Inday TrendingInday Trending
Inis ang Binata sa Magbibinatog na Kinasakasama ng Ina dahil Madalas ito sa Kaniyang Silid; Nang Malaman Niya ang Dahilan ay Naantig ang Kaniyang Kalooban

Inis ang Binata sa Magbibinatog na Kinasakasama ng Ina dahil Madalas ito sa Kaniyang Silid; Nang Malaman Niya ang Dahilan ay Naantig ang Kaniyang Kalooban

“’Nay, ang dami-daming nanliligaw sa inyo, bakit sa isang magbibinatog pa?” usig ni Glen sa ina.

“Mabait si Waldo, anak. Saka anong mali sa pagiging isang magbibinatog? Marangal na trabaho iyon at saka siya ang may pinakamasarap na binatog sa buong Pilipinas!” pagmamalaki ni Aling Carmen.

“Ikaw na lang ang sumama sa kaniya! Dito na lang ako!” saad ng binata.

“Anak, malapit nang i-demolish ang lahat ng kabahayan dito sa may estero. Kahit na iskwater din doon kila Waldo ay ‘di hamak na mas maayos ang kalagayan natin. Saka mas malapit iyon sa paaralan mo kaya sumama ka na!” pagpupumilit ng ina.

Mahigit isang taon pa lamang ang nakakalipas nang mamayapa ang ama ni Glen ay mayroon nang bagong kinakasama ang kaniyang ina. Tutol man ang binata ay wala siyang magawa. Nakikita niya rin na masaya naman ang kaniyang ina sa karelasyon nitong si Mang Waldo, isang magbibinatog.

Nasa huling taon na ng kolehiyo si Glen at malapit na siyang matapos sa pag-aaral. Naisip niya na pagkatapos mismo ng araw ng kaniyang pagtatapos ay agad siyang maghahanap ng trabaho upang makaalis sa puder ng kaniyang ina at amain.

Agad na pinatuloy ni Mang Waldo ang mag-ina sa kaniyang tahanan.

“Ginawan kita ng isang maliit na silid, Glen, nang sa gayon ay may sarili kang espasyo. Sabi kasi ng nanay mo sa akin ay may pagsusulit ka raw na pinaghahandaan,” saad ng ginoo.

Hindi sumagot si Glen bagkus ay tiningnan lamang ang kabuuan ng silid at ibinaba ang kaniyang mga gamit. Nang maramdaman ni Mang Waldo na nais mapag-isa ng binata ay agad itong umalis.

Maaga pa lamang ay sakay na ng kaniyang bisikleta si Mang Waldo para magtinda ng binatog. Lumilibot siya sa mga kabahayan kahit na tirik ang araw. Kapag naman umuulan ay nakikisilong siya ngunit kapag ambon lamang ay tuloy ang kaniyang pagtitinda. Lalo kasi siyang higit na kailangang magbanat ng buto ngayong nasa puder na niya ang mag-ina.

“Anong ginagawa mo rito?” tanong ni Glen sa amain.

“Bumili kasi ako ng bumbilya. Papalitan ko ang ilaw mo rito sa kwarto mo para mas makapag-aral ka. Baka kasi lumabo ang mata mo kung hindi maliwanag ang ilaw mo,” saad ni Mang Waldo.

“Sige, palitan mo na. Tapos, p’wede ka nang umalis dahil kailangan kong mag-aral,” sambit ng binata.

Agad itong ginawa ni Mang Waldo.

Sa tuwinang nakikita ng ginoo si Glen na nag-aaral ay madalas niya itong dalhan ng tubig o ipagtimpla ng gatas. Isang araw ay nakita niya ang binata na nakayuko at tila napapagod.

“Napakarami mong libro dito, Glen. Lahat siguro ito ay nabasa mo na,” sambit ni Mang Waldo.

Napatingin si Glen sa gulat nang marinig ang tinig ng amain.

“Anong ginagawa mo dito?” naiinis na tanong niya kay Mang Waldo.

“Wala naman,” nakangiti nitong tugon. “P’wede ko bang tingnan ang librong ito? Parang maganda kasi,” dagdag pa ng ginoo.

Hindi na umiik muli si Glen. Umupo sa isang sulok malapit sa binata ang amain at binuklat ang libro. Napakunot na lamang ng noo si Glen.

Gabi-gabi ay ganito ang ginagawa ni Mang Waldo. Naroon lamang siya sa silid ng binata. Dahil naiilang si Glen sa ginagawang ito ni Mang Waldo ay kinumpronta niya ang ina.

“Sabihin mo sa kaniya, ‘nay, tigilan na ang pagtambay sa kwarto ko. Kung gusto niyang basahin ang libro ko ay kunin na niya at sa ibang lugar na lang siya magbasa!” naiinis na sambit ni Glen sa ina.

Napatigil si Aling Carmen na tila may nais sabihin ngunit ito lamang ang kaniyang naitugon. “Sige, h’wag kang mag-alala at sasabihan ko siya,” tugon ng ina.

Akala ni Glen ay hindi na tutungo pa sa kaniyang silid si Mang Waldo ngunit kinagabihan ay naroon na naman ito at tangan ang kaniyang libro.

“Huwag mo akong pansinin dito, Glen. Sige, mag-aral ka lang,” saad niya.

Nainis si Waldo sa kaniyang ina sapagkat alam niyang hindi nito kinausap ang kinasakasama.

“Kung akala niya ay makukuha niya ang loob ko sa ginagawa niya ay nagkakamali siya. Kahit anong gawin niya ay hindi niya mapapalitan ang tatay ko!” sambit ni Glen sa ina.

Kinabukasan ay araw na ng pagsusulit ng binata. Maagang inihanda ni Mang Waldo ang kaniyang bisikleta.

“Nasaan ang paninda mong binatog?” saad ni Aling Carmen.

“Ihahatid ko si Glen sa eskwela. Ayoko siyang maglakad. Mas mainam nang iangkas ko siya para hindi siya mapagod at kundisyon ang utak niya pagdating sa pagsusulit,” sambit ng ginoo.

Napilitan si Glen na umangkas kay Mang Waldo. Ayaw din naman niya kasing mahuli sa pagsusulit. Nang matapos ang pagsusulit at nagulat ang binata nang makita niya ang amain sa labas ng eskwelahan.

“Maaga kong naubos ang paninda ko kaya naisipan kong sunduin ka,” wika nito.

Habang binabagtas nila ang daan pauwi ay isang opisyal ng baranggay ang tumawag kay Mang Waldo.

“Waldo, pinuntahan ka namin sa bahay mo upang papirmahan itong papel para makatanggap ka ng ayuda mula sa gobyerno. Ito basahin at lagdaan mo,” sambit ng babae.

“P’wede mo bang basahin sa akin? Hindi kasi ako marunong magbasa. Pero kaya kong isulat ang pangalan ko,” pakiusap ni Mang Waldo sa babae.

Nagulat na lamang si Glen sa kaniyang narinig. Nagulumihanan siya sapagkat gabi-gabing naroon sa silid niya ang amain at nagbabasa ng kaniyang libro tapos ay hindi pala siya marunong magbasa o magsulat.

Pag-uwi sa bahay ay agad niyang tinanong ang kaniyang ina tungkol dito.

“Oo, hindi marunong magbasa at magsulat si Waldo. Pero hindi ko tinitignan ang kakulangan niyang iyon. Mabait siya, anak. Mabuti ang kaniyang kalooban,” pahayag ni Aling Carmen.

“Walang pinag-aralan si Waldo, anak. Kaya ganoon na lamang ang kaligayahan niya sa tuwing nakikita niya ang pagpapahalaga mo sa edukasyon. Kaya siya madalas nasa silid mo ay napapansin daw niya ang pagod mo sa pag-aaral. Kung mayroon daw sasama sa iyo ay maeengganyo ka na ipagpatuloy ang pag-aaral mo. Kaya ito ang kaniyang ginawa,” dagdag pa ng ina.

Naantig ang kalooban ni Glen sa ginawa ng kaniyang amain. Hindi niya akalain na mabuti pala ang hangarin nito. Marahil ay nahihiya rin ito na ipaalam sa binata ang kaniyang kakulangan.

Simula noon ay hindi na pinigilan pa ni Glen ang sarili na mapalapit sa amain. Doon ay natuklasan niya kung bakit ito ang pinili ng kaniyang ina kahit na maraming nag-aalok ng pag-ibig dito. Ito ay dahil sa busilak na puso at tapat na pagmamahal ni Waldo sa kanilang mag-ina.

Advertisement