Ipinagpalit ng Babae ang Marangyang Pamumuhay Para sa Lalaking Iniibig; Tama kaya ang Naging Desisyon Niya?
Magmula ng magdalaga si Anna ay palagi nang ipinapaalala sa kaniya ng mga magulang na ayaw nilang mapunta siya sa isang ordinaryong lalaki at dapat ay pumili siya ng mayamang mapapangasawa.
“Yung anak ng kumpare kong si Arnold, mayaman ang pamilya nila, siguradong hindi ka maghihirap doon, Anna.” wika ng kaniyang ama.
“Pa, bata pa naman ako, pwedeng huwag muna nating pag-usapan iyan?” sagot niya.
Bagaman sinubukan niyang kilalanin ang mga binatang ipinapakilala ng mga magulang ay wala naman siyang maibigan sa mga ito. Marami sa mga ito ay hambog at nakapawalang modo.
“Alam mo Anna, yung mga kagaya nating mayayaman, hindi dapat nakikihalubilo sa mga dukha. Hindi bagay satin.” wika ng isa sa mga lalaki.
“Ah ganun ba yun? Hindi naman kasi ako bumabase sa estado ng buhay kundi sa kabutihang loob.” sagot niya.
Sa kaniyang pagtatapos sa kolehiyo ay mas pinili ni Anna ang magtrabaho sa ibang kompanya upang subukin ang kaniyang galing nang hindi pinapakealaman ng mga magulang. Doon nga ay nakilala niya ang empleyadong si Daniel.
“Hi Anna good morning.” bati nito sa kaniya.
“Hi Daniel, kamusta? Balita ko ay may sakit ka kahapon kaya hindi ka nakapasok.” Sagot niya.
Di nagtagal ay naging malapit na magkaibigan ang dalawa, at tuluyan ng nahulog ang loob ni Anna kay Daniel.
“Anna, hatid na kita ng motor ko, mas mabilis kang makakauwi.” paanyaya ng lalaki.
“Naku hindi pa ako nakakasakay ng motor, sige mukhang masaya iyan.” wika niya.
Niligawan na nga siya ni Daniel at dahil sa kabutihang loob nito ay madaling napasagot si Anna. Bagay na sobrang ikinagalit ng kaniyang mga magulang.
“Sinabihan kita Anna! Ayoko sa lalaking iyan! Ni hindi nga ata yan makakabili ng isang magarang sasakyan.” galit na wika ng kaniyang ama.
“Hindi ko naman poi yon kailangan pa, nagmamahalan kami ni Daniel, mabuti siyang tao at yun ang mahalaga para sa akin.”
“Hindi ka makakatanggap ng kahit na singkong pamana mula sa akin oras na ituloy moa ng relasyon na iyan!”
Hindi nabahala si Anna sa pagbabanta ng ama, ni minsan ay hindi naman siya naging ganid sa salapi. Kaya rin naman niyang buhayin ang sarili ng hindi umaasa sa kanilang yaman kaya’t nagpasiya siyang lumyas at umupa ng maliit na apartment.
“Napakatigas ng ulo mo, huwag na huwag kang babalik dito kapag naubusan ka ng pera Anna, wala kang utang na loob.” wika ng kaniyang ina habang siya ay nagiimpake.
“Hindi niyo man lang inisip ang kaligayahan ko ma, buong buhay ko ay sinunod ko naman kayo, ngayon lang ako gumawa ng desisyon para sa sarili ko.” lumuluhang sagot niya.
Sobrang pag-aalala naman ni Daniel para sa kasintahan. Alam niyang hindi ito sanay sa mamuhay mag-isa at malaking pagsubok ang kakaharapin nito ngayon dahil sa kanilang relasyon. Kaya upang matulungan ang nobya ay niyaya niya na itong magpakasal.
“Anna, alam mong mahal na mahal kita, kung nanaisin mo ay magpakasal na tayo, hindi ko maipapangako ang marangyang buhay na ibinigay sayo ng mga magulang mo, pero sisikapin kong paligayahin ka sa paraang makakaya ko.”
“Daniel, mahal na mahal din kita, kahit saang simbahan ay sasama ako sa iyo, kahit sa isang maliit na barong barong lang tayo tumira ay ayos na sa akin.”
Nagpakasal nga ang dalawa kahit labis itong tinutulan ng kaniyag mga magulang, isang maliit na salo-salo kasama ang malapit nilang mga kaibigan at pamilya ang dumalo dito maliban sa ama at ina ni Anna.
“Balang araw ay mapapatawad ka rin nila iha. Kakausapin ko ang papa mo para sa iyo.” wika ng kaniyang tiyahin.
“Salamat po tita, sana nga lang ay nandito sila.”
Makalipas ang isang taon ay nanganak si Anna ng lalaking supling. Laking gulat lamang niya nang biglang dumating ang kaniyang mga magulang sa ospital. Nang makita ng mga ito ang kanilang apo ay tila lumambot ang kanilang puso.
“Napakagwapo ng apo ko, manang-mana kay lolo.” wika ng kaniyang ama.
“Ma, pa.” ang tanging nabigkas ng umiiyak na si Anna.
“Okay na anak, kung dito ka masaya ay susuportahan ka naming, huwag ko lang talaga malaman na pinabayaan ka ng asawa mo at ako mismo ang babawi sa iyo.” wika ng kaniyang ina.
“Makakaasa po kayo na aalagaan ko silang mag-ina.” sabat ni Daniel.
Doon ay nagkapatawaran ang kanilang pamilya. Tuwing may okasyon ay dinadalaw nila ang mga matanda sa kanilang mansion, palagi silang nasasabik na makapiling ang kanilang apo.
Sa paglipas ng panahon ay tinanggap ng kaniyang mga magulang si Daniel dahil nakita nila ang malinis na hangarin nito para kay Anna. Naging maligaya at puno ng pagmamahalan ang kanilang pamilya sa kabila ng mga pagsubok na kanilang pinagdaanan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!