Inday TrendingInday Trending
Paulit-ulit na Pinatawad ng Isang Ginang ang Asawang Lulong sa Sugal; Nang Hindi pa rin Ito Tumigil ay Karma na ang Gumanti para sa Kaniya

Paulit-ulit na Pinatawad ng Isang Ginang ang Asawang Lulong sa Sugal; Nang Hindi pa rin Ito Tumigil ay Karma na ang Gumanti para sa Kaniya

“Bilisan mo nga maglakad d’yan, Bornok! Baka mamaya ay mauna na ang nanay mo sa bahay!” sigaw ni Mang Nestor sa kaniyang anak habang nagmamadaling umuwi.

“Sandali naman po, tatay. Napakabilis n’yo naman pong lumakad,” pagrereklamo ng limang taong si Bornok na halos makaladkad na ng ama sa pagmamadali.

Nangangamuhan lamang si Mang Nestor bilang isang magsasaka sa isang palayan habang ang kaniyang asawang si Teresa ay isang guro sa isang pampublikong paaralan. Nag-iisa ang kanilang anak na si Bornok. Dahil hindi pa nag-aaral si Bornok ay madalas itong maiwan sa pangangalaga ng kaniyang ama lalo na at wala itong tanggap na trabaho sa pagsasaka.

Madalas ay sa sugalan matatagpuan si Mang Nestor karay-karay ang kaniyang anak. Alam ni Bornok na mali ang ginagawa ng kaniyang ama. Ngunit sa takot na baka mag-away muli ang kaniyang mga magulang at mauwi ito sa hiwalayan ay minabuti na lamang niyang itikom ang kaniyang bibig.

Pag-alis ni Teresa patungo sa eskwela ay nagtutungo na rin ang mag-ama sa sugalan.

“Kasama mo na naman ang anak mo, Nestor. Nakasaing ka na ba? Baka mamaya ay pagalitan ka ng asawa mo!” natatawang kantiyaw ng isang lalaki sa sugalan.

“Walang mag-aalaga. Saka hindi naman magulo itong si Bornok. Mabait na bata ‘yan. Hindi niya sinasabi sa nanay niya na nagpupunta kami dito dahil alam niyang mag-aaway kami. Hindi ba, anak?” saad ni Mang Nestor.

Tumango lamang ang bata.

Mag-aalas kwatro na at malapit nang umuwi si Teresa kaya kahit natatalo ay agad tumayo si Nestor at inaya ang anak na umuwi.

“Tay, hindi po ba kayo titigil sa pagsusugal? Bukod kasi sa mali ang magsugal ay nagsisinungaling pa kayo kay nanay. Saka, inuubos n’yo ang pera natin. Lagi naman kayong natatalo!” sambit ni Bornok sa ama.

“Matatalo talaga ako. Hindi ako mapakali sa oras, e. Hindi pa nag-iinit ang puwetan ko ay kailangan ko nang tumayo sa sugalan. Hindi pa ako nakakabawi!” giit ng ginoo.

“Tigil n’yo na po ang pagsusugal. ‘Tay. Baka mamaya po ay mahuli kayo ni nanay. Parehas po tayong malalagot. Saka baka mamaya ay maghiwalay na kayo nang tuluyan,” saad ng bata.

Ngunit kahit ano atang pakiusap ng anak ay hindi na magbabago ang kaniyang ama. Ilang beses na rin naman itong nahuli ng kaniyang ina at tinakot na kung uulitin pa ang magsugal ay tuluyan na nila siyang iiwan. Hindi man lamang nasindak si Mang Nestor. Nakaisip pa siya ng paraan para itago ito sa asawa at ginagamit pa ang anak para magsinungaling.

Ngunit hindi lahat ng sikreto ay maitatago habang buhay. Isang araw ay maagang umuwi si Teresa mula sa paaralan at hindi niya nadatnan ang kaniyang mag-ama sa bahay. Agad siyang pumunta sa palayan ngunit walang tanggap na pagsasaka raw si Nestor. Pilit niyang hinanap sa mga kapitbahay hanggang sa isang menor sa sugalan ang nakapagturo sa mag-ama.

Dali-daling nagpunta si Teresa sa sugalan at doon nga ay nakita niya ang asawa na tutok na tutok sa kaniyang mga baraha habang ang kaniyang anak ay nakaupo lamang sa isang sulok at tila inaantok na.

“Walanghiya ka talaga! Isinama mo pa ang anak mo dito sa sugalan!” galit na sambit ni Teresa sa asawa.

“Pinatira lang sa akin ito ni Pareng Mando,” giit ni Mang Nestor.

“Tigilan mo ako, Nestor. Alam ko na ang lahat. May nakapagsabi sa akin ng gawain mo. Napakahayop mo, talagang binilog mo ba ang ulo ng anak mo para d’yan sa kalokohan mo!” sigaw ng maybahay niya.

“Simula ngayon, Nestor, wala ka nang pamilya! Aalis na kami ng anak mo! Bahala ka na sa buhay mo!” dagdag pa ng ginang.

Tuluyan na ngang iniwan ng mag-ina si Mang Nestor. Hindi na mapakali si Mang Nestor na ilang araw nang wala ang mag-ina niya sa bahay kaya humingi siya ng tulong sa mga kapatid ni Teresa. Ipinaabot niya ang kaniyang pagsisisi at paghingi ng tawad. Pinuntahan niya ang kaniyang mag-ina at dahil hindi matiis ni Teresa na hindi makapiling ni Bornok ang ama ay napilitan na rin siyang sumama pauwi sa pangakong hindi na ito muli pang magsusugal.

Isang linggong tumupad sa pangako si Mang Nestor. Ngunit pagkatapos noon ay balik na naman siya sa kaniyang pagsusugal. Muling nagalit si Aling Teresa at nilisan ang kanilang bahay tangay ang anak nila. Sa pagkakataong ito ay si Bornok na ang nakiusap sa ina na bigyan pa ng isang pagkakataon ang kaniyang ama.

“Huli na ito, anak. Hindi ko na talaga kaya pa ang pagpapaikot ng ama mo sa akin. Sana ay maunawaan mo ako,” sambit ng ina.

“Nestor, sana ay tumupad ka na sa pangako mo. Maawa ka sa anak mo! Kahit hindi na ako ang isipin mo!” pahayag ni Teresa.

Sa umpisa ay tila maamong tupa na sumusunod si Nestor ngunit nang tumagal ay balik na naman siya sa kaniyang nakasanayan.

“Tatay, nangako na po kayo kay nanay, ‘di ba? Magagalit na naman po siya sa inyo,” wika ni Bornok.

“Hindi naman niya malalaman kung walang magsasabi saka uuwi tayo agad. Ilang laro lang, anak. Kailangan ko lang mabawi ang talo ko kahapon. Pangako uuwi tayo kaagad,” giit ng ama.

Makalipas ang ilang laro ay hindi pa rin sila umuuwi at lalong natatalo pa si Mang Nestor. Nang huling laban na ay kita ang saya sa mata ng ginoo. Sa pagkakataong ito ay alam niyang mababawi na niya ang lahat ng natalo sa kaniya. Sa sobrang pagkasabik niya sa ganda ng kaniyang baraha ay bigla na lamang siyang inatake sa puso at na-stroke.

Nagkagulo sa sugalan dahil sa nangyari. Nakita na lamang ni Mang Nestor ang kaniyang sarili sa ospital.

“Mabuti na lamang at nadala ka kaagad dito,” bungad ni Teresa sa asawa.

“Hindi ko alam ang sasabihin ko sa’yo, Nestor. Siguro ay sa tigas ng ulo mo’y ito na ang ginanti sa iyo ng pagkakataon. Ngayon ay tiyak na mapipirmi ka na sa bahay at hindi ka na makakapagsugal. Kinalulungkot ko lamang ay kailangan pang humantong sa ganito para magtanda ka,” saad pa niya.

“Paglabas mo sa ospital ay idederetso ka na namin sa bahay ng kapatid mo. Sila na ang mag-aalaga sa iyo. Kami naman ng anak mo ay uuwi na sa mga magulang ko. Hindi ko na makakayanan pa na makisama sa iyo, Nestor. Binigyan kita ng maraming pagkakataon. Sana ay pinahalagahan mo iyon,” pagtatapos ng ginang.

Lubusan ang pagsisisi ni Mang Nestor dahil sa kaniyang nagawa. Dahil sa pagkalulong niya sa sugal ay masaklap ang nangyari sa kaniya. Hindi na nga siya makakilos ay wala pa ang kaniyang mag-ina sa kaniyang tabi upang siya ay kalingain. Kung maibabalik lamang ni Mang Nestor ang lahat ay magiging tapat na lang siya sa asawa at hindi na magsusugal kailanman.

Advertisement