Pilit Itinatago ng Babae ang Malaking Itim na Balat sa Kanyang Mukha; Ito Pala ang Magiging Daan Upang Mahanap Niya ang Tunay na Pag-ibig
Lumaking mahiyain ang batang si Pauline. Mas gugustuhin pa niyang manatili na lamang sa loob ng bahay kaysa makipaglaro sa labas kasama ang ibang mga bata. Natatakot siyang pagtawanan ng mga kalaro dahil sa malaking balat niya sa mukha.
Tanaw niya mula sa kanilang bintana ang mga naglalarong bata sa isang palaruan na malapit sa kanilang bahay. Sa unang pagkakataon ay sinubukan niyang lumabas upang makipaglaro sa mga batang nandoon. Ikinubli niya sa buhok ang malaking balat sa pisngi at naglakad papunta sa palaruan.
Nang makarating sa palaruan ay nakontento na siya at nanatiling nakaupo sa isang duyan. Habang naglalaro ay may isang batang lalaki na may hawak na laruang teddy bear ang lumapit sa kanya.
“Hi!” bati ng batang lalaki sa kanya, “bakit parang ngayon lang kita nakita dito?” tanong nito sa kanya.
“Ngayon lang kasi ako nakapunta dito. Ngayon pa lang ako nakapaglaro sa lugar na ito,” mahinang tugon naman ni Pauline.
“Ah kaya pala. Sayo na lang ito oh,” inaabot ng bata ang teddy bear na kanyang hawak, “para friends na tayo,” at saka ito humagikhik ng tawa.
Nang akmang aabutin na sana ang teddy bear ay biglang humangin ng malakas, dahilan para makita ng lalaki ang balat sa mukha ni Pauline. Nagulat ito at saka napasigaw. Sa takot ng batang lalaki ay nahulog niya ang teddy bear na hawak at saka napatakbo papalayo.
Noong makita ang naging reaksyon ng batang lalaki ay napaluha na lamang si Pauline. Kinuha niya ang teddy at patuloy na umiyak. Kinabukasan ay muling nagtungo ang batang babae sa palaruan, umupo siya sa duyan bitbit ang teddy bear.
Umaasa siyang muling masisilayan ang batang nagbigay sa kanya ng laruan, ngunit hindi na niya muli pa itong nakita sa palaruan. Hanggang sa magdalaga ay naging malaking palaisipan kay Pauline kung sino ang lalaking nagbigay sa kanya ng laruan.
Umaasa pa rin siya na isang araw ay muling makikita ang lalaking nagbigay sa kanya ng laruang teddy bear. Magkasabay niyang iningatan ang laruan at ang mga alaala ng batang lalaki na nagbigay nito sa kanya.
Sa isang coffee shop kung saan siya nagtatrabaho ay nakita niya ang isang scrapbook na naiwan sa isang bangkuan doon. Marahil ay nahulog ito ng may ari at naiwan nang umalis. Binuklat ni Pauline ang scrapbook upang malaman kung sino ang may ari nito.
Pagbuklat niya sa unang pahinga ay nakita niya ang larawan na pamilyar sa kanya, larawan ito ng palaruan na malapit sa kanila. Ipinagpatuloy lamang ni Pauline ang pagbuklat sa scrapbook. Sa ikalawang pahina ay nakita niya ang guhit ng isang babae na may balat sa mukha at may hawak-hawak na teddy bear.
Doon nagbalik sa kanyang alaala ang batang lalaki na nakilala sa palaruan. Sa pagbuklat niya ng bawat pahina ay doon niya mas nakikilala ang gumawa nito. Sa isang pahina ay nakita niya ang makulay na guhit ng isang babae na may hawak ng teddy bear at isang lalaki, at sa baba nito ay nakasulat na pangalang ‘Karl.’
Nang kanya nang buklatin ang huling pahina ay napangiti lamang siya nang makita ang larawan ng isang gwapong lalaki. Kinabukasan habang nasa trabaho ay nakita niya ang lalaki na nasa larawan habang bumibili ng kape.
Agad niyang sinilip ni Pauline ang scrapbook upang makasiguro na ito nga ang may ari. Nang kanyang makumpirma ay agad siyang tumunghay at hinanap ito, subalit nakaalis na ito ng coffee shop.
Bitbit ang scrapbook ay pinili siyang sundan at hanapin ang lalaki. Nang kanyang makita ito ay agad siyang lumapit at nagtanong.
“Sir, sa inyo po ba ang scrapbook na ito?” tanong ni Pauline.
“Oo miss. Akin nga ito. Ako nga pala si Karl, saan mo nga pala ito nakita?” tanong ng lalaki.
“Nakita ko kasi ito sa coffee shop na pinagtatrabahuhan ko. Naiwanan sa isang upuan doon,” sagot ng babae.
Binuklat naman ni Karl ang scrapbook sa harap ni Pauline.
“Ikaw ba ang gumuhit niyan?” tanong ng babae habang nakaturo sa larawan ng babaeng may balat sa mukha.
“Oo. Ako nga ang gumuhit nito,” sagot naman ng lalaki.
Humangin ng malakas noon at napatingin naman ang binata kay Pauline. Napangiti ito ng malaki nang masilayan ang balat sa mukha ng dalaga. Muli namang itinago ng babae sa buhok ang kalahati ng mukha. Ngumiti siya sa binata at itinuro ang laruang teddy bear na nakaguhit sa scrapbook.
“Naalala mo ba yung araw na ibinigay mo sa akin ang laruan na ito?” tanong ng dalaga.
Bahagyang kumunot ang noo ng binata at napaisip, “ah hindi ako ang nagbigay sayo ng laruan,” sagot ng binata.
“I’m sorry. Nagkamali yata ako ng iniisip. Akala ko ikaw ang…” dismayadong saad naman ng babae at hindi na itinuloy pa ang sasabihin, “di bale na lang. Wag mo na lang intindihin ang sasabihin. Aalis na ako,” pagpapaalam naman ni Pauline.
“Sandali lang, miss!” pagpigil sa kanya ng lalaki, “libre ka ba ngayon? Baka pwede kitang maaya na magkape?”
“Pasensya ka na ah? Ibinalik ko lang talaga ang scrapbook, pero may trabaho ako,” malamig na sagot ni Pauline at saka umalis.
Kinabukasan ay nagpunta siya sa palaruan at umupo sa may duyan kung saan siya laging umuupo noon. Habang nasa duyan ay hindi maiwasan ni Pauline ang mapaluha. Pakiramdam niya ay tila pinaglalaruan siya ng kapalaran.
Buong akala niya ay makikilala na niya ang lalaking itinadhana para sa kanya pero nagkamali pala siya. Nang aalis na sana siya ay may napansin siya sa kabilang duyan. Nakita niya ang bagong teddy bear at isang pulang rosas na nakalagay sa isang duyan. Paglingon ni Pauline ay nakita niya si Karl sa kanyang likuran.
“Dito sa palaruan kita unang nakita. Bata pa lamang ako noon ay gusto na kita. Lagi akong nasasabik na pumunta dito noon para masilayan ka. Nakita kita noon na umiiyak habang pinupulot mo ang laruang teddy bear.
“Kumuha ako ng panyo upang ibigay sayo, pero paglingon ko noon ay wala ka na. Pagkatapos noon ay madalang ka ng maglaro dito, pero lagi kitang iniintay. Hanggang sa makatapos ako ng Fine Arts. Hanggang sa makatapos ako ay ikaw ang naging inspirasyon ko sa aking mga iginuguhit na larawan.
“Pinilit kong iguhit ka upang hindi kita makalimutan. Isang bagay ang aking pinanghihinayangan, sana ay nagkaroon din ako ng lakas loob na makipagkilala sa’yo noon. Nakita ko na sobrang mong pinahahalagahan ang taong nagbigay ng laruan say’o.
“Naisip ko kung naging matapang din siguro gaya niya eh baka ako ang unang nakapagbigay sayo ng laruan. Simula noon ay ipinangako ko sa sarili na pag muling nag krus ang landas natin ay hindi ko na palalagpasin ang pagkakataon.
“At hindi pa huli ang lahat. Nagpunta ako dito upang ibigay ang bagong laruan upang pamalit sa luma mong teddy bear noon, at bagong pag-ibig na pamalit sa pag-ibig na iniintay mo noon na hindi mo naman alam kung kailan darating,” saad ng binata.
Nagniningning naman ang mga mata ni Pauline habang pinakikinggan ang mga sinasabi ng binata. Naniniwala siyang malinis ang hangaran sa kanya ng binata. Sa araw na yun ay nagdesisyon ang babae na pakawalan na ang kahapon at harapin ang pag-ibig na inaalay ng lalaki ngayon.
“Matagal na pala akong nag-iintay sa maling tao. Ngayong nandito ka na ay sigurado na ako, handa na akong tanggapin ang bagong pag-ibig na inaalay mo,” malambing na sagot ng dalaga.
Lumapit ang lalaki sa kay Pauline at marahan na hinawi ang buhok mula sa pagkakatakip sa pisngi. Hinalikan niya sa noo at dalaga at saka ito niyakap ng mahigpit.
“Mas maganda ka ‘pag ganito,” nakangiting sambit ng lalaki habang nakatingin sa kabuuan ng mukha ng dalaga.
Magmula ng araw na iyon ay hindi na ikinubli ni Pauline ang balat sa kanyang mukha, dahil ito ang naging palatandaan ni Karl upang muling mahanap ang daan pabalik sa puso ng dalaga.
Napatunayan ni Pauline at ni Karl na ang tunay na katapangan ay pagtanggap at pagharap sa sariling kahinaan. Ngayon ay masaya nang nagsasama ang dalawa. Parati nilang binabalik-balikan ang palaruan kung saan nagsimula ang kanilang pagmamahalan.