Hanggang Ligaw-Tingin Lamang ang Kayang Gawin ng Dalagita; Magawa Kaya Niyang Mabihag ang Puso ng Binatilyong Matagal na Niyang Hinahangaan?
Lakad-takbo ang paghakbang ni Amelia dahil late na late na siya para sa pag-eensayo ng dulang itatanghal ng drama club. So sobrang pagmamadali ng dalagita, pagkaliko niya sa unang baitang ng hagdanan ay hindi na niya nagawa pang ihinto ang pag-usad ng kaniyang mga paa. Hindi niya sinasadyang mabunggo ang isang binatilyo. Ang nag-iisang lalaki na hindi nawawala sa radar ng dalagita saan man ito naroroon. Napasalampak ang babae sa sahig sa lakas ng salpukan nilang dalawa.
“Sorry. Hindi ko sinasadya. Okay ka lang? May masakit ba sa iyo? Gusto mo dalhin na kita sa klinika?” sunud-sunod na tanong ng binatilyo habang tinutulungan niya ang dalagita na tumayo.
Kung sakali mang may iniindang sakit sa katawan si Amelia, napawi ang lahat ng ito nang masilayan ng mga mapupungay niyang mga mata kung sino ang nagmamay-ari ng baritonong boses na kaniyang narinig. Tinangkang magsalita ng dalagita ngunit walang tunog na lumabas sa kaniyang bibig kayang tumango na lamang ito bilang pahiwatig na ayos lamang siya.
“Ilang beses na tayong pinagtatagpo ng tadhana ngunit hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung ano ang pangalan mo. Kung hindi lang ako natatameme sa tuwing nagkikita tayo, siguro kahit papaano baka naging magkaibigan tayo tutal malabong magkagusto ka sa akin na hindi naman kagandahan,” malungkot na bulong ni Amelia sa kaniyang sarili habang tinatanaw ang likod ng binatilyong nagpapatibok ng kaniya puso na naglalakad palayo sa kaniyang kinatatayuan.
Nalalapit na ang pagtatanghal ng dula ni Amelia. Ito ang kauna-unahang dula ng dalagita at gagampanan niya ang karakter ng bidang babae. Nais sana niyang imbitahan sa palabas ang kaniyang crush. Palaging nakahanda sa loob ng kaniyang bulsa ang tiket ng binatilyo. Ilang beses na niya itong nakasalubong sa paaralan ngunit hindi niya ito magawang lapitan. Palagi niya itong dinadayo sa paborito nitong tambayan pero sa tuwing magtatangka siyang lapitan ito ay binabalot ng hiya ang buo niyang katawan.
Dumating ang araw ng pagtatanghal ng dalagita ngunit hanggang sa huling segundo ay nanatiling nakatabi sa loob ng kaniyang bulsa ang tiket na nakalaan para sa binatilyo.
Buong husay na ginampanan ni Amelia ang karakter ng isang bidang babae na may diperensya sa utak at umibig sa lalaking pum*slang sa kaniyang mga magulang. May tatlong katauhan ang babae sa loob ng iisang katawan. Dahil sa makatotohanan at kapanipaniwalang pagganap ng dalagita umani siya ng maraming papuri at malakas na palapak hindi lamang mula sa mga manonood kundi pati sa mga kasamahan niya sa teatro. Sayang nga lang dahil malamang ay hindi nanood ng kanilang dula ang taong pinakaaasam-asam ni Amelia na makasaksi ng kaniyang kahusayan sa pag-arte. Ang alam kasi ng dalagita ay sports ang hilig ng binatilyo.
“Alam mo, Amelia, hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na ang mahiyaing tulad mo ay nagawang gampanan ang isang komplikadong karakter nang walang kahirap-hirap. Pagkalabas na pagkalabas mo ng entablado kita agad ng dalawa kong mata na hindi si Amelia ang nasa aking harapan. Damang-dama ko ang bawat pagbitaw mo ng linya. Hindi ako magtataka kung sakaling sumikat ka balang araw,” buong papuring pahayag ng direktor ng dula.
Hindi lamang ang direktor ang hindi makapaniwala sa kahusayan ng dalagita. Ultimong si Amelia ay hindi makapaniwala na nagawa niyang umarte sa harap ng maraming tao sa kabila ng labis niyang pagiging mahiyain. Isang patunay ng kaniyang kahinaan ay ang hindi niya magawang makipag-usap sa lalaking kaniyang hinahangaan. Laging umaatras ang kaniyang dila. Palaging nangangatog ang kaniyang mga tuhod.
Matapos makapagpalit ng damit si Amelia ay lumabas na siya ng teatro. May ngiti sa kaniyang mga labi bagama’t puno ng panghihinayang ang kaniyang puso. Sa labas ng teatro, isang binatilyo ang tahimik na nakatayo malapit sa pinto. Nang mapansin nitong lumabas na ang taong kaniyang hinihintay ay agad itong tumayo ng tuwid at nilapitan ang dalagita.
“Hi, Amelia. Ang galing mong umarte kanina. Tawagin mo na lang akong Lucas, ang number one fan mo sa buong mundo. Matagal na kitang hinahangaan kaya lang ay hindi ko alam kung paano ako pormal na magpapakilala sa iyo. Hindi ka kasi sumasagot sa tuwing kinakausap kita. Pwede bang ikaw ang maging date ko sa prom natin?” Inilahad ng binatilyo ang tungkos ng mga bulaklak na dala niya para sa dalagita.
Nanatiling nakatayo sa pwesto si Amelia. Hindi siya makapaniwala sa mga nangyayari. Ang binatilyong matagal nang sinusundan ng kaniyang puso ay nasa kaniyang harapan. May dala itong bulaklak at niyaya siyang maging date! Tila isang panaginip lang ang lahat.
“Okay lang kung ayaw mong magsalita. Basta tumango ka lang katulad ng palagi mong ginagawa kapag kinakausap kita,” nagpipigil ng tawang pahayag ni Lucas.
Nagising si Amelia sa inaakala niyang panaginip. Totoong nakatayo sa kaniyang harapan ang binatilyong matagal na niyang hinahangaan. Hinihintay ang kaniyang kasagutan. Ngunit dahil sobrang nahihiya ang dalagita tulad ng dati ay walang lumalabas na tinig mula sa kaniyang mga bibig. Gayunpaman ay sigurado ang kaniyang puso at isipan na ito na ang simula para sa panibagong yugto ng kanilang buhay. Ngayon ay hindi lamang pagtitig ang maaari niyang gawin kay Lucas. Unti-unting lilipas ang kaniyang pagiging mahiyain at uusbong ang pagmamahal nila sa isa’t-isa.
Isang malumanay na tango at matamis na ngiti ang naging sagot ni Amelia kay Lucas na labis namang ikinatuwa ng binatilyo.