
Walang Sawang Pinautang ng Dalagang Ito ang Kaniyang Pinsan, Paano Kaya Siya Natuto?
“Girlie, baka pupwedeng padagdagan ng sampung libong piso ‘yong utang ko, walang-wala na kasi ako, eh, hindi ko pa rin nakukuha ang bonus ko noong pasko,” daing ni May sa kaniyang kababatang pinsan, isang hapon nang sadyain niya ito sa bahay.
“Naku, ate, napautang na kita ng limangpung libong piso, eh, hindi ba? Sabi mo nga sa akin, Disyembre mo ‘yon babayaran, pero kahit isang libo, wala kang inabot. Nakita ko pang nag-out of town kayo ng pamilya mo,” sagot ni Girlie habang hinahanda ang meryenda ng pinsan niyang ito.
“Libre lang naman ‘yon ng magulang ng asawa ko, walang-wala talaga kami no’n. Sige na, pautangin mo na ako ulit, ayoko lang talagang matanggal sa trabaho dahil kawawa ang mga anak ko,” sagot nito saka nagsimula nang lumuha dahilan upang ganoon na lang siya mahabag.
“Bakit ba kasi pati pondo ng kumpanya niyo, inuutangan mo ng palihim?” tanong niya rito kaya lalo itong naiyak. Saglit niya itong iniwan upang kumuha ng pera sa kaniyang silid, “O, ito na, ate, kailan mo babayaran?” tanong niya rito saka inabot ang pera dahilan upang biglang magliwanag ang mukha nito.
“Sa Marso, sigurado na ‘yon! Salamat talaga, ha? Ikaw talaga ang pinakamabait kong pinsan! Kaya lalo kang pinagpapala, eh! Alis na ako! Ibalot ko na lang ang meryendang hinanda mo para hindi masayang!” sambit pa nito saka dali-daling sinilid sa plastik ang ginawa niyang meryenda at agad nang umalis.
Ang dalagang si Girlie ang siyang takbuhan ng kaniyang mga pinsan sa tuwing nagigipit sa buhay. Sa kanilang magpipinsan kasi, siya lamang itong naangat sa buhay. Siya lang kasi ang bukod tanging may sipag at tiyaga dahilan upang buwan-buwan, limpak-limpak na pera ang maani niya sa negosyong sinimulan niya noong siya’y labing walong taong gulang pa lamang.
Tandang-tanda niya pa kung paano at gaano siya minamaliit at pinapahiya ng mga pinsan niya noong siya’y nagsisimula pa lang magbenta ng sarili niyang gawang lipstick, foundation at iba pang make-up.
Sabi pa nga ng pinsan niyang si May noon, “Huwag mong sayangin ang kabataan mo sa pagnenegosyo, masyado pang maaga para magpagod ka sa buhay!” ngunit ilang buwan lang, napag-alaman nilang itong nagdadalang-tao na pala dahilan upang ito’y itakwil ng mga magulang.
Pero dahil sa kabaitang taglay niya, kahit na labis siyang nasaktan sa sinabi ng kaniyang mga pinsan, walang sawa pa rin siyang tumulong sa mga ito kapag may problema o pangangailangan.
Lalo na noong maipit sa katiwalan sa pinapasukang kumpanya ang pinsan niyang si May at kailangan nito ng malaking halaga ng pera upang mapagtakpan ang ginawa nitong kasalanan.
Alam man niyang mali ang gagawin niyang pagtatakip dito, ginawa niya pa rin upang huwag lang makulong at mawalan ng ina ang kaniyang tatlong pamangkin dito.
Ngunit, paglipas lang ng ilang buwan, muli na naman itong nangutang sa kaniya at dahil hindi niya ito matiis, agad niya itong muling pinautang.
Dumating na nga ang buwan ng Marso, buong pag-aakala niya, makakapagbayad na ito ngunit natapos na ang buwang ito, ni anino nito, hindi nagparamdam sa kaniya dahilan upang padalhan niya ito ng mensahe. Wika niya, “Ate, Abril na, hindi ka pa ba magbabayad?”
Ilang araw matapos iyon, nagulat siya nang puntahan ng isa niyang pang pinsan na si Jelay. Galit na galit ito at nagsisisigaw sa labas ng bahay niya dahilan upang labis siyang mataranta.
“Nagkapera ka lang, lumaki na ang ulo mo? Akala mo ba madadala mo ‘yan sa hukay?” galit nitong sigaw.
“Ano bang pinagsasasabi mo, Jelay?” tanong niya rito.
“Sabi lang naman ni Ate May, pinagkakalat mo raw na sa’yo ako lagi nanghihingi ng pera! Kaya ito, isaksak mo sa baga mo!” sigaw pa nito sa hinagis sa mukha niya ang perang hawak nito dahilan upang mapabuntong hininga na lamang siya.
Dumating ng ang mga barangay tanod dahilan upang agad na umalis ang pinsan niyang ito. Habang pinupulot niya ang mga perang inihagis nito, sa isip-isip niya, “Kailangan talagang limitahan ng mga nagbibigay at tumutulong ang ginagawa nila, dahil ang mga nakakatanggap nito, walang na ngang limitasyon sa paghingi at pangungutang, sinisiraan ka pa.”
Simula noon, natuto na ang dalagang ito. Ilang beses man siyang muling lapitan ng pinsang niyang si May, tinigasan na niya ang loob niya.
“Ganoon din naman, eh. Tumulong man ako o hindi, may nasasabi sila sa akin,” wika niya habang nakatingin sa umiiyak na pinsang nasa sala niya.