
Ginawang Katatawanan ng Tiyahin ang Paglaban ng Pamangkin Para sa Buhay ng Inang May Karamdaman; Bandang Huli ay Kaiinggitan Niya Ito
“Tiya Lumeng, parang awa niyo na po. Wala na kasi talaga akong malapitan. Kailangang kailangan na po kasi ng nanay na masalinan ng dugo at may mga ibang gamot pang hinihingi sa akin sa ospital. Nangangako naman po ako na pagnagkapera ako ay babayaran ko kayo kaagad. Kahit dalawang libo na lang po,” pakiusap ni Betchay sa kaniyang tiyahin.
“Tigilan mo nga ako, Betchay. Ilang beses mo na ‘yang sinasabi sa akin. Ang sabi mo ibabalik mo kaagad pero ni piso ay wala ka pang ibinabalik sa akin. Aba, baka akala mo’y punupulot ko lang ang pera,” sambit naman ng ginang.
“Wala na po kasi talaga akong malapitan pa, tiya. Hindi naman po ako makapasok sa trabaho dahil wala ring magbabantay sa nanay ko habang nasa ospital siya. Pangako ko naman kayo ang unang babayaran ko kapag nagkasahod. Gusto ko lang naman po maipagamot ang nanay ko,” wika pa ng dalaga.
“At ako ngayon itong gigipitin mo? Ako ba ang nagsabi sa’yo na ipagamot mo ‘yan? Nagtataka din ako sa’yo, Betchay, sinabi na nga ng doktor na kaunti na lang ang pag-asa ng nanay mo pinipilit mo pa ring ilaban. Kung ako sa iyo ay huwag mo nang pahirapan pa ang sarili mo at ang nanay mo. Isuko mo na siya nang sa gayon ay hindi ka na rin gumastos pa ng malaki,” sambit muli ng kaniyang Tiya Lumeng.
“Kahit malaki o maliit ang tiyansa ay panghahawakan ko po basta mabuhay lang ang nanay ko kasi nakikita ko pong lumalaban siya. Sige po, kung wala po kayong maipapautang sa akin ay salamat na lang po at aalis na po ako,” saad naman ng dalaga.
“Mabuti pa nga na umalis ka na dahil wala talaga akong ibibigay sa’yo. Pagamot mo ang nanay mo tas ako nang ako ang lalapitan mo!” sigaw pa ng tiyahin.
Ayaw man ni Betchay na lumalapit sa hipag ng kaniyang ina ay wala na siyang magawa dahil ito lamang ang kamag-anak na pwede niyang lapitan. Ngunit kahit kasi medyo nakakariwasa sa buhay ang kaniyang Tiya Lumeng ay may kadamutan ito. Ni hindi nga malalaking halaga ang ipinapautang niya sa dalaga ngunit ginigipit pa niya ito sa pagbabayad sa kaniya.
Matagal ng may iniindang karamdaman ang ina ni Betchay na si Aling Mercy. Dahil nga ayaw niyang mag-alala ang kaniyang anak at ayaw niyang makadagdag pa din sa pasanin nito bilang ang dalaga ang naghahanap-buhay para sa kanilang dalawa ay minabuti na lang ni Aling Mercy na ilihim ito sa kaniyang anak.
Hanggang sa napansin ni Gladys ang unti-unting pagbagsak ng katawan ng ina. Nang ipasuri niya ang ina ay malubha na ang kalagayan nito na labis niyang ikinabahala.
Dahil na patuloy na gamutan ay nabaon na sa utang ang dalaga. Ngunit hindi ito iniinda ni Betchay. Ang tanging nais lamang niya ay ang tuluyang paggaling ng kaniyang ina.
Lumuluha si Betchay habang pabalik siya sa ospital kung nasaan si Aling Mercy. Gulung-gulo ang kaniyang isipan habang tinitignan niya ang natitirang isang daang piso sa kaniyang pitaka.
“Paano ko kaya ito pagkakasyahin? Saang kamay pa kaya ng Diyos ako kukuha para may panggastos kami ng nanay?” hindi na niya napigilan ang pagbagsak ng mga luha habang sinasabi niya ito sa kaniyang sarili.
Nang papunta siya sa kinaroroonan ng ina ay may isang lalaki na nakabangga sa kaniya. Tila tuliro ito sa lalim din ng iniisip kaya hindi niya napansin ang dalaga.
“Pasensiya ka na. Pero kakapalan ko na ang mukha ko. Baka naman pwedeng makahingi ng tulong sa iyo kahit magkano lang. Narito kasi sa ospital ang asawa ko at ni singko ay wala na talaga ako. Kailangan ko lang siyang bilhan ng pagkain,” pagkakaawa ng lalaki.
Hindi nagdalawang-isip si Betchay na tulungan ang ginoo.
“Pasensiya ka na, isang daan na lang ang laman ng pitaka ko kahit tingnan mo pa. Hati na lang sana tayo kasi nandito rin ang nanay ko,” wika ni Betchay sa lalaki.
Lubhang nagpasalamat sa kaniya ang ginoo at saka umalis. Habang si Betchay naman ay pinagpatuloy ang paglalakad patungo sa kaniyang ina.
“Wala po akong nahiraman, ‘nay. Pero kakausapin ko po ulit ang mga doktor baka pwedeng gawin na ang kailangang gawin sa inyo tapos saka ko na lang babayaran. Huwag na po kayong mag-alala,” wika ng dalaga sa kay Aling Mercy.
“Pasensiya ka na, anak at pati ikaw ay nahihirapan. Maraming salamat sa iyo kasi kahit anong mangyari ay hindi mo ako pinababayaan,” pahayag ng ina.
“Wala po ‘yun, ‘nay. Kulang pa po ang lahat ng ito dahil hindi niyo rin naman ako pinabayaan. H’wag tayong mawalan ng pag-asa, ‘nay, kasi may awa ang Diyos,” sambit ni Betchay.
Kinabukasan, dahil kailangan pa rin ng mag-ina ng panggastos sa oispitak ay sinubukan na naman ni Betchay na manghiram sa kaniyang Tiya Lumen ngunit puro masasakit na salita lamang ang narinig niya mula dito.
“Sinabi ko na sa’yo! Wala akong ipapautang! Ayaw mo pa kasing sukuan ang nanay mo! Wala na rin namang pag-asa!” saad ni Lumeng sa pamangkin.
“Kaunting tulong lang naman po, tiya. Nagbabakasakali lang ako dahil wala na talaga akong malapitan,” muling sambit ni Betchay.
Muli ay bigo na naman siyang makahanap ng pera.
Ngunit pagbalik niya sa ospital ay laking pagtataka niya nang isinasagawa na sa kaniyang ina ang mga kailangang gawin. Nang itanong niya sa mga nars ay laking gulat din niya nang sabihing bayad na raw ang lahat ng kanilang kailangang bayaran sa ospital.
“Isang lalaki po ang nagbayad ng lahat ng kailangan niyo. May pinapasabi po siya, sabihin ko raw po sa inyo na maraming salamat sa singkwenta pesos na ibinigay niyo sa kaniya. At pasensiya na raw kung nagsinungaling siya na narito ang kaniyanga asawa at kailangan niya ng pera,” wika ng nars.
Napag-alaman niya na ang lalaking kaniyang nakabanggaan pala ang nagbayad ng lahat ng kailangan ng kaniyang ina sa ospital. At ang nangyari kay Betchay ay isa lamang parte ng isang pagsubok ng ginoo.
Dahil maibibigay na ang lahat ng kailangang medikal ni Aling Mercy ay patuloy na ang pagbuti ng kalagayan nito. Hindi nagtagal ay tuluyan na itong gumaling.
Samantala, ang kaniyang tiyahing si Lumeng naman ang nabalitaan niyang nagkaroong ng matinding karamdaman. Ngunit ang masakit doon ay nang sabihin ng mga doktor na kaunti na lamang ang tyansa sa paggaling nito ay hindi na nag-abala pa ang kaniyang mga anak na ipagamot siya. Ni hindi nga siya magawa ng mga ito na samahan sa ospital.
Bigla na lang siyang nainggit kay Mercy sa pagmamahal at kabutihan ng kaniyang anak na si Betchay.
Bago siyang mamaalam sa mundo ay labis ang kaniyang paghingi ng tawad sa dalaga at sa ina nito.
Habang tinatamasa naman ng mag-inang Mercy at Betchay ang regalo ng Panginoon sa kanila na magkasama muli at ng mas matagal pa.