Inday TrendingInday Trending
Naisipan ng Mag-anak na Gumawa ng Kubo sa Itaas ng Puno at Doon Manuluyan Dahil Walang May Gustong Magpaupa sa Kanila; Paano Ito Magiging Daan Para sa Pagpapala at Biyaya?

Naisipan ng Mag-anak na Gumawa ng Kubo sa Itaas ng Puno at Doon Manuluyan Dahil Walang May Gustong Magpaupa sa Kanila; Paano Ito Magiging Daan Para sa Pagpapala at Biyaya?

“Itay, masakit po ang tiyan ko. Hindi pa po ba tayo kakain?”

Napasulyap lamang si Temyong sa kaniyang kaisa-isang anak na babae na si Carina, 6 na taong gulang. Pagkaraan, nagkatitigan sila ng misis na si Chona. Nasaktan siya sa damdaming bumadha sa mga mata nito.

“M-Mamaya-maya, anak. Mamaya-maya. Hahanap si Itay ng pagkain,” tugon na lamang ni Temyong.

“Iyan din po sabi ninyo eh ang dinala ninyo ay tubig. Hindi naman po ako nauuhaw,” naiiyak na sabi ni Carina habang inaayos-ayos ang buhok ng yakap-yakap nitong manika. Hindi pa lubos na nauunawaan ang hirap na kanilang pinagdaraanan.

Tipikal na kuwento ng mga taong taga-lalawigan na nagnais makipagsapalaran sa kasukalan ng Maynila ang nangyari kina Temyong at Carina. Hindi na nila makayanan ang pahirap sa kanila ng may-ari ng lupa. Halos idilig na nila ang dugo’t pawis para lamang sa bukirin nito; subalit latak lamang ng kanilang pinagpaguran ang ibinibigay sa kanila. Husto na, sukat na.

“Magtungo tayo sa Maynila. Magbaka-sakali,” aya ni Temyong sa misis.

“Iiwanan natin ang kubo? Paano tayo?” usisa ni Carina.

“Bahala na ang Diyos. Masipag naman tayo. Magdala tayo ng maraming kamote at mais. Mabubuhay tayo.”

Dala ang kani-kanilang mga lukbutan at tampipi, walang ibang dala ang mag-anak kundi 3,000 pisong naipon, at pag-asa. Pag-asang makasungkit o makatisod ng magandang kapalaran at oportunidad sa kalunsuran. Subalit hindi naging madali. Lubhang mailap sa Maynila, lalo na sa mga kagaya nila. Walang paupahang nagnanais na tumanggap sa kanila.

“Dito sa Maynila, kung gusto mong umupa, kailangan may isang buwang deposito at isang buwang advance. May maibibigay ba kayo sa akin?” untag sa kanila ng isang kaserang mataray na tiningnan sila mulo ulo hanggang paa.

“M-May 2,500 po kami rito, misis. Maawa na po kayo. Wala po kaming matutuluyan. Hahanap naman po ako ng trabaho,” pakiusap ni Temyong.

“Nagpapatawa ka ba, kuya? Ang bigay na upa ko rito ay 3,000 piso wala pa ang kuryente at tubig. Kung patutuluyin ko kayo rito, malulugi ako. Maghanap na lang kayo sa iba. Saka mukha kayong sakit sa ulo eh, kaya huwag na lang.”

Wala silang nagawa kundi galugarin ang maliliit na eskinita ng Tondo, Maynila. Walang may nais na patuluyin sila dahil kulang na kulang ang pera nila. At ngayon, dalawang araw at gabi na silang nagpapalipas ng gabi sa Luneta. Ilang beses na rin silang nasita ng mga rumorondang guwardiya, subalit nagpapalipat-lipat lamang sila. Minabuti nilang maligo at sundin ang tawag ng Inang Kalikasan sa mga paupahang palikuran sa naturang parke.

“Anong gagawin natin, Temyong? Hindi puwedeng dito tayo matulog sa lansangan, baka magkasakit si Carina o isa man sa atin. Isa pa, nakikilala na tayo ng mga guwardiya, lagi na tayong sisitahin. Hindi naman tayo mga palaboy na tao,” nag-aalalang tanong ni Chona sa mister.

“Gagawa ako ng paraan. Mahal, pasensiya ka na kung nararanasan ninyo ito ngayon. Kaunting tiis lamang. Naalala mo noong nagsama tayo at nangako ako sa iyo? Ibibigay ko sa iyo ang langit, basta’t hayaan mo lamang akong mahalin ka sa hirap at ginhawa? Hindi ako bumibitiw sa pangakong iyon. Huwag ka rin sanang bumitiw sa akin,” emosyonal na sabi ni Temyong sa kaniyang misis.

“Hindi, Mahal. Kahit naman hindi tayo humarap sa dambana ng simbahan, kahit naman sa tumana lamang tayo nagsumpaan at ang mga singsing natin ay mula sa hibla ng dahumpalay, pinanghahawakan ko pa rin ang pangako mo, na magsasama tayo sa hirap at ginhawa,” tugon naman ni Chona.

Hindi tumugil si Temyong sa paglalakad maghapon upang maghanap ng trabaho, o kaya maghanap ng mauupahan. Subalit makita pa lamang siyang naka-tsinelas o marumi ang mga damit ay hindi na siya pinapansin, o pinapapasok ng guwardiya. Tulirong-tuliro na si Temyong. Ayaw niya namang gumawa ng masama.

Habang naglalakad pauwi, nakakita siya ng isang punong akasya na may malalabay na sanga at mayamungmong na mga dahon. Saglit siyang nagpahinga sa ilalim ng mga lilim nito. Sa ilalim nito ay nagtambak ang makakapal na kahoy, coco lumber, plywood, butas-butas na yero, at iba pang mga materyales na ginagamit sa construction. Ginawang tambakan ng mga karpintero sa isang malapit na commercial complex na kanilang itinatayo, mga ilang metro mula sa puno. Napatingala si Temyong sa itaas ng puno.

Naalala niya ang bukirin. Naalala niya noong kabataan niya: lagi silang gumagawa ng bahay-bahayan sa itaas ng mga puno, na lagi rin namang nawawasak ng mga bagyong dumarating. Subalit kapag tumila na ang sigwa at maaraw na ulit, gumagawa ulit sila ng bahay-bahayan sa mga puno. Tuloy ang laro. Tuloy ang buhay.

Tila may ‘di-nakikitang ilaw na umandap-andap sa isipan ni Temyong. Nagmadali siya. Nagtungo siya sa Luneta upang tawagin ang kaniyang mag-ina.

“May naisip na akong paraan para magkaroon tayo ng matutuluyan,” nakangiting saad ni Temyong.

At nagtungo sila sa punong akasya na pinagpahingahan ni Temyong. Gamit ang mga nakatambak na materyales na itinambak ng mga karpintero, pinagdugtong-dugtong ito ni temyong hanggang sa makabuo ng isang maliit na treehouse sa tuktok nito. Mula naman sa mga pinagtabasang kahoy at mga lumang alambre ay gumawa siya ng hagdanan upang makapanhik ang kaniyang mag-ina sa itaas. Naglakas-loob din siyang makihiram ng martilyo, pako, lagari, at iba pang mga kagamitan sa mga karpinterong pansamantalang nakikipanuluyan sa ginagawa nilang commercial complex, lalo na ang iba sa kanila ay nakatira pa sa malalayong lugar.

“Wow, Itay! Ang ganda rito. Dito na po ba tayo titira?” tuwang-tuwang tanong ni Carina sa ama. Gabi na noon kaya kitang-kita ang ningning ng lungsod dahil sa mga artipisyal na ilaw.

“Pansamantala anak habang naghahanap pa si Itay ng trabaho. Dito muna tayo,” saad ni Temyong.

At ang naging pansamantalang tahanan nga ng mag-anak ay ang treehouse. Marami sa mga residenteng napapadaan sa kanilang treehouse ang namamangha, at marami naman ang nag-aalala para sa kanilang kaligtasan. Delikado raw lalo na’t madalas pa naman ang mga bagyo.

Isang araw, isang sikat na artista ang nagtungo sa kanila upang kausapin silang mag-anak. Pinag-usapan pala sa social media ang larawan ng kanilang treehouse na ibinahagi ng isang concerned netizen: kitang-kita sa naturang larawan si Carina habang nakangiti at aktong kumakaway-kaway pa. Marami ang nahabag sa kanila at nagpahatid ng pagnanais na matulungan ang mag-anak.

Sa tulong ng artistang iyon na isa ring pilantropo at kilala sa pagkakawanggawa, nagkaroon ng trabaho si Temyong bilang tagapangalaga ng bagong bukiring nabili ng artista sa isang lalawigan, bukod pa sa mga pinansiyal na tulong na bigay ng mga netizens sa kanila. Libre na rin ang kanilang panunuluyan sa resthouse ng naturang artista, kapalit ng kaniyang trabaho bilang tagapangalaga. Tuwang-tuwa naman si Temyong at ang kaniyang mag-ina sa natisod na magandang kapalarang dumapo sa kanila.

Advertisement