Inday TrendingInday Trending
Nagulat ang Dalaga sa Nadatnan Matapos Sundan ang Nobyo na Nangibang Bansa

Nagulat ang Dalaga sa Nadatnan Matapos Sundan ang Nobyo na Nangibang Bansa

Bilang magkasintahan sa loob ng walong taon ay marami nang pinagdaanan sina Haidee at Renzo. Mula sa pagiging hayskul sweethearts, hanggang sa pagpasok nila sa kolehiyo ay pinanindigan nila ang kanilang pag-iibigan. Botong-boto naman ang kanilang mga pamilya sa isa’t isa dahil pareho silang masipag at responsible.

Ilang buwan makatapos sila sa pag-aaral ay nagpasya si Renzo na sumunod sa kaniyang ina na nasa Canada.

“Babe, sumunod ka kaagad sa akin doon ha, para magkasama pa din tayo. Tsaka para mas madali tayong makaipon.” Paalam ni Renzo habang sila ay nanonood ng palabas sa telebisyon.

“Oo babe, hintayin mo ako doon, aayusin ko lang ang ilang papeles ko at susunod din ako.” Sagot ni Haidee.

“Mag-iingat ka dito habang wala ako, nalulungkot ako na kailangan kong mauna, apurado kasi itong employer na nahanap ni Mama eh. Mamimiss kita babe.”

“Huwag kang mag-alala, hindi din naman magtatagal ay susunod na ako sa’yo don.”

Sandaling pumunta si Haidee sa kusina upang kumuha ng miryenda, pagbalik niya ay patay na ang telebisyon at ilaw sa sala, umakyat siya sa taas para hanapin si Renzo, marahan siyang pumasok sa kaniyang kwarto at pagbukas niya ng ilaw,

“Haidee, will you be my wife?” bungad ni Renzo, nandoon din ang kaniyang mga magulang at kapatid na kinutsaba ng nobyo para sa proposal, inihanda nila ang kwarto niya at nilagyan ito ng mga dekorasyon.

Naluha si Haidee at sumagot ng “Oo babe”, hinagkan niya ang nobyo at isinuot nito sa kaniya ang singsing. Walang mapagsidlan ng kaligayahan niya, napaguusapan naman nila ni Renzo ang pagpapakasal pero hindi niya inasahang magpopropose pa ito.

Sa araw ng pag-alis ni Renzo ay malungkot silang namaalam sa isa’t-isa.

“Mag-iingat ka doon babe ha, lagi mo akong tatawagan at ichachat, hintayin mo ako.” Bilin ni Haidee.

“Oo babe, magsisimula na din ako agad na mag-ipon para makasal na tayo, bibili tayo ng magandang bahay. Tapos gagawa tayo ng tatlong junior.” Pabirong sagot ni Renzo.

“Puro ka talaga kalokohan!”

Sa unang mga buwan ay walang patid ang kanilang tawagan at pag-uusap.

“Babe, ang lamig dito grabe, nagsisimula na ang pagbagsak ng snow, sigurado ako matutuwa kang makakita non kung nandito ka.”

“Oh palagi kang magsusuot ng mga pantaglamig ha, baka magkasakit ka sa klima diyan.” Bilin niya.

Hanggang sa pagtagal ay naging madalang na ang pagtawag ni Renzo, kung minsan ay nagiiwan na lamang ito ng mensahe kay Haidee.

“Babe, pasensya ka na, magpapahinga na muna ako, tawag ako sa’yo bukas.”

“Babe, hindi ulit ako makakatawag, ingat ka palagi.”

“Babe miss na kita, goodnight na muna.”

At umabot sa punto na halos hindi na ito nagpaparamdam, nalalapit na ang pagsunod niya sa Canada at labis siyang nag-aalala. Gayunman ay inisip niyang maaring pagod lamang ito sa pagtatrabaho. Nanatiling positibo si Haidee lalo pa’t minsan ay nakakasagot naman si Renzo sa kaniyang mga chat. Bago tumungo sa Canada ay nagchat siya rito.

Haidee:“Babe, sa isang linggo na ang dating ko riyan, nasasabik na akong makita ka.”

Renzo:”Ako din babe, pero wag ka sanang mabibigla, medyo nag-iba na kasi ang itsura ko ngayon.”

Haidee:”Ano ka ba! Kahit ano pang itsura mo ay mahal na mahal pa rin kita.”

Renzo:”SIge babe, hintayin kita ha.”

Sa araw ng alis ni Haidee ay di niya maipaliwanang ang kanyang nararamdaman, para bang may masamang balita siyang matatanggap sa pagdating niya sa Canada.

Pagkatapos ng mahabang biyahe ay lumapag na ang eroplano, isang pamilyar na mukka ang sumalubong sa kaniya ngunit hindi ito si Renzo kundi ang kaniyang ina.

“Tita! Kamusta na po kayo, ang tagal nating hindi nagkita, si Renzo po? Kasama niyo po ba siya? Asan po siya?” ang sunod-sunod na tanong niya habang hinahanap ang kasintahan sa mga taong dumaraan.

“Halika na muna iha, ihahatid kita kay Renzo, nagpapahinga kasi siya ngayon.” Sagot nito

Masaya namang sumama si Haidee, tahimik ang ina ni Renzo sa sasakyan at iniwasan nito ang kaniyang mga tanong. Makalipas pa ang kalahating oras ay dumating sila sa isang ospital. Lalong sumama ang kutob ni Haidee ngunit nanatili siyang kalmado sa kanilang paglalakad. Bago sila pumasok sa isang kwarto ay pinaupo siya ng ina ni Renzo upang magpaliwanag.

“Haidee, ang totoong dahilan ng pagpunta dito ni Renzo ay hindi para magtrabaho, kundi para magpagamot, pagtapos ng graduation niyo ay na-diagnosed na siya ng lung cancer, pinayuhan ko siyang pumunta agad dito upang matingnan ng mas magagaling na doktor. Pero kahit dito ay naging komplikado ang kaniyang lagay, mabilis na bumagsak ang kaniyang katawan at nanganganib na ang kanyang buhay, hindi niya ito sinabi sayo dahil buo ang loob niya na magpagaling at magpakasal, ayaw niyang bigyan ka ng dahilan para mag-alala”

Nanlumo si Haidee sa narinig at tila ba gumuho ang kaniyang mundo, pagpasok niya sa kwarto ay nakita niya itong nanghihina at halos buto’t-balat. Sobra ang pagluha niya sa kanyang nadatnan ngunit nanatili siya sa tabi ng nobyo sa mga huli nitong araw.

“Patawarin mo ako babe, hindi ko matutupad ang mga pangako ko. Mahal na mahal kita.” Wika nito.

Sobrang sakit para kay Haidee na marinig ito, napakarami na nilang pangarap na binuo at mawawala itong lahat sa isang iglap, sa huling paghalik ni Renzo sa kaniyang kamay ay pumikit na ito at binawian ng buhay. Pakiramdam niya ay dinudurog ang kaniyang puso, iyak siya ng iyak sa tabi nito habang tinatanggal ng mga nurse ang mga aparatong nakalagay kay Renzo.

Iniuwi niya ang abo ni Renzo at nagpatuloy pa rin sa buhay, alam niyang hindi nito gugustuhing sukuan niya ang kanilang mga pangarap.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement