Inday TrendingInday Trending
Matapos ang Aksidente ay Palagi pa ring Umiiyak ang Babae Kahit Nakaligtas Naman ang Kaniyang Pamilya; Mabubunyag ang Malungkot na Dahilan

Matapos ang Aksidente ay Palagi pa ring Umiiyak ang Babae Kahit Nakaligtas Naman ang Kaniyang Pamilya; Mabubunyag ang Malungkot na Dahilan

Kahit tatlong buwan na ang nakakaraan ay sariwa pa rin sa isip ni Gillian ang nakakatakot na aksidente sa kanilang pamilya. Pauwi na sila noon galing sa Gumaca, Quezon dahil nag-outing silang buong mag-anak pero hindi nila inasahan na nakakakilabot na karanasan pala ang sasalubong sa kanila sa pagbalik nila sa Maynila. Bigla kasing may sumulpot na rumaragasang trak at nabangga ang sinasakyan nilang kotse at nahulog iyon sa malalim na bangin, tapos niyon ay nawalan na siya ng malay at hindi na niya alam ang mga sumunod na nangyari.

Milagrong nakaligtas sila sa aksidente, nagtamo lamang siya at ang bunso niyang kapatid na si Girlie ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan. Ang mama niyang si Isabel ay muntik nang mabalian ng buto sa binti, mabuti na lang at mahusay ang doktor na gumamot dito. Ang daddy naman niya ay nagkaroon lang ng sugat sa ulo pero hindi naman din malala ang lagay, pero pagkatapos ng nangyaring iyon ay tila maraming nagbago lalo na sa mama niya. Palagi na lang itong umiiyak. Sinisisi pa rin nito ang sarili, minsan nga ay nakatulala lang ito sa isang tabi at hindi nakikipag-usap. May mga araw rin na bigla na lang itong magagalit nang walang dahilan. Hindi naman sa lahat ng oras ay dadamayan ito ng daddy niya. Abala rin ito sa trabaho at gabi na umuuwi. Silang dalawa ng kaniyang ina ang naiiwan sa bahay. Kapag sinusumpong ng sobrang kalungkutan ang mama niya ay hinahayaan na lang niya ito at siya na ang nag-aasikaso sa mga gawaing bahay. Siyempre, bata pa ang kapatid niya kaya hindi pa nito kayang tumulong sa kaniya kaya hinahayaan niya na lang itong maglaro sa kwarto nila.

“Mama, pahinga ka na lang po diyan. Ako na lang po ang magluluto ng lunch natin at ako na rin po ang maghuhugas ng mga pinggan. Saka, mama, huwag ka na pong malungkot. Kalimutan niyo na yung nangyari, hindi naman po grabe ‘yung mga sugat namin ni Girlie. Tingnan mo, mama, magaling na mga sugat ko sa braso at binti, yung kay Girlie ay ganoon din. Masigla na nga po siyang naglalaro sa loob ng kwarto. Ang mahalaga po ay ligtas tayong lahat,” sabi niya sa ina.

Sinulyapan lang siya ng mama niya at muli na namang humagulgol ng iyak. Ewan ba niya, kung bakit palagi itong umiiyak samantalang maayos na naman ang lahat. Unti-unti na silang nakakarekober sa dinulot sa kanila ng aksidente. Nakakalakad na rin ang kaniyang ina matapos itong maoperahan sa binti.

“Gillian, ako na ang bahala diyan sa kusina. Ako dapat ang gmagawa ng mga iyan. Magpahinga ka na lang sa kwarto mo. Tatawagin na lang kita pag kakain na ha? Sige na, sundin mo na ang mama,” sabi nito saka hinaplos ang mukha niya.

“Sige po, mama, sasamahan ko muna si Girlie sa loob,” sagot niya.

Dalawa lang silang magkapatid na babae. Siya ay onse anyos at ang kapatid naman niya ay pitong taong gulang. Mahal na mahal niya ito, hindi siya ‘yung tipo ng ate na naiinggit sa kapatid. Mas gusto nga niya na palagi itong kasama at pagkagaling sa eskwela’y binibilhan niya ito ng pasalubong.

“Uy, Girlie tapos ka na bang maglaro? Sabi ni mama, dito na lang muna tayo. Tatawagin na lang niya tayo pag kakain na,” sabi niya sa kapatid.

“Oo, ate, tapos na. Pagod na ako maglaro ng Barbie doll, eh. P-pero kumusta si mama, ate? Umiiyak pa rin ba siya?” anito.

Nalungkot si Gillian, alam din pala ng kapatid niya na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakalimutan ng kanilang ina ang nangyari sa kanila.

“Hindi ko nga maintindihan kung bakit malungkot pa rin siya at umiiyak, eh okey na naman tayo, ‘di ba? Tingnan mo nga itong braso mo, naghihilom na rin ang sugat, o!” sagot niya.

Gaya niya ay nalungkot din si Girlie. Napansin niya na parang iiyak na rin ito.

“Huwag kang iiyak ha? Gagaling din si mama, Girlie. Magbabalik din ang dati niyang saya at sigla,” alo niya rito.

Tumango ito at ngumiti sa kaniya.

“Ayokong umiiyak si mama, ate. Ikaw na bahala sa kaniya ha?” wika nito.

“Oo, naman. Magtutulungan tayong dalawa para maging masaya ulit siya.”

Makalipas ang ilang minuto ay tinawag na siya ng mama niya para mananghalian. May napansin si Gillian sa hapagkainan.

“Mama, bakit po walang friend chicken si Girlie? Paborito rin po niya ito,” sabi niya.

“Ay, oo nga pala, pasensya na. Hayaan mo at magpi-prito ulit ako para sa kaniya,” sabi ng ginang.

“Huwag na po, mama. Mapapagod ka pa, eh. Hati na lang po kami sa fried chicken ko. Hindi ko naman ito mauubos,” tugon niya.

Ganoon talaga siya, lagi rin niyang hinahatian sa pagkain ang kapatid niya kapag sobra sa kaniya. Hindi siya madamot pagdating kay Girlie.

“Thank you, ate,” nakangiting sabi naman nito.

“Nga pala, may pupuntahan tayo bukas ha?” wika ni Isabel.

“Saan po, mama?” tanong ni Gillian.

“Basta.”

Kinabukasan, maagang nagising si Gillian. Napansin niya na wala sa higaan nito si Girlie. Malamang ay nauna itong gumising. Baka sabik sa pupuntahan nila. Paglabas niya sa kwarto ay agad niya itong hinanap.

“Good morning, mama! Si Girlie po maagang gumising, wala sa kama niya!” sabi niya.

“Pupunta tayo kung nasaan siya, anak. Kasama natin ang daddy mo. Naglilinis lang siya ng sasakyan sa labas. Maya maya ay aalis na tayo. Maligo ka na at mag-breakfast ha?” nakangiting wika ng mama niya.

“Ha? Ang daya naman! Bakit po nauna na siya roon? Bakit hindi po natin siya kasabay?” nagtataka niyang tanong.

“Malalaman mo mamaya, anak,” sagot ni Isabel sa anak.

Makalipas ang ilang oras ay narating na nila ang lugar kung naroon ang kapatid niya. Hawak ng mama niya ang kanan niyang kamay, at ang kaliwa naman ay hawak ng papa niya. Ikinagulat niya nang huminto sila.

“Mama, papa, ano pong ibig sabihin nito?”

Bigla na lamang bumuhos ang luha sa mga mata ng mama at papa niya at niyakap siya.

“Anak, alam kong hindi mo pa tanggap. Magiging maayos din ang lahat, narito lang kami ni papa mo ha?” wika ng mama niya.

“Wala na ang kapatid mo, Giliian. Kasama na ni Girlie si Papa Jesus. Hindi siya nakaligtas sa aksidente, anak. Alam kong mahal na mahal mo siya pero kailangan na nating tanggapin na hindi na siya babalik. Magpaalam na tayo sa kaniya. Darating din ang panahon na magkikita-kita ulit tayo,” sabi naman ng papa niya.

Nasa harap nila ang puntod ng kapatid niya.

“W-wala na po ang kapatid ko?” parang natauhan na sabi niya.

“Yes, anak. Tatlong buwan na,” tango ni Isabel.

Napaiyak si Gillian at napayakap na rin siya sa mama at papa niya. Napagtanto niya na ang nakakausap niya ay imahinasyon niya lamang dahil hindi pa niya matanggap na wala na ang bunsong kapatid.

Maya maya ay narinig niya na may bumulong sa tainga niya at ang sabi…

“Bye bye, ate! Love ko kayo nina mama at papa!” sabi ni Girlie.

Saka lamang niya natanggap ang lahat. Nang marinig ang boses na iyon ng kapatid ay nakadama na siya ng kapanatagan.

“Magkikita ulit tayo, Girlie. Hintayin mo kami diyan sa heaven ha?” sagot niya.

Advertisement