Matagal Nang Hinahanap ng Binata ang Taong Dahilan sa Pagkawala ng Kanyang Ama, Nasa Harap Niya lang Pala ang Salarin
“Daddy, gusto ko po ng ice cream!” masayang sabi ng bata.
“Bakit, good boy ka ba sa school Romulo?” nakangiting sabi naman ng kanyang ama, pauwi na sila ngayon mula sa pamamasyal sa park.
“Yes daddy, may three star ako o,” masayang sabi ng bata at iniangat pa ang kanyang kanang kamay upang makita ng daddy niya ang star na nakatatak roon.
Sobrang saya niya nang ibili siya ng ice cream ng kanyang ama. Ito ang sumusundo palagi sa kanya sa school, mayaman sila at malaki ang kanilang bahay, pero kahit kailan ay hindi siya ginawang spoiled ng lalaki.
Sinisiguro ng kanyang ama na lalaking mabuting tao si Romulo, lalo pa at silang dalawa na lang sa buhay. Ang nanay ng bata ay namatay sa panganganak rito.
Kinagabihan kinwentuhan muna ng kanyang ama si Romulo bago ito lumabas sa kwarto. Ang bata naman. Bilang matatakutin siya ay naging ugali nang magtago sa aparador pagkalabas na pagkalabas ng kanyang ama sa kwarto, lalo na kapag may naririnig na kalampag.
Kahit pa paulit ulit na sabihin ng daddy niya na baka pusa lang iyon sa bubong ay nagtatago pa rin siya. Ang di nya alam, ang pagtatago nyang iyon ang magliligtas sa buhay niya.
Dahil nang gabing iyon ay pinaslang ang kanyang ama. Nagtamo ito ng labing anim na saksak, nawala rin ang mahahalagang bagay sa bahay nila.
“Romulo!” nagising ang binata sa pagkakatulala, kausap na pala siya ng kanilang hepe.
“Sir!” sabi niya at nag-salute pa rito.
“I am talking to you! Hindi ako makapaniwalang maganda ang feedback sayo ng mga professor mo! Ang bago bago mo palang eh tutula-tulala ka dyan!”
“Sir sorry Sir,” komento niya nalang.
Ilang taon na ba ang nakalipas, 16?
24 anyos na sya ngayon, isa nang ganap na pulis. Nang pumanaw ang daddy niya akala niya ay tapos na ang lahat, buti na lang ay nariyan ang tita Leny niya na siyang lumipat sa bahay nila at inalagaan siya. Kinagabihan, kumakain sila nang hapunan at nabanggit niya sa kanyang tiya na nais niyang muling buksan ang kaso ng kanyang ama.
“Anak, hindi ba delikado iyang iniisip mo? Sabi ng mga pulis ay pagnanakaw raw ang dahilan hindi ba?” nag aalalang tanong nito.
“Hindi ako kuntento tita, palagay ko po, ninakawan lang kami para palabasin na iyon ang motibo. Pero tignan nyo naman po, labing anim na saksak ang inabot ng daddy ko. Galit na galit talaga ang suspek..” sabi niya pa, gumuguhit muli ang sakit sa dibdib niya pag naaalala niya ang kaawa-awang ama.
Hinaplos naman ng kanyang tiya ang kamay niya, “Romulo, alam kong nasaktan ka rin hijo. Maging ako, ang kuya na halos ang kasama kong lumaki at sobrang sakit sa akin na nawala sya pero kailangan nating ituloy ang buhay. Dito magiging masaya ang daddy mo..” payo nito sa kanya.
Para hindi na mag alala pa ang tiya niya ay tumango na lamang si Romulo, pero sa loob loob niya ay napakatindi ng pagnanais na muling simulan ang imbestigasyon.
Kinabukasan ay araw ng Linggo, naiwan si Romulo sa kanilang bahay dahil mamamalengke ang tita Leny niya. Naisip niyang maglinis linis muna bago umalis mamaya, pupuntahan niya ang kaibigan niyang taga-SOCCO. Magbabakasakali siya na may malaman. Nagwalis siya upang wala nang masyadong gagawin ang tita Leny niya.
Dumako siya sa tokador upang pagpagan ang alikabok roon, malungkot siyang napangiti nang makita ang mga litratong nasa frame. Naroon siya, at ang kanyang daddy. May picture rin ng mommy niya habang buntis siya. Meron ding kuha silang dalawa ng kanyang tita Leny.
Ang daming agiw sa bahay nila, nang mapadpad siya sa lumang kwarto ng kanyang daddy ay naisip niyang isalansan ang mga damit nito. Sa ilalim ng mga lumang pantalon ay naroon ang isang notebook, nang buklatin niya ay nagulat pa siya dahil isa pala iyong diary.
Habang si Tiya Leny naman ay ang tagal ng inabot sa palengke, palibhasa ay Linggo at maraming tao. Kulang nalang ay makipagbalyahan siya para lamang makaraan. Sa totoo lang, nag aalala siya sa kanyang pamangkin. Ayaw niyang balikan pa nito ang nakaraan dahil maayos na ang buhay nila, siya na ang tumayong nanay nito. Kailangan na nila parehong mag move on. After all, it’s been 16 years.
Pagbaba ni Tiya Leny ay nagulat pa siya dahil may patrol ng pulis sa tapat ng bahay nila. Ah, baka mga barkada ni Romulo. Tuloy tuloy siyang pumasok sa loob at inabutan niya ang pamangkin na seryoso ang mukha. Hawak nito ang isang lumang tila ba libro, napansin niya ring bukas ang pinto ng kwarto ng ama nito.
“Romulo, anak ko, di ba sabi ko sayo ay magmove on na tayong dalawa? Hindi nakakabuti sayo ito, nagsisimula palang ang career mo..”
Nagulat si Tiya Leny nang bigla syang posasan ng pamangkin, nanlaki ang kanyang mga mata dahil ayon sa ekspresyon sa mukha ni Romulo, alam na nito ang lahat.
“Magaling ka nga tita, pero nakalimutan mong maglinis ng ebidensya,” sabi ni Romulo.
“Anak, ano ba ang sinasabi mo? Anong magaling?” natataranta si Tiya Leny.
Bilang sagot ay binuksan ni Romulo ang diary ng kanyang ama at binasa ang naroon.
Nang pumanaw ang mga magulang namin, ako na halos ang nagpalaki sa kapatid kong si Leny. Pero habang nagdalaga siya, kakaiba ang napapansin ko sa kanya. Mahilig siyang kumapit sa akin at yumakap, bagay na di ko binigyan ng malisya noong una. Inisip kong naglalambing lang siya sa akin dahil ako ang kuya niya, pero nag iba ang timpla nang ipakilala ko sa kanya ang magiging misis ko at sabihin kong nagdadalantao na ito, biglang nagalit si Leny sa di ko malamang dahilan.
Nangako ako sa kanya na kahit mag aasawa na ako ay kuya niya pa rin ako. Niyakap niya ako at hinalikan sa labi, agad akong kumawala. Hindi ko maintindihan ang nangyayari sa kapatid ko.
Habang binabasa iyon ni Romulo ay nanlalaki ang mata ni Tiya Leny, “hindi yan totoo!”
Ipinagpatuloy ng binata,
Nang mamatay sa panganganak ang aking misis ay si Leny ang nariyan para sa anak ko. Minsan lang ay nakakailang dahil kapag sumasama siya sa aming mamasyal, sinasabi nyang asawa ko sya at anak namin si Romulo. Kaya madalas ay pinipili ko na lang na kami ng anak ko ang lumabas. Noong isang gabi, kakaiba si Leny.
Kumatok siya rito sa bahay at nangingitim ang mga mata. Naghubad sya sa harap ko.
Sabi nya, sya nalang daw ang asawahin ko. Kung hindi, papatayin nya ako. Tinakpan ko sya, ang sakit sa akin na ganito na ang nangyayari sa kapatid ko. Gabi gabi ay bumabalik sya, nagbabanta..
Hindi na natapos pa ni Romulo ang pagbabasa dahil tumawa nang malakas ang kanyang tiya Leny, “Bobo! Ngayon mo lang nalaman! Tanga tanga ka parang tatay mo!” para itong naloloka na nagpupumiglas at tinatangkang kagatin ang kamay ng mga pulis na may hawak rito.
Noon ding araw na iyon ay nakulong ang kanyang tiya. Malungkot si Romulo dahil hindi niya akalaing gagawin iyon ng babae.
Pero mas lamang ang saya at kapayapaan dahil sa wakas ay nabigyan ng hustisya ang kanyang ama.