas ang kaniyang mga gamit.
Mangiyakngiyak niya itong pinulot isa-isa at doon niya napagtantong kahit kailan, hindi mabuti ang paghihiganti dahil ito’y ikapapahamak niya lamang lalo.