
Pilit na Ipinaglaban ng Magkasintahan ang Kanilang Pagmamahalan sa mga Magulang ng Babae; Ngunit Hindi Inaasahan na Ito Pala ang Kanilang Kakahantungan
“Sabihin mo sa akin, Barbara na hindi totoo ang sinasabi ng Mommy mo!” galit na pahayag ni Don Fausto sa kaniyang anak nang malaman na buntis ito.
Hindi umiimik si Barbara at patuloy lamang ito sa pag-iyak.
“Hindi ko mapapahintulutan na ituloy mo ang dinadala mong iyan! Hindi ko matatanggap ang batang iyan sa ating pamilya!” bulyaw ulit ng ama.
“Pa, nagmamahalan po kami ni Miguel. Hayaan n’yo na po akong sumama sa kaniya!” sambit ng dalaga.
“Hindi ko mapapahintulutan ang kapangahasan na ginawa mong iyan. Ipatatanggal mo ang batang iyan sa ayaw at sa gusto mo at magpapakasal ka kay Juancho!” saad ni Don Fausto.
Kaisa-isang anak si Barbara ng mayamang mag-asawa na sina Don Fausto at Donya Marcela. Dahil nga nakagawian na sa kanilang pamilya ang pagtatakda ng mapapangasawa ng kanilang anak ay ganito rin ang nakatakda para kay Barbara. Sa susunod na taon kasi ay ipakakasal na siya sa anak din ng may-ari ng isang kilalang kumpanya. Ngunit hindi ito ang tunay na mahal ng dalaga.
Ilang taon na ring nag-iibigan sina Barbara at Miguel. Anak ng katiwala sa kanilang hacienda itong si Miguel. Dahil sa layo ng antas ng kanilang buhay ay mariing tinututulan ni Don Fausto ang kanilang pagmamahalan. Ngunit hindi na nakapagpigil pa ang dalawa at tuluyan na ngang nagdalang-tao itong si Barbara.
“Bakit hindi matanggap ni papa si Miguel? Maayos siyang lalaki, ma. Mahal na mahal niya ako at ganoon din ako sa kaniya,” umiiyak na wika ni Barbara.
“Ang nais lang ng papa mo ay kung ano ang makakabuti para sa iyo, anak,” tugon ni Donya Marcela.
“Sa akin nga ba o para sa ikabubuti ng kayamanan natin? Hindi ko gusto ang lahat ng ito, ma. Sana ay ipinanganak na lang ako sa pamilyang ka-lebel ni Miguel para hindi na kami nahihirapan pati nitong magiging anak namin,” pahayag ng dalaga.
“May kaakibat ang karangyaang natatamasa natin. Sa tingin mo ba ay nais ko ring magpakasal sa papa mo noong una? Ngunit pinatunayan niya sa akin na karapat-dapat siya at ikaw ang naging bunga ng aming pagmamahalan,” wika ng ina.
“Magkakaanak na kami, ma. Hindi ko mapapayagan na gawin ang nais ng papa. Buo na po ang pasya ko. Itutuloy ko po ang pagbubuntis ko at sasama na ako kay Miguel,” saad ni Barbara.
Hindi na nga napigilan pa ni Donya Marcela ang anak sa kaniyang nais. Galit na galit naman si Don Fausto nang malaman niya na tuluyan na ngang tinalikuran ni Barbara ang kaniyang pamilya para kay Miguel at sa magiging anak nila.
“Hindi ko alam ang mararamdaman ko, Barbara. Masaya ako dahil kapiling kita. Ngunit ayaw kong ilayo ka sa mga magulang mo. Ayaw kong magalit sila sa’yo. Pero ayoko rin na mawala ang anak natin at mapunta ka sa iba,” wika ni Miguel sa kasintahan.
“Pakakasalan kita. Gagawin ko ang lahat para mabuhay ko kayo ng anak natin. Lahat gagawin ko para mapatunayan sa kanila na hindi mali ang pasya mo na sumama sa akin. Ngunit ngayon pa lamang, Barbara, nanghihingi na ako ng tawad sapagkat hindi ko kayang ibigay sa ngayon ang buhay na nakagisnan mo,” dagdag pa ng binata.
“Wala sa akin iyon, mahal ko. Basta ang gusto ko ay magkasama tayo — tayo ng magiging anak natin,” tugon ni Barbara.
“Pangako ko sa’yo, magsasama at magmamahalan tayo habambuhay,” saad ni Miguel.
Nagpakasal ang dalawa ngunit makalipas ang isang buwan ng pagbubuntis ay hindi inaasahan na malaglag ang dinadala ni Barbara. Lubusang pighati ang kanilang naramdaman sa pagkawala ng anak. Ngunit hindi nawalan ng pag-asa ang dalawa. Nabuhay sila ng puno pa rin ng pagmamahalan kahit na simple lamang ang kanilang pamumuhay.
Pilit na sinusubukan ng mag-asawa na magkaroon muli ng anak. Ngunit ilang taon na ang nakakalipas ay hindi pa rin sila binibiyayaan.
“Baka kailangan mo nang pagpatingin sa doktor, mahal?” sambit ni Miguel.
“Naku, wala ito, mahal. Sumubok lang tayo nang sumubok at maibibigay rin sa atin ang anak na hinihiling natin,” tugon ng misis.
Habang nagsasalita si Barbara ay napansin niya na hawak ng asawa ang kaniyang tagiliran.
“Sumasakit na naman ba ang tagiliran mo? ‘Yan ang dapat mong unahin na ipatingin sa doktor. Hindi ako,” pag-aalala ni Barbara.
“Wala ito. Parang hangin lang. Sanay naman na ako,” wika ni Miguel.
Ngunit ang hindi alam ni Barbara ay madalas na ang pagsakit ng tagiliran ng asawa. At habang tumatagal ay lalo itong sumasakit. May mga pagkjakataon nga na namimilipit siya ngunit hindi na niya ito pinapakita sa kaniyang asawa sapagkat ayaw niyang mag-alala pa ito.
“May naipon ako, mahal. Gamitin mo ito para makapagpatingin ka. Malay mo may ipapainom lang na gamot sa iyo at p’wede na tayong magkaanak,” dagdag pa ni Miguel.
Dahil sa palagiang sakit na nararamdaman ni Miguel ay palihim din siyang nagpatingin sa doktor. Nanlumo siya at halos mapaluhod ng malaman niya ang tunay niyang kalagayan.
“May kans*r ka sa atay, Miguel. Malala na ang iyong kondisyon. Siguro ay may anim na linggo na lamang ang nalalabi sa buhay mo,” saad ng doktor.
“Dok, baka may magagawa pa. Hindi ko kayang iwan ang asawa ko! Dok, tulungan niyo naman ako!” pagsusumamo ni Miguel.
“Gagasta ka lang at mapapahirapan lamang ang katawan mo, Miguel. May mga ibibigay ako sa iyo para lamang mapabagal ang paglala ng kans*r mo. Pero hindi ito ang magiging lunas. Patawarin mo ako ngunit ito na lang ang magagawa ko,” sambit pa ng doktor.
Nanlulumong umuwi si Miguel sa kanilang bahay. Nagdadalawang-isip siya kung sasabihin pa niya sa kaniyang asawa. Ngunit naisip niyang karapatan ito ni Barbara.
Nadatnan niya ang asawa na nasa silid at walang habas ang pag-iyak.
“Anong nangyari, mahal?” natatarantang tanong ni Miguel.
Napayakap na lamang ang misis sa kaniyang asawa.
“Patawad, mahal. Pero hindi ko na matutupad ang ating pangako sa isa’t isa,” walang tigil sa pag-iyak si Barbara.
“Galing ako sa doktor kanina. At nakuha ko na ang resulta, Mahal, malubha na ang kans*r ko sa matres. Kumakalat na raw ito sa ibang bahagi ng katawan ko. Maaring dalawang buwan na lamang ang itatagal ko. Natatakot ako, mahal. Pero mas nalulungkot ako sapagkat hindi na tayo magkakasama pa nang matagal. Patawad!” pagtangis ng may-bahay.
Umagos na ang luha ni Miguel dahil sa kaniyang narinig. Hindi na niya nagawa pang sabihin sa asawa ang kaniyang kalagayan. Hindi niya akalain na sa ganito pala hahantong ang kanilang pagmamahalan.
Ginawa lahat ni Miguel upang maipagamot pa si Barbara. Hindi siya sumuko sapagkat alam niyang kaya pang isalba ang buhay ng kaniyang asawa. Hindi siya umalis sa tabi nito at siya ang mismong nag-aalaga sa kabila ng sarili niyang kundisyon.
Hindi nagtagal ay nalaman ng mga magulang ni Barbara ang nangyari sa kanilang anak hanggang sa nagpaabot sila ng tulong upang gawin lahat ng mga doktor ang kailangang gawin para lamang gumaling ang kaisa-isang anak.
Ilang linggo ang nakalipas, unti-unti na ring nanghina si Miguel. Hindi na rin nagtagal at tuluyan na siyang binawian ng buhay. Nagulat ang lahat nang malaman na may iniinda rin pa lang sakit si Miguel. Sa huling sandali ay pinatunayan niya sa mga magulang ni Barbara na gagawin niya ang lahat para sa minamahal kahit pa kapalit nito ay mapabayaan niya ang sarili.
Pilit mang nilalaban ng mga magulang ang buhay ni Barbara ngunit sumuko na rin ito. Lalo pa at wala na ang kaisa-isang dahilan para siya ay mabuhay. Wala ring nagawa ang kayamanan ng pamilya ni Barbara para sa kaniyang kalagayan. Dalawang araw makalipas ang pagkawala ni Miguel ay sumunod na rin si Barbara.
Sa kabilang buhay ay tinupad ng dalawa ang kanilang pangako na walang wakas ang kanilang pagmamahalan.

Inis ang Binata sa Magbibinatog na Kinasakasama ng Ina dahil Madalas ito sa Kaniyang Silid; Nang Malaman Niya ang Dahilan ay Naantig ang Kaniyang Kalooban
