Inday TrendingInday Trending
Takot nang Magmahal ang Dalaga Dahil sa Masasakit na Pinagdaanan sa Pag-Ibig; Mahanap Pa Kaya Niya ang Tunay na Nakalaan sa Kaniya?

Takot nang Magmahal ang Dalaga Dahil sa Masasakit na Pinagdaanan sa Pag-Ibig; Mahanap Pa Kaya Niya ang Tunay na Nakalaan sa Kaniya?

Kapag naiisip ni Luisa ang naging karanasan niya sa pag-ibig ay hindi niya mapigilang maluha, dahil ang unang lalaking minahal niya na pinagkatiwalaan niya at ibinigay niya rito ang lahat ngunit parang bula naman itong biglang nawala sa kaniyang buhay.

“Bakit kung sino pa ang minahal ko nang sobra-sobra, siya pa itong…” hindi na niya natapos ang sasabihin sa utak niya dahil napahagulgol na naman siya ng iyak.

Tatlong taon sila ng kasintahan niyang Renald, dati niya itong kaklase sa kolehiyo. Nagtapat ng pag-ibig sa kaniya ang lalaki at dahil may pagtingin din siya rito ay agad niya itong sinagot. Akala niya ay si Renald na ang lalaki para sa kaniya kaya mabilis niyang ibinigay rito ang kaniyang pagkababae.Pero isang araw ay bigla na lang itong nawala at hindi nagpakita. Hindi na rin nito sinasagot at tawag at text niya. Nag-deactivate din ito ng social media account kaya kahit ano ay wala na siyang balita rito.

Dalawang taon din siyang natakot magmahal pero sadyang hindi iyon maiiwasan. May taong dumating sa buhay niya na nagpahayag ulit ng pag-ibig sa kaniya. Nagmahal siyang muli sa katauhan ni Nathan. Nakilala niya ang lalaki sa pinapasukan niyang opisina sa Makati, bagong empleyado ito sa accounting department. Matalino at magaling makisama. Guwapo rin ito kaya ang mga ka-opisina niyang babae ay hulog na hulog sa binata. Nanligaw ito sa kaniya at dahil madaling mahalin si Nathan ay nahulog ang loob niya rito, ngunit ang natutuhan sa unang karanasan ay ayaw na niyang maulit pa, kaya…

“Date lang, ayaw mo pang sumama,” wika ng lalaki.

“S-sana naman maintindihan mo. Pumapayag ako na ligawan mo ako, pero gusto ko’y sa bahay na lang. Hindi ako sanay sa date, eh,” sagot niya.

Palaging ganoon ang isinasagot niya sa binata. Sa tuwing inaaya siya nitong lumabas sila ay hindi siya sumasama. Hanggang sa bigla na lamang itong nagsawa at…

“Para iyon lang ang hinihingi ko sa iyo, pero ayaw mo pa akong pagbigyan. Hindi mo talaga ako mahal. Kung ganyan din lang ay mas lalong ayokong magmahal sa Maria Clarang pinagsawaan na ng iba,” inis nitong sabi sa kaniya.

“N-Nathan…”

“Diyan ka na. Kung gusto mong maging manang habang buhay ay huwag mo akong idamay!” saad pa nito.

Muli, pagluha ang idinulot ng pagmamahal niyang iyon sa ikalawang pagkakataon.

“Diyos ko! Nag-iingat lang naman ako, eh…ayoko nang maulit ang nangyari sa akin noon. Bakit hindi mo maintindihan, Nathan? B-bakit?” bulong niya sa sarili habang humahagulglol.

Nag-resign siya sa trabaho para hindi na muling makita ang lalaki. Kung hindi niya gagawin iyon ay mas lalo lang siyang masasaktan sa bawat araw na magkakasama sila sa opisina. Nag-apply siya sa isang maliit na kumpanya sa Pasig at madali naman siyang natanggap bilang HR assistant. Doon niya nakilala si Oliver, inventory clerk at bagong pasok din sa kumpanya gaya niya. Madali niya itong nakagaanan ng loob dahil mabait at kalog ang lalaki. Makalipas ang ilang buwan ay may nagpaparamdam na naman sa kaniya sa ikatlong pagkakataon, ngayon ay kumakatok na naman sa kaniyang puso ang bagong pag-ibig. Nagtapat sa kaniya ng nararamdaman si Oliver.

“Magtiwala ka sa akin, ‘di lahat ng lalaki ay pare-pareho,” sabi nito.

Pero ayaw na niyang muling mabigo kaya…

“I’m sorry, Oliver…ibaling mo na lang sa iba ang pag-ibig mo,” tugon niya.

Kahit lihim siyang nasasaktan ay pilit niyang sinisikil ang damdamin niya sa binata. Napalapit na kasi siya rito at may puwang na rin ito sa puso niya pero natatakot pa rin siya na muling buksan ang puso sa panibagong pag-ibig.

“Paano kung katulad ka rin nila? Ayoko nang muling masaktan,” bulong niya sa isip.

Ang saloobin niyang iyon ay isinagguni niya sa matalik niyang kaibigan na si Chanda.

“For God sake, Luisa, ang kahapon at ngayon ay huwag mong paghambingin. Huwag mong ikulong ang ang iyong puso sa rehas ng kahapon. Kung nararamdaman mong mahal mo rin siya then talk to him. Sabihin mo ang lahat ng mga insecurities mo, ang iyong nakaraan. Maging matapat ka sa kaniya. Tandaan mo na ang pusong nagmamahal ay laging handang umunawa,” payo nito.

Sa sinabing iyon ng kaibigan ay natauhan si Luisa. Bakit nga ba niya pahihirapan ang sarili niya? Kung may nararamdaman din siya kay Oliver ay huwag niyang tikisin ang sarili at ihayag sa binata ang nilalaman ng kaniyang puso. Ipagtatapat na niya rito ang dahilan kung bakit mailap siya sa pagtanggap ng bagong pag-ibig sa buhay niya. Nang magkita sila…

“Ang totoo niyan ay nagmahal na ako noon at minahal ko talaga siya nang higit pa sa sarili ko. Ibinigay ko ang aking sarili…pero nawala pa rin siya. Hindi man lang nagpaalam sa akin, basta na lamang niya akong iniwan. Matagal kong ininda ang sakit na iyon pero hindi ko naman naiwasan na mahulog ulit sa iba kaya muli akong nagmahal at sa pagkakataong iyon ay iningatan ko na ang aking sarili. Mahigpit ang naging pagkakakapit ko, nasakal siya at kumawala kaya ayun, nagsawa siya at umalis din. Ngayon, muli naman akong tinatalo ng aking puso. Kahit isinigaw ng aking isip na ayaw na niyang masaktan…k-kaya, Oliver…sabihin mo sa akin…paano ba ang magmahal nang tama? ‘Yung kapag ibinigay mo ang iyong puso ay ‘di na siya mawawala?” wika niya kay Oliver, hindi na napigilang mapayakap sa binata habang bigla na lang din kumawala sa mga mata niya ang luhang kanina pa gustong dumaloy.

Niyakap din siya nang mahigpit ni Oliver, naiintindihan nito ang nararamdaman niya.

“L-Luisa…ang puso kapag nagmahal ay hindi humuhusga ng pagkakamali. Lagi itong nakahandang umunawa upang bigyang puwang ang pagpapatawad. Kung paano magmamahal nang tama…pag nagmahal ka at sinunod mo ang dikta ng iyong puso, kailanman ay ‘di ka nagkamali. Nasaktan ka dahil sila ang una mong minahal. Ang pagkakamali nila ay ‘di nila natutuhan kung paano pahalagahan ang pag-ibig mo pero ngayon ay ‘di ka na muling masasaktan dahil batid mo kung paano magmahal nang tama,” tugon sa kaniya ng binata.

At sa sinabing iyon ni Oliver ay wala nawala ang lahat ng takot at pag-aalinlangan ni Luisa. Handa na niyang buksan ulit ang puso niya sa taong higit na karapat-dapat sa kaniyang pagmamahal.

“Oh, Oliver, mahal kita.”

“Mahal na mahal din kita, Luisa.”

Mula noon ay naging masaya na si Luisa sa piling ni Oliver. Sa wakas, nahanap na ng dalaga ang tunay na pag-ibig.

Advertisement