Inday TrendingInday Trending
Sinagot ng Anak ang Kaniyang Ina nang Pabalang; Hindi Niya Akalaing Iyon ang Magiging Mitsa ng Buhay Nito!

Sinagot ng Anak ang Kaniyang Ina nang Pabalang; Hindi Niya Akalaing Iyon ang Magiging Mitsa ng Buhay Nito!

“Hoy, Lito! Alam mo ba kung anong oras na? Alas-onse na ng tanghali pero nakahilata ka pa rin! Tirik na tirik na ang araw sa labas pero hanggang ngayon, naglalaway ka pa rin diyan sa higaan mo?”

Dinig na dinig sa labas ng kanilang bahay ang ingay ng pagbubunganga ni Aling Karol sa kaniyang nag-iisang anak na si Lito. Ganoon pa man ay ipinagkikibit-balikat na lamang iyon ng kanilang mga kapitbahay dahil sanay na ang mga ito sa ganoong kaganapan sa pagitan ng mag-ina sa halos araw-araw na lang.

“Nakatapos na ako sa paglalaba, nakapaghugas na rin ako ng pinggan, nakapamalengke’t nakapaglinis ng buong bahay at bakuran, pero ikaw, nariyan pa rin sa higaan mo’t nananaginip?! ’Yan ang napapala mo sa kapupuyat mo sa pagse-cellphone gabi-gabi dahil sa paglalaro ng mga mobile games na ’yan!” patuloy pang hiyaw ni Aling Karol sa anak na noon ay nakapagpabangon na rin sa wakas sa labing apat na taong gulang na binatilyong si Lito.

“Nanay, ano ba? Ang aga-aga, ang ingay na naman ng bunganga n’yo,” kakamot-kamot sa ulong ani Lito sa ina. Gulo-gulo pa ang kaniyang buhok at halatang patang-pata ang katawan dahil nga sa matinding puyat. Ilang araw na rin kasing madaling araw na kung siya ay matulog.

“At bakit hindi ako magbubunganga? Tingnan mo nga itong hitsura ng kuwarto mo! Ni hindi mo nga malinis ito, e! Diyos ko, Lito! Paano na lang kung mawala na ako rito sa mundo? Baka mamaho ka’t maging palaboy na lamang diyan sa kalye! Hindi ko na alam ang gagawin ko sa ’yong bata ka. Manang-mana ka sa ama mo noong kabataan niya!”

Sa sinabing iyon ng ina ay tila napikon na nang todo ang bagong gising na si Lito. Ayaw na ayaw niya kasi na ikinokompara siya ng mga tao sa kaniyang amang nang-iwan sa kanila ng kaniyang ina. Malaki ang galit ni Lito sa sariling ama, kaya naman hindi na niya napigilang lingunin at pukulan nang masamang tingin ang kaniyang ina.

“P’wede ba, nanay? Napakaingay ninyo, e! Wala na kayong ibang ginawa kundi ang magbunganga! Nakakasawa na kayo! Siguro, kaya rin tayo iniwan ng magaling kong tatay dahil diyan sa bunganga n’yo, e!” galit at pabalang na pananagot ni Lito sa kaniyang ina na agad namang nabigla sa kaniyang tinuran. Bigla itong natulala habang si Lito ay parang wala lang na dumiretso sa kanilang banyo upang maghilamos.

Biglang nakadama ng pangangapos sa paghinga si Aling Karol. Nasapo niya ang kaniyang dibdib dahil nakadarama rin siya ng matinding pagkirot sa kaliwang bahagi niyon habang unti-unting nagdidilim ang kaniyang paningin. Nang muling bumalik si Lito sa kaniyang kuwarto ay nagulat na lamang siya nang maabutang nakahandusay sa sahig ang kaniyang ina!

“Nanay! Nanay, gising po!” Sinubukan niyang gisingin si Aling Karol ngunit wala iyong epekto. Nagsimulang mag-panic si Lito. Nagsisigaw siya sa abot ng kaniyang makakaya upang manghingi ng tulong habang umiiyak siya’t natataranta. Mabuti na lamang at agad narinig ng ilan nilang kapitbahay ang kaniyang mga pagsigaw kaya naman agad silang dinaluhan ng mga ito at sinamahan siyang isugod ang kaniyang ina sa pinakamalapit na ospital.

Kabadong-kabado si Lito. Alam niya na kasalanan niya kung bakit inatake sa puso ang kaniyang ina. Hindi niya gustong ito pa ang maging mitsa ng buhay ng kaniyang inang wala namang ibang ginawa kundi ang alagaan siya kahit pa wala na itong katuwang sa buhay. Totoo naman ang lahat ng sinasabi nito tungkol sa kaniya. Tamad siya at sa kaniyang inang si Aling Karol na lamang niya iniaasa ang lahat ng gawain sa bahay, maging ang paglilinis na lang ng kaniyang kwarto. Hindi siya marunong tumulong dito kahit pa nga nakikita na niyang nahihirapan ang kaniyang ina. Laking pagsisisi niya kaya naman matinding pagdarasal ang kaniyang ginawa. Hiling niya, sana ay mabigyan pa siya ng pagkakataong makabawi sa kaniyang ina.

“Doc, kumusta na po ang nanay ko?” Bakas ang takot sa mukha ni Lito habang itinatanong sa doktor ang kalagayan ng kaniyang inang hanggang ngayon ay wala pa ring malay.

“Huwag ka nang mag-alala. Ligtas na sa tiyak na kapahamakan ang nanay mo. Kaunting pahinga pa ang kailangan niya pero magiging okay na rin siya.” Nakahinga nang maluwag si Lito sa tinuran ng doktor at agad siyang kumaripas para yakapin ang kaniyang ina. Ipinangako niya sa sarili na hindi na mauulit ang pangyayaring ito kailan man.

Advertisement