“Grabe ho’t isang dekada na ho ngunit sikat na sikat pa rin ang karinderya ninyo Aling Trining!” humahangang sabi ni Jocel sa Ale habang kumakain ng meryenda sa karinederya nito.
“Syempre naman! Ako yata ang pinakamagaling magluto sa buong baranggay no,” mayabang na tugon ng matanda sa kausap.
“Pero da best ho ang lumpia! Naku kay lutong at kaysarap! May gayuma ho ba ito?” pabirong sabat naman ni Junjun na gayundin ay kumakain sa mga oras na iyon.
“Oo nga Aling Trninig, ano nga bang sikreto ng lumpia niyo?” usisa ulit ni Jocel na kilala sa kanilang baranggay bilang pinakamatabil ang dila. Kada may bagong usapan ay ito kaagad ang nangunguna at nakikisawsaw.
“Ano ka hilo? Sikreto iyon ano!” tumatawang sabi ng matanda. Patuloy naman ang pag-usisa dito ni Jocel dahil may bagong sagap itong balita.
“Pero alam niyo ho ba na may bago kayong kakompetensya,” pabulong na sabi ni Jocel.
“Merong bagong bukas na karinderya doon sa kabilang kanto, naku! Balita ko’y masasarap din ang tinda,” sabi pa nito habang nakataas ang kilay na nakatingin sa Ale.
“Aba’y sino? Ang lakas naman ng loob ha. Pero alam mo, kampante naman ako na sa akin pa rin bibili ang mga tao, suki ko na sila eh,” mayabang na sabi ng matandang ale.
May kahanginan talaga si Aling Trining at kilala itong masungit. Pero kapag ang lumpia nito ang pinag-uusapang ay talagang mayabang ito. Hindi nito kailanman pinapapasok ang sinuman sa kusina nito kaya walang nakakaalam sa sikretong sangkap ng lumpia.
Tuwing linggo ang pahingang araw ng karinderya. Karaniwan ay nagkukulong lang ang matanda sa bahay. Nag-asawa na ang kaisa-isa nitong anak kaya mag-isa na lamang itong nakatira doon. Ayaw na ayaw nitong iniistorbo kapag araw ng pahinga.
Nang umagang iyon ay usap-usapan sa baranggay ang kabubukas lang na karinderya sa kabilang kanto. Si Jocel, bilang isang dakilang chismosa ay diretso naman agad kila Aling Trining. Alam niyang hindi ito lumalabas ng bahay ngunit kating-kati na ang dila niyang ikwento ang balita.
Nakailang tawag na siya sa may bakuran ngunit walang sumasagot.
“Aling Trining? Aling Trining? Nandyan ho ba kayo? Pasok na po ako ah?” tuloy-tuloy na sabi ng kate-katerang si Jocel. Pagpasok niya ay nakasarado ang pinto ng bahay, ang bukas lang ay ang pinto papasok sa kusina ng karinderya.
Dahil likas na mausyoso ay doon pumasok si Jocel. Napatalon siya sa gulat dahil may lumabas na malaking daga mula sa nakaawang na pinto.
“Ay susmaryosep!” sabi niya sabay hawak sa dibdib. Sumilip siya sa loob ng kusina at tumindig lahat ang balahibo niya sa nakita.
Nagkalat ang mga kagamitan sa pagluluto na nakasalansan sa isang batya. Dahil nasa lapag lang ay malaya iyong ginagapangan ng sangkaterbang ipis. At may mga daga rin sa lagayan ng asin, toyo, suka, at ang ilan pa nga ay dinidilaan ang mga sandok na gamit sa pagluluto.
Halos di niya pigilang mapasuka ng makita ang lumpiang hindi pa niluluto na nasa lamesa. Nakabalot ito sa plastic ngunit may isang mabait na daga na ngumangatngat sa gilid ng supot. Nanggigitata din ang buong lugar at ang amoy ay nakakasulasok.”
“Diyos ko!” tili ni Jocel at saka nagtatatakbo palabas ng bakuran. Pagkalabas ay sumuka siya sa gilid ng kalye kaya naman nilapitan siya ng mga nakakita.
“Oh anong nangyari sa’yo Jocel?” tanong ng isang kapitbahay.
“Ka-kadiri! Kadiri ang paninda ni Aling Trining! Nakita ko ang kusina niya na pinamamahayan ng mga insekto at saka peste! Ka–” di na nito naituloy ang sasabihin dahil muli itong nabuwal pagka-alala sa nanlilimahid na eksenang nasaksihan. Ang sikretong sangkap pala sa lumpia ni Aling Trining ay walang iba kung hindi kung anu-anong dumi na dala ng mga ipis at daga! Nang pumutok ang balita ay marami ang nandiri at nagalit.
Katulad ng inaasahan, mabilis na kumalat ang balita sa buong baranggay. Meron na palang nagreklamo dati na sumasakit ang tiyan nang kumain ng lumpia ni Aling Trining. Ngunit pinagwalang-bahala ito dahil nga napakasarap ng tinda nito kaya imposibleng iyon ang dahilan noon.
Ngayong nabunyag na ang kalagayan sa loob ng kusina nito, napilitang ipasara ng baranggay ang karinderya pansamantala. Si Aling Trining naman ay noong una ay tumatanggi pa, ngunit bisto ito nang buksan ang kaniyang kusina.
“Akala niyo kung sino kayong malilinis aber! Isang dekada na kayong bumibili sa akin at bakit, nam*tay ba kayo?!” galit na sabi pa ng matanda. Ito na ang mali, ito pa ang matapang.
“Aling Trining, kayo ho ang nasa mali dito. Kaya sana po ay humingi na lamang kayo ng patawad,” pagpapakalma naman dito ng mga tanod na naghatid dito ng kasulatang ipasasara na ang kaniyang karinderya.
Wala nang nagawa pa ang matanda kung hindi isara na ang karinderya. Mabuti na lang at walang nagsampa pa ng reklamo laban dito. Simula noon ay mas naging maingat na ang mga tao sa mga pagkaing binibili nila sa labas.
Lumipas naman ang ilang araw at nagulat ang mga taga-baranggay nang makitang ginigiba ang karinderya ni Aling Trining. Nakatayo ito sa may bakuran habang pinanonood ang mga manggagawa.
Nahihiya man ay hindi matiis ni Jocel ang kuryosidad kaya nilapitan niya ang matanda at tinanong ito.
“Ano ho ang plano niyo at bakit niyo po pinagigiba ang karinderya Aling Trining?”
“Balak kong simulan ulit ang aking negosyo. Pero sa pagkakataong ito, sisikapin kong maging malinis ang lahat nang sa gayon ay hindi na maulit pa ang nangyari,” sabi ng matanda. Humingi ito ng pasensya kay Jocel at sa ilan pang kapitbahay na nabiktima ng kadiri nitong lumpia. Nangako ito na kapag nabuo na muli ang karinderya ay sisiguraduhin niyang masarap pa rin ang nakahain at malinis din.
Nagkapatawaran naman ang magkakapitbahay dahil inunawa nila ang isa’t isa. Tama lang na punain natin ang ginagawa ng iba kung sa tingin natin ay nakasasama ito. Sa kabilang banda, dapat ay matuto tayong tanggapin ang ating mga pagkakamali at ihanda ang sarili na magbago kung ito ay para sa ikauunlad natin.