Inday TrendingInday Trending
Isinara ng Dalagang Ito ang Kaniyang Selpon upang Huwag Kulitin ng Guro, Pinagsisihan Niya Ito sa Huli

Isinara ng Dalagang Ito ang Kaniyang Selpon upang Huwag Kulitin ng Guro, Pinagsisihan Niya Ito sa Huli

“Josie, para namang wala ka sa pagdiriwang! Tingnan mo ‘yang mukha mo, para kang may kaaway d’yan sa selpon mo!” bulyaw ni Agnes nang makitang inis na inis na nagpipipindot ng selpon ang kaniyang kaibigan sa isang sulok ng kanilang bahay.

“Nakakainis kasi ‘tong propesor namin, eh! Gusto na agad na maipasa sa kaniya lahat ng pinagawa niyang aktibidad! Eh, kahapon lang naman niya ibinigay lahat, ano ako, robot?” inis na sambit ni Josie saka ipinakita ang mga dokumentong kailangan niyang gawin na nasa kaniyang selpon.

“Edi sabihin mo sa kaniya na hindi mo kayang pagsabayin lahat lalo na’t hindi ka lang estudyante, empleyado ka pa sa gabi,” wika nito saka siya inabutan ng tubig upang kumalma.

“Sinabi ko na, eh! Sabi ko pa nga, nasa trabaho ako ngayon para lang pagbigyan ako, aba, ang sabi sa akin, ibabagsak niya raw lahat ng hindi makakapagpasa ngayong gabi!” galit niyang reklamo.

“O, anong balak mo? Uuwi ka nga?” tanong nito sa kaniya.

“Hindi, ‘no! Ano siya, sinuswerte? Hindi ko siya prayoridad, ano! Namimiga siya ng estudyante masyado! Isasarado ko na lang ang selpon ko para hindi na niya ako makausap! Nabubwisit lang ako, hindi ko nae-enjoy ang kaarawan mo!” sigaw niya saka nagpunta sa lamesa at tumungga ng alak.

“Mabuti pa nga!” masayang sigaw nito saka siya sinubuan ng paborito niyang lumpia.

Hindi prayoridad ng dalagang si Josie ang kaniyang pag-aaral. Napipilitan lang siyang gawin ito upang hindi siya ikahiya ng kaniyang mga magulang at para makahanap ng maganda-gandang trabaho pagkatapos niya sa kolehiyo. Ngunit kung siya lang ang tatanungin, wala sa bokabolaryo niya ang pag-aaral.

Sa katunayan, wala siyang pakialam kung mababa ang kaniyang makuhang marka. Basta makapasa lang siya, ayos na sa kaniya. Katwiran niya palagi, “Kaya ko namang kumita ng pera kahit mababa ang marka ko. Kita niyo ngayon, may sarili na agad akong pera kahit nag-aaral pa lang ako. Paano pa kaya kapag nagtapos na ako?”

Bukod pa roon, kung mayroon mang ipagawa sa kaniya ang kaniyang mga propesor, magrereklamo muna siya bago niya ito gawin. Minsan pa, kung kailan ang huling araw ng pasahan, doon lang siya gagawa dahilan upang ganoon na lang talaga siya magkaroon ng mababang marka.

Imbis na mainis sa sarili at magsumikap, natutuwa pa siya kapag nakakakuha ng palakol. Sabi niya pa, “Nagkapag-inom pa ako niyan, ha, pumasok pa sa trabaho, pero nakapasa ako!”

At sa tuwing siya’y kukuliting magpasa ng kaniyang mga kamag-aral o propesor, palagi niyang isinasara ang kaniyang selpon upang huwag siyang makontak ng mga ito.

Noong gabing iyon, pagkasara niya ng kaniyang selpon, agad na siyang bumalik sa pakikipagsaya roon. Inom dito, chikahan doon, kain dito, tawa roon, ang tangi niyang ginagawa kasama ang kaniyang mga barkada hanggang siya’y malango na at tuluyan nang makatulog doon.

Kinabukasan, nagising na lang siya sa sigaw ng kaniyang ama. Pinuntahan siya nito sa bahay ng kaniyang kaibigan at tila madaling-madali.

“Bakit ba, papa? Uuwi naman ako, eh!” “Siraulo ka! Wala ka nang uuwian! Nasunugan tayo kagabi at nakulong ang nanay mo sa kwarto mo para lang masalba ang mga modules mo! Ngayon, nasa ospital ang nanay mo! Kagabi ka pa namin tinatawagang pasaway ka!” sermon nito sa kaniya dahilan upang bigla siyang manlambot, “Dalian mo na riyan! Walang nagbabantay sa nanay mo sa ospital! Titingnan ko ang bahay natin baka may natira pa!” dagdag pa nito dahilan upang siya’y mapahangos habang mangiyakngiyak na nag-aayos ng sarili.

Pagdating niya sa ospital, tumambad sa kaniya ang nanay niyang tuklap ang balat sa braso, naka-oxygen at walang malay dahilan upang siya’y mapahagulgol.

“Malayo pa lang ang sunog, tinatawagan ka na niya para makauwi ka at makatulong sa paghahakot. Nang hindi ka makontak, agad na siyang nagpunta sa silid mo upang makakuha ng ilang gamit. Pero bago siya makalabas, pumutok ang poste ng kuryente sa harapan natin at iyon na, sa atin nagmula ang panibagong sunog,” iyak ng kaniyang ama dahilan upang pagsisihan niya ang kaniyang ginawa, “Kaya pag-igihan mo ang pag-aaral mo, ha? Binuwis ng nanay mo ang buhay niya para makuha ang mga papel na ito,” dagdag pa nito saka binigay sa kaniya ang kaniyang mga modules.

Simula noon, sinubsob niya ang sarili sa pag-aaral. Hindi para magpasikat sa kaniyang mga magulang o kung kanino man, kung hindi para sa sarili niya dahil nais niyang maging mabuti at responsableng anak.

Advertisement