
Matabang na ang Pagsasama Nilang Mag-asawa; Tuluyan na nga ba Itong Mawawasak Pagdating ng Magandang Kasambahay?
“Mahal, kumusta naman ang araw mo?” masiglang bungad sa kaniya ng asawang si Abigail.
Isang pilit na ngiti ang isinukli niya sa asawa na malaki ang ngiti sa labi.
“Ayos lang naman,” tipid na sagot niya sa babae.
Nakangiting ipinagpatuloy nito ang pagluluto.
“Maligo at magbihis ka na, mahal. Nagluto ako ng paborito mo.”
“Sige, Anita. Bababa ako maya maya.”
Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya bago umakyat sa silid nilang mag-asawa.
Sa totoo lang ay matagal na siyang natatabangan sa relasyon nilang mag-asawa. Hindi lang niya ito maiwan-iwan dahil mapera ito.
Mabuti na lamang at matapos siyang magbihis ay isang magandang tanawin ang nabungaran niya – ang batang-batang kasambahay nila na si Maria.
Kasalukuyang itong naglalampaso ng sahig ng silid nilang mag-asawa.
Unang araw pa lang ay naakit na siya sa taglay na ganda ng babae. Mala-anghel kasi ang maamo nitong mukha at sadyang napakahinhin nito.
“Maria, hinay-hinay lang sa pagtatrabaho at ayokong napapagod ka,” malambing na paaala niya sa babae na abala sa paglalampaso.
Isang matamis na ngiti ang isinukli nito. Muli ay hindi niya maiwasang madama ang matinding atraksiyon para sa dalaga.
“Sir Mark, ayos lang po. Salamat po sa pag-aalala,” magalang na sagot ng babae.
Tumango tango siya bago pasimpleng hinaplos ang braso ng dalaga.
Naramdaman niya nanigas ito sa pagkagulat subalit hindi naman ito pumiksi o nagsalita.
Hindi niya maiwasang mapangisi. Malakas kasi ang pakiramdam niya na gusto rin siya ng babae.
Kagaya lang din ito ng mga kasambahay na dumating at umalis sa bahay nilang mag-asawa.
“Gusto mo rin pala, ha,” sa isip-isip niya.
“Ayoko lang naman na napapagod ka. Isa ka sa mga kasambahay na gusto ko,” simpleng pagpapahaging niya.
Mukhang nakuha naman ng babae ang ibig niyang sabihin dahil isang nahihiyang ngiti ang isinukli nito sa kaniya.
“Naku, Sir. Maraming salamat ho sa inyong tiwala. Pagbubutihan ko ho para naman magtagal ako sa paninilbihan dito,” tila natutuwang wika nito.
“‘Wag mo na ako tawaging Si–”
Naputol ang nais niyang sabihin nang marinig niya ang pagtawag ng kaniyang asawa.
“Mahal! Handa na ang pagkain! Bumaba ka na!”
Wala siyang nagawa kundi babain ito. Ayaw niya naman na magtaka ito.
Kahit papaano ay nabawasan na ang pagkabugnot niya. Nakita niya na kasi ang magandang ngiti ni Maria.
“Hon, bakit ang tagal mo naman?” kunot noong usisa ng kaniyang asawa.
“Ah, nakakwentuhan ko lang si Maria sa taas,” pakli niya.
Sandali itong napahinto sa pagsasandok ng pagkain para sa kaniya, bagay na nagpakaba sa kaniya. Ayaw niya na maghinala ito sa kanila ni Maria.
Ni hindi pa nga siya nakakadiskarte sa kanilang kasambahay, ayaw niya na mawala ito bago pa siya maka-iskor sa dalaga.
Nakahinga siya nang maluwag nang tumango tango ito.
“Mabuti naman at kasundo mo ang bago nating kasambahay. Gusto ko rin kasi si Maria,” tila natutuwang saad nito.
Lihim siya napangisi. Walang kaide-ideya ang asawa niya sa naglalaro sa kaniyang isipan.
Isang araw ay nakahanap siya ng perpektong pagkakataon upang tuluyan na mapasakanya si Maria.
Maaga kasing umalis ang kaniyang asawa upang bisitahin ang kapatid nito.
Niyayaya siya nito na sumama ngunit nagdahilan siya na may kailangan siyang tapusin sa opisina.
Nang matantiya niyang nakaalis na ito ay umuwi siya ng bahay upang isagawa ang kaniyang maitim na balak sa kanilang magandang kasambahay.
“Naku, Sir, may naiwan ho ba kayo?” magiliw na bungad ni Maria nang pagbuksan siya nito ng pinto.
Isang matamis na lamang ang isinukli niya sa babae na muling inabala ang sarili sa paglilinis sa sala.
“Ay, Sir!” Naramdaman niya ang marahas na pagpiksi ng babae nang yakapin niya ito mula sa likod.
“Sir, ano pong ginagawa niyo?” nanlalaki ang matang anong ng babae.
“‘Wag ka nang magmaang maangan, Maria. Alam ko naman na gusto mo rin ako. ‘Wag kang mag-alala, wala naman ang asawa ko, hindi niya malalaman,” nakangising wika niya sa babae.
Natigagal ang babae. “S-sir, ano pong sinasabi niyo?”
“Ibibigay ko ang lahat ng gusto mo kung papayag ka. Kahit ano, Maria. Kahit ano,” pilit niyang kumbinsi dito.
“S-sir, katulong lang ho ako. Ayaw ko ho makasira ng pamilya. Hindi niyo na ho ba mahal ang asawa niyo?” kunot noong tanong ng babae.
Pagak siyang natawa. “Hindi ko naman talaga mahal ang asawa ko. Kung hindi nga lang siya mapera eh baka matagal na kaming naghiwalay,” naiiling na paliwanag niya sa babae.
“Isa pa, ano naman kung katulong ka? Kung papayag na magkaroon tayo ng relasyon, ibibili kita ng kahit na anong gusto mo. Kung hindi naman, hindi ka na maaring manatili dito. Sasabihin ko sa asawa ko na inakit mo ako, kagaya ng mga dati naming kasambahay. Tingnan ko lang kung saan ka pulutin,” natatawang dagdag niya.
Nanlaki ang mata ng dalaga.
Tumayo si Mark at naglakad papunta sa silid nilang mag-asawa.
“Kung pumapayag ka, pumasok ka sa kwarto. Kung hindi naman, mag-empake ka na,” kinindatan niya pa ang babae bago pinihit ang seradura ng pinto ng silid nilang mag-asawa.
Nagulat siya nang makita ang asawa na nakatayo sa gitna ng silid.
“A-anita? A-anong ginagawa mo rito? Hindi ba’t d-dadalaw ka sa kapatid mo?”utal-utal na usisa niya rito.
Imbes na sumagot ay naglakad ito palapit sa kaniya.
Tila namanhid ang buong katawan niya nang salubungin siya nito ng isang malakas na sampal.
“Hindi ako naniniwala sa sumbong ng mga dati nating kasambahay dahil nagtitiwala ako sa’yo. Pero ito pala talaga ang totoo mong kulay? Walanghiya ka!” galit na galit na bulalas ng kaniyang asawa.
“Si Maria, i-inakit niya–”
“Sinungaling! Alam kong hinding hindi ka aakitin ni Maria! Dahil animal ka!”
Nilingon niya ang si Maria upang humingi sana ng saklolo subalit ikinagulat niya nang makitang naglalakad ito palapit sa kaniya bitbit ang isang posas.
“A-anong ibig sabihin nito?” namumutla niyang tanong sa babae.
“Arestado ka! Sa wakas, nahuli rin sa akto ang mga kademonyohan mo! Ang dami daming reklamo sa’yo ng mga dati niyong kasambahay! Manyakis ka!” matigas na wika ni Maria. Malayong malayo ito sa mahinhing itsura ng dalaga.
Sa mata nito ay basang-basa niya ang pagkasuklam habang ipinoposas ang kaniyang mga kamay.
Napag-alaman niya na isang pulis pala si Maria na nagpapanggap na kasambahay! At alam iyon ng asawa niya!
Kahit anong pakiusap niya sa asawa ay hindi siya nito tinulungan, at pinabayaan siya nitong mabulok sa bilangguan.
Nagsisisi man ay wala siyang ibang nagawa kundi araw-araw na pagbayaran sa kulungan ang mga kasalanang nagawa niya.