
Nagalit Siya sa Hipag Dahil sa Panloloko Nito sa Kaniyang Kapatid; Labis ang Paghihinagpis Niya nang Lumabas ang Tunay na Istorya
“Trina?”
Mula sa panonood ng TV ay naagaw ang atensiyon ni Trina. Narinig niya kasing may tumatawag sa kaniyang pangalan.
Nagtatakang napasulyap siya sa orasan sa dingding. Nalaman niya na kalahating oras na lang ay mag-aalas dose na.
Nang sumilip siya sa labas ay nakita niya ang kaniyang hipag na si Shelly.
Kaibigan niya rin ang babae bago pa nito napangasawa ang Kuya Enzo niya kaya naman malapit siya rito.
“Oh, Shelly, anong meron? Gabing gabi na, ah?” nagtatakang usisa niya nang pagbuksan niya ito ng pinto.
“Pasensiya ka na ha, kailangan ko lang ng pabor,” wika nito habang may panay ang lingon sa likuran nito. Bakas sa mukha nito ang matinding pagkabalisa.
Pinapasok niya ang hipag bago muling nag-usisa.
“Ano bang kailangan mo?”
“Kung pwede sanang makitawag, Trina,” sagot nito.
“Bakit? Nasira ba ang cellphone mo? Bakit hindi mo hiramin ang cellphone ni Kuya?” Nagtataka man ay iniabot niya sa babae ang sarili niyang cellphone.
Naging malikot ang mata ng babae, at hindi nito sinagot ang kaniyang tanong.
Bagkus ay may tinawagan itong numero na tila kabisado nito at nagpaalam na pupunta lamang ito sa kusina.
Naiwan siya sa sala. Hindi niya maiwasang maghinala sa babae. Bakit tila may lihim na itinatago yata ang kaniyang hipag? Sino ang tinatawagan nito, at itinatago nito?
Sinilip niya ito sa kusina. Halos hindi niya marinig ang sinasabi nito dahil sa sobrang hina ng boses nito.
Subalit isang pahayag ang malinaw sa kaniyang pandinig.
“Tulungan mo ako. Gusto ko na siyang iwan.”
Tila bombang sumabog iyon sa kaniyang harapan.
Si Shelly kasi ang kinaiinggitan sa kanilang magkakaibigan.
Paano ba naman ay napakabait ng asawa nito, ang kaniyang Kuya Enzo. Kitang kita nila na kahit limang taon nang kasal ang mga ito ay sweet na sweet pa rin ito sa asawa at tila bagong kasal pa rin ang mga ito.
Subalit ano itong nakikita niya? Paano nito nagawang magtaksil sa mabait nitong asawa?
Bago pa niya napigilan ay marahas na nahablot niya na ang cellphone mula sa kumare.
“Anong ginagawa mo, Shelly? Nababaliw ka na? Paano mo nagagawang lokohin ang kapatid ko?” gigil na saad niya sa babae.
“Trina, hindi mo kilala si–”
“Kilalang kilala ko ang asawa mo, Shelly. Kilala ko na siya mula pagkabata! Napakabait niya at isa siyang tanga para pakasalan ang isang malanding kagaya mo!” Hindi niya mapigil ang galit. Ginamit pa talaga siya ni Shelly para sa kalokohang ginagawa nito sa likod ng kapatid niya!
“Trina, maawa ka! Hindi ko na kaya pang bumalik sa asawa ko. Demonyo siya, hindi mo siya kilala!” pakiusap ni Shelly. Sa mukha nito ay nakalarawan ang matinding desperasyon.
Isang malakas na sampal ang pinadapo niya sa pisngi ng babae.
“At nagawa mo pang siraan ang kapatid ko? Lumayas ka sa pamamahay ko! Ayoko ng kaibigan na malandi at hindi nakukuntento sa isa! Sinisiguro kong malalaman ito lahat ni Kuya!”
Ipinagtabuyan niya palabas ang babae at pinagsaraduhan ng pinto.
Dinig niya ang pagmamakaawa nito sa labas ngunit naging bingi siya. Hinding hindi niya ito kakampihan kahit pa kaibigan niya ito.
“Trina, wala akong ibang karelasyon, maniwala ka! Trina, ikaw lang ang makakatulong sa akin!”
Hindi niya na pinansin ang pag-iingay nito. Mabuti na lamang at panggabi sa trabaho ang kaniyang asawa at nag-iisa lang siya sa bahay nang mga sandaling iyon.
Makalipas ang ilang minuto ay tumahimik sa labas. Marahil ay napagod na ito nang mapagtanto nito na hindi niya ito kakampihan.
Nagising na lang siya mula sa malakas na yugyog sa kaniyang balikat. Nakita niya ang mukha ng kaniyang asawa na tila may mabigat na problema. Ganito ang mukha ng kaniyang asawa sa tuwing may nangyayari.
“Trina, ang kuya mo. May nangyari sa kuya mo–”
Bago pa matapos ng kaniyang asawa ang sasabihin nito ay napabalikwas na siya ng bangon at tumakbo patungo sa bahay ng kaniyang kapatid.
“Hinding hindi kita mapapatawad kapag may nangyaring masama sa kapatid ko, Shelly,” sa loob loob niya.
Naalala niya pa ang huling usapan nila ng kaibigan. Hindi malabong may ginawa itong masama sa kapatid niya para lang tuluyan na nitong makasama ang kabit nito.
Nanlambot ang kaniyang mga tuhod nang makitang may pulis at ambulansiya sa tapat ng bahay ng kaniyaang Kuya Enzo.
At halos himatayin siya nang makitang ang isang katawang natatakpan ng puting tela ang inilabas mula loob ng bahay.
“Kuya! Kuya Enzo!” Labis labis ang kaniyang pagtangis habang papalapit sa katawan.
Sa nanginginig na kamay ay tinanggal niya ang nakatakip sa walang buhay na katawan.
Nanlaki ang mata niya sa natuklasan.
Ang biktima ay walang iba kundi ang kaibigan niyang si Shelly, hindi ang kaniyang Kuya Enzo!
Bakas sa mukha ng walang buhay na babae ang matinding paghihirap at takot.
Tila sirang radyo na umulit sa kaniyang pandinig ang mga sinabi ng kaibigan nang gabing iyon.
“Trina, maawa ka! Hindi ko na kaya pang bumalik sa asawa ko. Demonyo siya, hindi mo siya kilala!”
“Trina, wala akong ibang karelasyon, maniwala ka! Trina, ikaw lang ang makakatulong sa akin!”
Nang lingunin niya ang bahay ay eksaktong lumabas ang mga pulis kasama ang kapatid niyang nakaposas.
Nang makita siya nito ay agad itong nagpaliwanag.
“Trina! Hindi ko sinasadya, maniwala ka! Mahal na mahal ko si Shelly! Mahal na mahal ko si Shelly! Mahal na mahal ko si Shelly!” tila baliw na paulit ulit na sigaw nito.
Napaatras siya nang akmang lalapitan siya ni Enzo. Tama si Shelly. Hindi nga niya tunay na kilala ang kapatid.
Napag-alaman ng mga pulis na selos ang naging dahilan ng pag-aaway na mag-asawa na nauwi sa trahedya.
Nang humingi sa kaniya ng saklolo si Shelly dis-oras ng gabi ay inakala ni Enzo na may ibang kinakalantari ang kaniyang kaibigan, dahilan upang hindi ito makapagpigil at masaktan ang kaniyang kaibigan.
Hindi niya na iyon naitama pa dahil nanatili siyang bingi sa mga paliwanag ni Shelly, at pinagsaraduhan niya ito ng pinto.
Lumuluhang niyakap niya ang walang buhay na katawan ng kaibigan. Kung pinakinggan niya lang sana ito, baka nailigtas niya ang buhay nito.
Subalit huli na ang lahat. Habang buhay niyang pagsisisihan ang hindi pagtulong kay Shelly sa oras ng kagipitan, na naging mitsa pa ng buhay nito.