Binigyan ng Lalaki ang Marusing na Matanda ng Tinapay at Tsinelas; Hindi Siya Makapaniwala sa Ipinambayad Nito

Napabuga ng hangin si Ramil nang sa wakas ay makaupo siya sa bus. Halos isang oras na rin kasi siyang nakatayo sa bus bago nagkaroon ng tiyansang umupo.

Sanay na sanay na sa ganitong karanasan si Ramil dahil magpi-pitong taon na rin siyang biyahero.

Araw-araw niyang sinusuong ang mabigat na trapiko upang makapasok sa trabaho at makauwi sa bahay. 

Isa lamang ito sa mga sakripisyong ginagawa niya bilang ama ng limang taong kambal.

Bagaman pagod na pagod ang katawan sa maghapong pagkakarpintero ay hindi maiwasan ni Ramil na mapangiti nang maalala ang kaniyang mga anak. Ang pinagkukunan niya ng lakas. Nakaidlip si Ramil nang may malaking ngiti sa labi.

“Alabang, Alabang! May bababa ba ng Alabang?”

Ang malakas na sigaw ng kundoktor ang gumising sa diwa ng nakaidlip na si Ramil.

Bahagya pa siyang nag-panic nang akmang aandar nang muli ang bus.

Advertisement

“Boss! Sandali lang ho, may bababa pa!” Malakas na sigaw ni Ramil sa kundoktor.

“Ano ba ‘yan! Pampatagal!” Narinig niya pa ang iritableng salita ng driver bago siya tuluyang makababa ng bus. Ipinagkibit-balikat niya na lamang iyon. 

Nagsimulang maglakad papuntang terminal ng jeep si Ramil.  Muli niyang sinuong ang dami ng tao na pawang namimili sa mga tabi-tabing tiyangge.

Habang naglalakad ay natuon ang kanyang pansin sa isang banig ng tsinelas na ibinebenta ng isang matandang babae.

Ang mapansin ng matanda ang kanyang pagsuyod sa mga paninda nito ay hindi nito pinalampas ang pagkakataon.

“Pogi! Pili ka na!” malakas na sigaw ng babae.

Sa huli ay napabili si Ramil ng tatlong pares ng tsinelas. Dalawang pares para sa kaniyang mga supling at isa para sa kaniyang misis.

“Bakit tatlo lang? Ibili mo na ang sarili mo, at pudpod na pudpod na ang tsinelas mo,” pambubuyo ng matanda.

Advertisement

Mariing napailing si Ramil. “Naku, sa susunod na ho at wala iyan sa budget.”

Saglit pa siyang kinulit ng matanda bago ito tuluyang sumuko.

“Siguradong matutuwa ang mga iyon,” excited niyang wika habang naglalakad patungo sa sakayan ng jeep.

Nang makarating sa terminal ay nanlumo si Ramil nang makitang napakahaba ng pila ng sakayan pauwi sa kanila.

Natapik niya ang noo sa pagkadismaya nang maalalang Sabado nga pala, at marami ang nag-uuwian mula sa Maynila papunta sa kani-kanilang mga probinsiya. 

Nilibang niya ang sarili sa pagmamasid sa mga tao sa terminal na kapwa niya ay naghihintay rin na makauwi sa kani-kanilang mga tahanan. 

Isang matandang babae ang nakapukaw ng kaniyang interes. 

Marusing ito mula ulo hanggang paa. Punit-punit ang damit nito at walang suot na tsinelas. Nakuha nito ang kanyang atensiyon dahil tila iniisa-isa nito ang mga nakapila. Ang isang kamay nito ay nakasahod, tila nanghihingi ng barya, habang ang kabilang kamay nito ay iwinawagayway ang isang papel. 

Advertisement

Nakaramdam siya ng awa dito dahil karamihan ay itinataboy ito palayo bago pa man ito tuluyang makalapit.

May iilan naman na nag-aabot ng barya dito habang hayagang tinatakpan ang kanilang mga ilong na tila nababahuan at nandidiri sa matanda.

Kinapa ni Ramil ang bulsa pang dumukot ng ililimos sa matanda.

Nanlumo siya nang makitang saktong pamasahe na lamang barya na natitira niya sa wallet. Hindi niya naman maaring ibigay dito ang isanlibo na sinweldo niya dahil panggastos iyon ng kanilang pamilya.

Ngunit nagliwanag ang mata ni Ramil nang maalalang mayroon nga pala siyang tinapay na binili bago siya sumakay ng bus.

Agad niyang iniumang ang tinapay sa matanda nang makalapit ito.

“Salamat, hijo,” wika ng matanda sa paos na boses. May pagod na ngiti sa labi nito.

Mas lalo siyang naawa nang mamasdan ito. Madumi ang paa ng matanda, marahil ay sa tagal ng panahon na hindi ito nakapagsuot ng pansapin sa paa.

Advertisement

Hindi nagdalawang-isip si Ramil na ibinigay dito ang tsinelas na sana ay pasalubong niya sa asawa. 

“Sa inyo na ho itong tsinelas, para ho hindi lalong magkasugat-sugat ang paa ninyo,” wika niya bago yumukod at isinuot sa matanda ang bagong bagong pares ng tsinelas.

Tuwang-tuwa naman ang matanda. Tila maiiyak pa ito nang iabot nito sa kaniya ang papel na kanina pa nito hawak-hawak. 

Nakita ni Ramil na lotto ticket pala iyon. Bahagya pa siyang nagtaka nang mapansing malinis at walang gusot ang lotto ticket samantalang madumi ang kamay ng matanda. 

“”Wag na ho, sa inyo na ho ito. Malay niyo ay manalo pa kayo,” biro niya sa matanda habang ibinabalik dito ang lotto ticket. Napansin niya kasi na tinayaan ang numero nang araw na iyon lang. Marahil ay napulot ito ng matanda kung saan.

“Sa iyo ‘yan hijo, ‘yan ang bayad ko sa kabutihang ginawa mo,” maikling wika ng matanda bago ito naglakad palayo sa kaniya. 

Minasdan ni Ramil ang ticket. Natuwa siya nang makita ang mga numerong 4, 17, 7, 21, 12, at 3. Ang mga numero kasing nakalimbag sa ticket ay konektado sa kaarawan nilang mag-asawa at ng kanilang anak.

May ngiti sa labi na isinilid niya ang ticket sa kaniyang wallet. 

Advertisement

Kagaya ng kaniyang inaasahan ay tuwang-tuwa nga ang kaniyang mga tsikiting nang makita nito ang kaniyang pasalubong na tsinelas. 

Naunawaan naman ng kaniyang asawa kung bakit wala siyang naiuwi para dito nang ikwento niya ang karanasan. Sinabi pa nito na baka ganoon din daw ang gawin nito kung nagkapalit sila ng sitwasyon. 

Matapos magsalo sa isang simpleng hapunan ay nag-bonding ang mag-anak hanggang sa magpasyang matulog na dahil magsisimba sila kinabukasan.

Kasalukuyang humihigop ng kape si Ramil nang umagang iyon nang maagaw ang kaniyang atensiyon ng isang balitang babago sa kaniyang buhay.

“Ang winning numbers ng lotto 6/42 kagabi ay… 21, 12, 4, 7, 3 at 17! Tingnan niyo na ho ang mga tinayaan ninyong numero dahil baka kayo na ang nanalo ng tunatanginting na isandaang milyong piso!” masiglang wika ng nagbabalita. 

Tila itinulos si Ramil sa kanyang kinauupuan. Pamilyar kasi ang mga numerong iyon. Tila tuksong sumagi sa isip niya ang mukha ng matandang babaeng nagbigay sa kaniya ng lotto ticket.

Nanlalamig na kinuha ni Ramil ang kaniyang wallet.

Nanlaki ang mata niya nang makumpirmang ang kombinasyon ng numero sa ticket ay katulad ng kombinasyong nasa TV!

Advertisement

Nagsimulang umiyak si Ramil sa natuklasan. Mayaman na sila! Mabibigyan niya na ng magandang buhay ang kanyang pamilya!

“Anong nangyari?” tarantang wika ni Mira sa asawa nang makitang nag-iiiyak ito sa sala.

Sa putol-putol na salita ay ikinuwento niya rito ang magandang balita.

“Diyos ko! Sana ay hindi ito panaginip lang!” Lumuluhang niyakap ni Mira ang asawa.

Bagaman hilam ang mata ng luha ay masuyo niyang tinapkik ang pisngi ng asawa para kumpirmahin dito na hindi panaginip ang biyayang dumating sa buhay nila.

Nang makuha nila ang pera ang napag-usapan ng mag-asawa na hahanapin nila ang matanda upang hatian ito sa pera kanilang napanalunan.

Ngunit nasuyod na nila ang buong Alabang ay hindi na nila muli pang nakita ang babae.

Nang malaman ng kanilang malalapit na kamag anak ang buong istorya ng pagkapanalo nila ay sari-sari ang mga naging ispekulasyon ng mga ito. 

Advertisement

May mga nagsabi na baka raw pumanaw na ang matanda kaya hindi nila ito matagpuan. May mga nagsasabi rin na baka raw hindi ito tao, o ‘di pangkaraniwan. 

Kung ano man ang katotohanan, masayang-masaya si Ramil. Hindi niya inakala na ang simpleng kabutihan niya ay ibabalik sa kaniya nang siksik, liglig, at umaapaw! 

Muli niyang napatunayan na kapag kabutihan ang ipinairal mo, wala kang talo!