Isinusumpa ng Babae ang Ina Dahil Inabandona Siya Nito at ang Amang Bulag; Sa Huli’y Nagpasalamat pa Siya Rito at Humingi ng Tawad

Isinusumpa ng Babae ang Ina Dahil Inabandona Siya Nito at ang Amang Bulag; Sa Huli’y Nagpasalamat pa Siya Rito at Humingi ng Tawad

FamilyInspiringStoriesSuccess

Sa tuwing tinitingnan ni Rose ang bulag na amang si Mang Tony ay magkahalong galit at awa ang kaniyang nararamdaman.

Nakatakda na sana itong mangibang bansa upang pamahalaan ang pabrika ng kapatid ng kaniyang amo ngunit nangyari ang isang malagim na aksidente dalawang dekada na ang nakalipas.

Natalsikan ng matapang na kemikal ang mukha ng ama nang tinetesting nito ang mga makina sa pinapasukang pabrika ng mga pesticide.

Dahil dito’y hindi na naisalba ang dalawang mata nito.

Hindi naman nagkulang ang boss ng ama at sinagot ang lahat ng bayarin sa ospital. Bukod doon ay binigyan pa sila ng insurance money na nagkakahalaga ng isang milyong piso.

Dahil dito ay nakabili sila ng maliit na bahay sa Bulacan at nakapagpatayo ng maliit na grocery. May mga alaga din silang baboy at mga manok.

Akala ni Rose ay nalagpasan na ng kanilang pamilya ang isang malaking dagok sa kanilang buhay ngunit simula pa lamang pala iyon.

Makalipas ang isang taon ay bigla na lamang siyang nanghina. Sa edad na walo ay kinailangan niyang maoperahan. Ipinanganak kasi siyang may butas ang puso. Akala nila’y nagamot na ang sakit niya noong sanggol pa lamang siya ngunit hindi pala iyon tuluyang nagsara at ayon sa doktor ay kailangang isagawa ang operasyon sa lalong madaling panahon.

Naubos ang pondo ng mga naipundar nilang negosyo pati na rin ang ipon ng kaniyang ama. Kinailangan din nilang ibenta ang kanilang babuyan at manukan.

Dumating sa puntong wala na silang makain at umaasa na lamang sa mga padala ng kamag-anak o kapitbahay.

Sa pagdaan ng mga araw ay bigla na lamang naglayas ang kaniyang inang si Aling Mercy. Maski sulat ay wala itong iniwan. Naglaho na lamang ito na parang bula.

Halos mawalan ng ganang mabuhay si Rose sa ginawa ng ina.

Lalo pang tumindi ang galit niya dito nang marinig ang pinag-uusapan ng mga kapitbahay.

“Diyos ko, mga mare! Kawawa ‘yang batang iyan. Nag-iisang anak, iniwan ng ina sa amang wala nang silbi! Ano’ng ipapalamon ni Tony d’yan? Sabagay naiintindihan ko si Mercy. Hindi rin naman sila kasal kahit sabihin mo pang may anak sila. Kahit ako ang magkaroon ng kinakasamang inutil at anak na sakitin, magsasawa at mapapagod din ako,” wika ni Aling Lagring, ang tindera sa talipapa.

“Ito sure na sure ako! Nagpakasal na si Mercy sa ibang lalaki ilang araw lamang matapos silang abandonahing mag-ama. Mayamang Amerikano raw ang napangasawa at sa Amerika na sila naninirahan. Kausap ko sa telepono iyang si Mercy noong makalawa, aba mantakin mo binayaran lahat ng utang niya sa akin!” dagdag ng may-ari ng bigasan na si Aling Sylvia.

Mula noon ay sinumpa niya sa sariling hinding-hindi na muli sila magiging kaawa-awang mag-ama, bagkus ay kaiinggitan pa.

Mabuti na lamang at nariyan ang kaniyang Tito Ed, ang matalik na kaibigan ng ama. Nakakuha ito ng malaking halaga nang magretiro sa pinagtratrabahuhang ahensya ng gobyerno.

Mula nang bata pa lamang siya hanggang sa makapagtapos ng pag-aaral ay todo ang suporta ng kaniyang Tito Ed at pamilya nito sa kanilang mag-ama.

Tatlong ulit siyang inoperahan bago tuluyang gumaling sa edad na sampu. Lahat ng gastos ay sinagot ng kaniyang Tito Ed. Sinubukan pa nga nitong ipasailalim sa corneal transplant ang ama ngunit hindi ito naging matagumpay.

Ultimo baon at matrikula ay binigay ng kaniyang Tiyo Ed. Hindi niya mawari kung bakit ganito na lamang kabait ang kaibigan ng ama pati na rin ang buong pamilya nito sa kanila.

Kahit pagpapaayos ng kanilang bahay ay sinagot nito at nang makapagtapos ng pag-aaral ay binigyan pa siya nito ng malaking halaga upang makapagtayo ng sariling negosyo.

Ngayon ay isa na siyang matagumpay na negosyante. Malaki ang kita at patok ang negosyo niya lalo na sa mga kababaihan. Beauty products kasi ang kaniyang binebenta. Bukod sa pagiging magaling na Chemist ay talaga namang napakagandang dalaga ni Rose. Kaya naman kaliwa’t-kanan ang kaniyang mga tagapagtangkilik at mga manliligaw.

“Rose, anak… Nasa tamang edad ka na at sa tingin ko’y kailangan mo na itong malaman,” wika ni Mang Tony habang nanginginig ang boses.

“Anak… Hindi tayo pinabayaan ng nanay mo… Nagsinungaling kami sa iyo ng Tito Ed mo… Ang nagtustos ng lahat ng pangangailangan natin ay ang nanay mo,” sabay paghagulgol ng ama.

Kinilabutan si Rose na narinig ngunit nanatili siyang alerto sa susunod na mga sasabihin ng ama. Sa halip na magsalita ay may inabot itong sulat.

“Anak, alam kong habang binabasa mo ito ay abot hanggang langit ang galit mo sa akin. Hindi kita masisisi at paniwalaan mo man ito o hindi, tinatanggap ko at tatanggapin ko kahit itakwil mo man ako. Ang importante’y natupad ang lahat ng mga pangarap namin ng tatay mo para sa iyo. Ibinigay ko ang aking sarili sa isang lalaking hindi ko mahal sapagkat ayokong sama-sama tayong magdusa sa kahirapan ng buhay. Hindi mo kasalanan na kami ang naging mga magulang mo. Kaya naman isasakripisyo ko ang lahat ng mayroon ako para lamang matiyak na hindi ka lumaking pobre kagaya namin ng tatay mo. Sa kabila ng lahat, anak… Umaasa akong mayakap mo man lamang ako sa tamang panahon. Naniniwala akong balang araw ay magkakasama-sama tayong muli. Nagmamahal, Inay”

Tila natulala si Rose sa nabasa. Hindi niya namamalayan na tuloy-tuloy na pala ang pag-agos ng kaniyang mga luha. Halos mabitiwan niya ang hawak na basong may tubig nang may kumatok.

“Ito na ang tamang panahon,” mahinang imik ng kaniyang ama habang nanginginig ang balikat.

Pagbukas ni Rose ng pinto ay tumambad ang isang mukha na hanggang ngayon ay kabisadong-kabisado niya kahit pa napakaraming taon niyang iniwasang tignan kahit mga litrato ng nagmamay-ari ng mukhang iyon. Ang mukha ng kaniyang ina.

Bigla na lamang lumambot ang tila bato niyang puso. Agad niyang niyakap ng mahigpit ang ina. Sabay namang ginantihan ng mas madiin pang yakap ng ina ang sabik na sabik na yakap ng kaniyang nangungulilang anak.

“Patawarin mo ako, ‘nay. Galit na galit ako sa iyo samantalang ginawa mo lang naman ang lahat para sa amin ni tatay at lalong-lalo na para sa akin,” naglumuhod pa ang dalaga sa pagsisisi ngunit agad siyang inalalayan ng ina upang tumayo.

“Anak, matatanggap ko ang lahat ng galit mo sa akin. Hindi mahalaga ang nakaraan. Ang importante ay ang kasalukuyan. Magkakasama na tayo.”

“Mom, is she my sister? She’s so beautiful like me.”

Hindi namalayan ni Rose na may kasama palang dalagita ang ina. Sa tingin niya ay mga nasa trese anyos ito. Malaki rin ang pagkakahawig niya sa bata.

Tila naman lukso ng dugo ang umiral at bigla na rin niyang niyakap ang bata.

“Anak, ang kapatid mo. Si Cindy.”

Nang bahagyang mahimasmasan ang kanilang mga damdamin ay sinimulang paliwanagan ng ina si Rose.

Kahit tila binili ang pagmamahal ng kaniyang ina ay mabait naman ang pinakasalang amerikano nito. Ang tanging hangad lamang ng lalaki ay magkaroon ng asawa at anak na magmamahal at mag-aalaga sa kaniya sapagkat wala na itong mga kamag-anak at nag-iisa na lamang sa buhay. Ang tangi nitong anak sa ibang babae ay basagulero at magnanakaw at takot na takot itong maiwan ang lahat ng yaman niya sa suwail niyang anak. Dumating na rin sa puntong pinagtangkaan ng anak niyang iyon ang kaniyang buhay upang makuha ang lahat ng mana. Mabuti na lamang at naagaw niya ang baril dito.

Nagkakilala ang ina at ang Amerikano sa pamamagitan ng dating boss ng kaniyang ama. Sa unang kita pa lamang ng Amerikano sa kaniyang ina ay tila nahulog na agad ang loob nito at nang malamang hindi siya kasal ay agad siya nitong inalok ng kasal. Nang wala nang maisip na paraan ay kinausap niya ang Amerikano at pumayag sa alok na kasal nito kapalit ng buhay ni Rose. Kung hindi naoperahan agad ang dalaga sa panahong ‘yon ay malamang na binawian na ito ng buhay. Nagkaroon ng isang anak ang ina at ang asawa nito at iyon nga ay si Cindy. Namayapa na pala ang Amerikano tatlong taon na ang nakalipas.

Bukal naman sa kalooban ng asawa ng kaniyang ina ang pagtulong sa kanila at tanggap niya din ang lahat sa kaniyang nanay.

Mula nang araw na iyon ay natutunang magpatawad ni Cindy. Naisip niyang walang perpektong ina ngunit isang bagay ang tiyak na kayang gawin ng isang nanay para sa kaniyang mga anak. Ito ay ang isakripisyo ang kaniyang sarili kahit pa ang katumbas nito ay sarili niyang buhay at kaligayahan.

Napatunayan niya ang lahat ng iyon nang magkaroon na rin siya ng sariling anak at asawa. Sabay pa nga silang kinasal ng ama’t ina.

Hindi man naging perpekto ang kanilang mga buhay ngunit ngayon ay masayang-masaya na sila at magkakasama.

Wala mang paningin ang ama ngunit ramdam na ramdam nito ang pagmamahal ng mga apo at ng kanilang buong pamilya.

More Stories