Inday TrendingInday Trending
Pera Lamang Daw ang Habol ng Guwapong Binata sa Matabang Dalaga; Pahiya ang mga Tsismosa Nang Mabunyag ang Isang Lihim

Pera Lamang Daw ang Habol ng Guwapong Binata sa Matabang Dalaga; Pahiya ang mga Tsismosa Nang Mabunyag ang Isang Lihim

Bata pa lamang si Rosalie ay naging hilig na niya ang pagkain ng masasarap. Palibhasa’y mahilig magluto ang kaniyang amang si Mang Jun at madalas din ang handaan sa kanilang bahay sapagkat doon dinaraos ang meeting sa negosyong sanglaan at alahasan ng kaniyang mga magulang at mga business partners ng mga ito.

Daddy’s girl si Rosalie at nag-iisa itong anak. Kaya nang biglaang pumanaw ang ama sa atake sa puso ay labis niya iyong dinibdib.

Ang tanging nakakapukaw lamang sa kaniyang malalim na kalungkutan ay ang pagkain ng tsokolate at masasarap na ulam kasabay ng malamig na sopdrinks at mainit-init pang kanin.

Labis ang pang-uudyok sa kaniya ng inang si Aling Tina at mga kabarkada na magpapayat na upang hindi magaya sa ama na napabayaan ang katawan ngunit hindi niya magawa iyon sapagkat walong taon na rin ang nakalipas ay hindi pa rin niya matanggap ang pagkawala nito.

Nakadagdag pa sa kaniyang kalungkutan ang pakikipaghiwalay sa kaniyang nobyo sa loob ng tatlong taon na si Dexter.

Halos maubos ang ipon niya sa pagbibigay ng mga luho nito ngunit nagawa pa rin siya nitong lokohin.

Nahuli niya itong nakikipaghalikan sa maganda at seksing kaibigan na si Pauline sa isang bakanteng klasrum sa kanilang unibersidad.

Hanggang ngayon ay pilit na nakikipagbalikan sa kaniya ang dating nobyo ngunit hindi na niya kaya pang patawarin ito. Malinaw na sa kaniyang pera lamang ang habol ng binata.

Habang naglalakad papasok sa klase kasama ng bestfriend na si Lyka ay napatulala si Rosalie at napatitig sa anyo ng dumaang binata.

Guwapo, moreno, matangkad gaya ni Dexter ngunit maamo ang mukha nito.

Agad naman itong ngumiti at halos matunaw ang dalaga sa tamis ng mga ngiting iyon.

“Ma’am seksi, good morning! Natulala ka yata!” bati ni Mang Boy, ang janitor sa kanilang eskuwelahan.

Namula sa kahihiyan ang dalaga. Sinisiko na ito ni Lyka ngunit tila hindi siya makagalaw sa kaniyang kinatatayuan.

Sa labing pitong taon niya sa mundo’y ngayon lamang niya naramdaman ang tila paglaglag ng kaniyang puso.

Tila na love at first sight siya sa guwapong lalaki.

Di namalayan ni Rosalie na marami na palang nakatingin sa kaniya, halos lahat ng mga ito’y humahagalpak sa kakatawa.

“Yan na naman si taba, kaya naloloko e. Ambisyosa, mahilig sa pogi,” nangiinsultong bulong ng dating kaibigang si Pauline sa kasama nitong kamag-aral.

Agad naman itong tinaasan ng kilay ni Lyka at akmang sasabunutan ngunit inawat ito ni Rosalie. Doon lamang siya muling bumalik sa realidad.

Patuloy na nagtatawanan ang mga estudyante sa kanilang paligid.

“Tay, ‘wag mo namang asarin si ganda. Ikaw talaga!” pananaway ng binatang si Luis. Tila hiyang-hiya ang binata ngunit kinikilig.

Dali-dali nitong inabot ang mop mula sa kamay ng may edad nang si Mang Boy at nagsimulang maglampaso ng korehidor.

“Nak, ako na yan. Baka ma-late ka sa klase mo.”

“Hindi na ‘tay, excuse na ako sa quiz. Perfect ang iskor ko sa naunang test kaya’t hindi na ako pinapapasok ni ma’am. O kayo, magsipasok na kayo! Akala n’yo naman ang tatalino niyo, dami niyong oras maghagikhikan!” pasimpleng pagtatanggol ni Luis sa dalaga.

Lalo namang bumilis ang tibok ng puso ni Rosalie sa tinuring ng binata.

“Ehem! O sya sige kayo na ni “ganda” ang excuse sa test! Sige na, sige na! Pumasok na tayong mga di matalino at mag-exam! Hoy ikaw Pauline! Maganda ka nga wala namang laman ang utak mo, pasok!” panguuyam ni Lyka.

Agad namang nagsipulasan ang mga estudyante nang makitang nakatanaw na sa kanila ang ilan sa mga propesor.

“Hi, Rosalie pala name mo? Cute naman. Ako nga pala si Luis. 1 week pa lang ako dito, nagtransfer kasi ako. Irregular student ako kaya siguro ngayon mo lang ako nakita pero ikaw araw-araw kitang nakikita e. Palagi ka kasing nakayuko at nakasimangot kaya siguro ‘di mo ako napapansin,” pabirong pagpapakilala ng binata.

Lalo namang namula si Rosalie sa narinig. Naalala niyang tuwing lumalakad siya sa eskuwelaha’y parati siyang kumakain ng sitsirya o ‘di kaya nama’y tsokolate kaya pirme siyang nakayuko.

“Matagal nang janitor si Mang Boy dito sa school, hindi ko alam na may anak pala siya. Sabi niya kasi’y matandang binata siya,” pag-iiba ng usapan ng dalaga na tila hiyang-hiya pa rin.

“Ah… Eh… Ganoon ba? Ganyan kasi si itay. ‘Di talaga palakuwento ng personal na buhay. Puro kalokohan ang laman ng kuwento,” tila nabubulol at natatawang sagot ng binata.

Mula noon ay naging matalik na magkaibigan si Luis at Rosalie. Pirme pa silang nag-uusap sa chat at nagtatawagan sa telepono.

Sabay na rin silang umuuwi at pumapasok ngunit ni minsan ay hindi pa nakarating si Rosalie sa bahay ng binata. Naisip niyang nahihiya siguro ito sapagkat alam niyang sa squatter’s area nakatira ang ama nitong si Mang Boy.

Dahil doon ay naging usap-usapan ang dalawa hindi lamang sa eskuwelahan kundi pati na rin sa mga kapitbahay ni Rosalie. Peperahan lamang daw si Rosalie ng binata at gaya ng ginawa ni Dexter ay magloloko ito at maghahanap ng seksi.

“Sige, taba. Magpakasaya ka lang. Aagawin ko rin sa iyo si Luis,” nakapamewang pang wika ni Pauline habang nakatanaw sa nagtatawanang sina Rosalie at Luis.

Hindi nagtagal ay nagtapat na ng nararamdaman si Luis kay Rosalie. Kahit pa takot masaktan ay muling sumugal ang dalaga sa pag-ibig.

Napakamaalalahanin ni Luis. Imbes na puwersahing magpapayat ang nobya ay tinuruan niya ang dalagang magluto ng mga masasarap ngunit masustansyang pagkain. Bukod doon ay nagjo-jogging at ehersisyo din sila tuwing hapon pagkatapos ng klase.

“Bilib din naman ako kay Luis. Kahit anak lamang siya ng janitor ay napaka-well oriented niya sa healthy lifestyle,” wika ni Lyka.

“Oo nga e. Kahit pagtabihin mo sila ni Mang Boy, di mo aakalain na mag-ama sila,” dagdag ni Aling Tina na talaga namang botong-boto sa binata.

Napaisip na din ng malalim si Rosalie. Kahit dalawang buwan na silang magkasintahan ni Luis, ni minsan ay hindi ito nagkukuwento ng kahit ano’ng tungkol sa personal na buhay ng binata.

Naisipan niyang bisitahin ito at sorpresahin. Bilang alam naman ng kanilang kapitbahay kung saan nakatira si Mang Jun ay kinuha niya ang address nito at nagpasama kay Lyka.

Di pa nakakalayo sa kanilang subdibisyon ay nanlaki ang mga mata ng dalaga sa nakita.

Ang nobyong si Luis ay nasa tapat ng gate ng bahay ni Lyka. Busy din ang binata sa pagtetext at tila hinihintay ang kausap na magbukas ng gate.

Maya-maya lamang ay tumambad si Pauline sa labas ng gate. Naka shorts itong maiksi at masikip na t-shirt. Hubog na hubog ang seksi nitong katawan at makinis na kutis.

“Abot hanggang tenga ang ngiti ng bruhang to ha!” galit na galit na wika ni Lyka ngunit agad namang tinakpan ni Rosalie ang bibig ng kaibigan.

Nanginginig at lumuluhang umuwi si Rosalie.

Mula noon ay hindi na niya muli pang kinausap si Luis.

Araw-araw ay pumupunta sa kanilang bahay ang nobyo ngunit hindi ito hinaharap ng dalaga.

Sa loob ng anim na buwan ay dinisiplinang maigi ni Rosalie ang sarili sa pagkain. Araw-araw din siyang nageexercise. Halos mawalan na siya ng malay sa pagod ngunit hindi pa rin siya tumitigil.

Napansin naman ng lahat ang pagbabago sa katawan ni Rosalie.

Ang mga lalakeng dati’y ginagawa siyang katatawanan ay napapalingon na sa kaniya.

Sa galit niya kay Luis ay natuto siyang magpaligaw at magpaasa ng iba’t-ibang lalake.

Ang dating Rosalie ay iba’ng-iba na. Hindi lang katawan ang nagbago sa dalaga kundi pati na rin ang ugali nito.

Nagtataka naman ang dalaga sapagkat tila naging mabait sa kaniya si Pauline mula nang makita niya itong nagbukas ng gate at papasukin si Luis sa kanilang tahanan.

“Rosalie, patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko sa iyo. Parang awa mo na. Pakiusapan mo naman si Luis at ang pamilya niya na huwag kaming paalisin sa inuupahan naming bahay. Sa susunod na buwan ay magkakatrabaho na ulit si papa. Makakabayad na kami ng renta. Nagmamakaawa ako sa iyo,” wika ni Pauline habang nakaluhod at lumuluha pa.

Takang-taka naman si Rosalie sa narinig. “Ha??? Naguguluhan ako, ano’ng kinalaman ni Luis sa inuupahan niyong bahay???”

“Hindi mo ba alam? Akala ko kami lang ang napeke niya sa pagpapanggap niyang mahirap. Mga magulang ni Luis ang may-ari ng halos lahat ng paupahan dito sa lugar natin,” tugon ni Pauline.

Agad namang tumakbo si Rosalie upang hanapin ang janitor na si Mang Boy.

“Naku, Ineng. Seryoso ka ba? Naniwala ka talagang mag-tatay kami? Sabagay, pareho kaming guwapo,” nakangisi pang wika ni Mang Boy.

Lalong naguluhan si Rosalie. “Bakit nagpunta si Luis sa bahay ni Pauline?”

“Rosalie… Patawarin mo ako… Nagsinungaling ako sa ‘yo. Hindi ko talaga tatay si Mang Boy. Kaya ako nagpunta sa bahay nila Pauline upang maningil ng utang. Pinagsabihan ko din siya at sinumbong sa mga magulang niya kung ano ang mga pinagagagawa niya dito sa school. Mali na ang pangbubully niya sa iyo at dapat iyong malaman ng parents niya,” malungkot at sinserong pagpapaliwanag ni Luis.

Di nagtagal ay kumalat na ang balita sa kanilang eskuwelahan at mga kapitbahay.

Pahiyang-pahiya ang mga tsismoso’t-tsismosa na nagsasabing peperahan lamang daw ng binata ang dalaga.

Napakayaman pala ng angkan nila Luis.

Kamag-anak pa nga nila ang nagmamay-ari ng eskuwelahan kaya’t agad na nakalipat dito si Luis matapos umalis ang kaniyang mga magulang papuntang Amerika. Sa murang edad ni Luis ay ipinamahala na sa kaniya ng mga magulang ang pagmamanage ng kanilang mga paupahan at iba pang ari-arian.

Ilang araw ang lumipas at nang makapag-isip ng malalim si Rosalie ay pinatawad na rin niya si Luis.

Sa wakas ay natutunang tanggapin ng dalaga ang pagkawala ng pinakamamahal na ama.

Ilang taon pa ang nakalipas ay sabay silang nagtapos ng pag-aaral. Si Rosalie ay naging Summa Cum Laude at Magna Cum Laude naman si Luis.

Nabuntis naman ni Dexter si Pauline at tuluyang napaalis sa inuupahang bahay ang kanilang pamilya sapagkat hindi na nakahanap pa ng hanapbuhay ang ama nito.

Dahil doon ay hindi nakapagtapos ng kolehiyo ang dalawa. Patuloy pa rin ang pambababae ni Dexter sa dahilang tumaba na ng husto si Pauline dahil sa pagbubuntis at depresyon sa pagsadlak ng katayuan sa buhay ng sariling pamilya.

Pahiyang-pahiya naman ang mga tsismoso’t-tsismosa sa kanilang lugar.

Nagsilbing aral sa kanila na mali ang panghuhusga sa kapwa at mas maraming maganda at produktibong gawin sa buhay kaysa pakialaman ang buhay ng iba.

Advertisement