Inday TrendingInday Trending
Retokada Iyang Babaeng ‘Yan!

Retokada Iyang Babaeng ‘Yan!

“Ganda nga ng katawan patapon naman ang mukha!”

“Angel ang pangalan pero mukhang dem*nyo naman ang mukha. Naku!”

“Hay naku! Huwag tayo dito at baka mahanginan ang mukha natin at mahawa pa tayo sa kapangitan ng isa diyan!”

Ilan lamang ang mga iyan sa mga karaniwang naririnig ni Angel mula elemantarya, high school, kolehiyo, hanggang sa nagtrabaho na siya bilang isang nurse. Pilit naman itong tinitiis ng dalawampu’t apat na taong gulang na dalaga.

Ngunit hindi niya maitatangging nasasaktan pa rin siya sa araw-araw na pangungutya ng mga tao sa paligid niya dahil daw kasi sa kaniyang hindi kaaya-ayang mukha.

“O, narito na pala ang pinakamaganda kong anak!” masayang bati ng ama ni Angel na nag-aayos ng sasakyan sa kanilang garahe.

“Hindi naman totoo iyon. Kung sana nga lang ay maganda talaga ang mukha ko,” pahayag ni Angel sa kaniyang sarili.

Ngunit ngumiti pa rin siya sa kaniyang ama at binati ito ng isang yakap. “Pa naman, eh! Ako lang naman ang anak mong babae, eh!” tugon niya sa kaniyang ama habang yakap-yakap siya nito.

Nagtawanan ang dalawa sa kanilang pag-uusap.

Mayamaya ay lumabas din ang ina ni Angel na galing sa loob ng bahay. “Andiyan ka na pala, anak. Halika at maghapunan na tayo. Tatawag rin ang kuya mo. Kausapin ka daw,” wika nito.

Ganito ang araw-araw na buhay ni Angel. Malungkot kapag siya ay lumalabas ngunit masaya naman kung siya ay nasa bahay kapiling ang kaniyang ama at ina.

Siya ang bunso. Lumaki siya nang mag-isa palagi dahil abala sa car wash na negosyo ang kaniyang ama at ina. Ang kaniyang kuya naman ay nag-OFW. Malaki ang agwat ng edad ng dalawang magkapatid kaya hindi ito madalas makasama ni Angel kahit noong bata pa siya.

Araw-araw ay hindi nagkulang ang kaniyang mga magulang na bigyan siya ng pagmamahal at suporta sa kaniyang mga pangarap kaya talagang nagsikap siya.

Akala niya kapag may narating na siya sa buhay ay makakawala na siya sa mga kutya ng mga tao ngunit nagkamali siya dahil mas dumami pa ang mga nanghuhusga at nandidiri sa kaniya ngayong isa na siyang nurse.

Isang araw habang naglalakad si Angel sa hallway ng ospital na pinagtatrabahuan niya ay nakita niya ang matagal na niyang hinahangaan na si Hans.

Mula pa nung kolehiyo ay magkaklase na sila. Mabait ito kumpara sa lahat ng taong nakilala niya. Maayos itong makitungo sa kaniya at gwapo pa.

Nakatalikod ang binata dahil kausap nito ang mga ka-eskwela nila dati.

“Yayain ko kayang magtanghalian ulit si Hans,” mahinang sambit ni Angel sa kaniyang sarili na noo’y kinikilig-kilig pa.

Nang siya’y papalapit na sa kinaroroonan ng binata ay napatigil siya nang marinig ang usapan ni Hans at ng mga kasama nito.

“Ako? Ako may gusto kay Angel?” biglang tumawa ng malakas si Hans pati na ang mga kasama nito. “Ba’t naman ako magkakagusto sa pangit na ‘yon? Hindi ko nga matagalan ang pagmumukha nung babaeng ‘yon, eh. Hindi ko alam na totoo palang kapag sobrang lala ng itsura ng tao ay mandidiri ka na lang!” dagdag pa ng binata at kasabay nito ang malakas na tawanan ng grupo.

Labis na nasaktan si Angel sa narinig. Ang inaakala niyang natatanging kaibigan niya ay hindi pala totoo sa kaniya. Sinisi niyang muli ang kaniyang sarili at ang kaniyang mukha. Tumakbo siya sa labas ng ospital at nagtungo sa parke sa tapat nito.

“Kung sana maganda ako. Kung sana kaaya-aya man lang ang mukha ko. Kung sana hindi ako pangit!” sabi ni Angel sa sarili. Awang-awa siya sa sarili at sawang-sawa na rin siyang mabuhay araw-araw na pinandidirihan.

Umuwi ang dalaga nung araw na iyon na mabigat ang loob at halos hindi mapatid ang luha. “Wala na atang patutunguhan ang buhay ko. Wala ng tao ang tatanggap pa sa akin,” mahinang wika niya sa sarili.

Nang marating ang kanilang bahay ay sinilip niya muna ang talyer nila sa tabi ng kanilang bahay. Sa ‘di kalayuan ay nakita niya ang grupo ng mga taong nag-uusap.

“Naku! Huwag kayong magpalinis ng sasakyan diyan sa mga ‘yan. Mahahawa lang kayo ng sumpa nila. Iyon anak kasi nilang babae ubod ng pangit!” sabi ng isa.

“Ha? Bakit naman ganoon?” tugon nung isa. “Hindi namin alam. May sabi-sabi na sinumpa daw ang pamilya na ‘yan kasi masasama ang ugali! Kaya ayan. Nagkaganiyan ang mukha nung bunsong anak na babae,” muling sagot ng isa pa.

“Naku! Tama! Tama! Tara na nga at doon na lamang sa kabila tayo magpalinis ng sasakyan at baka malasin pa ang buhay natin dito!” mariing tugon ng mga tao.

Halo-halong sakit at galit ang naramdaman ni Angel nung mga sandaling iyon. Para sa kaniya wala siyang kwentang nilalang at pati pamilya niya ay nadadamay sa pandidiri sa kaniya ng mga tao.

Pilit na nilakasan ni Angel ang kaniyang loob nung pinuntahan niya ang kaniyang mga magulang. Nakita niya ang mga ito na nag-uusap sa kanilang kusina.

“Isara na lang natin ang talyer,” malungkot na sabi ng ama ni Angel. “Pero…” Ayaw sana ng ina ng dalaga ngunit luging-lugi na talaga sila dahil wala ng kostumer ang talyer nila.

“Hindi na natin kaya pang i-maintain ang talyer natin. Kaya iligtas na lamang natin ang sarili natin para may makuha pa tayo sa pagbebenta ng mga kagamitan natin doon,” paliwanag naman ng ama ng dalaga.

Muli na namang nanlumo ang dalaga sa narinig. Hindi na siya tumuloy sa pagbati sa kaniyang mga magulang dahil namomroblema na ang mga ito. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang gawin. Para sa kaniya ay wala nang patutunguhan pa ang buhay niya at nadadamay pa rito ang kaniyang buong pamilya.

“Malas! Malas ka, Angel! Malas ka! Wala kang kwenta!” malakas na sabi ni Angel sa kaniyang sarili.

Tumakbo si Angel palabas ng kanilang bahay at pumunta sa may parke kung saan siya nanggaling. Hindi niya mapigilan ang iyak. Isa na namang araw na walang ibang nangyari kung ‘di kahihiyan at kalungkutan.

Naisip niyang mawala na lamang sa mundo at tuluyang maglaho. Hanggang makita niya ang isang patalastas na tungkol sa pagpaparetoke ng mukha sa isang clinic sa Thailand.

“Murang-mura ito at malapit pa sa bansa,” nasasaisip ng dalaga.

“Ano kaya kung subukan ko?” napailing si Angel sa tinatakbo ng kaniyang utak.

“Tiyak na hindi iyon magugustuhan nina mama at papa,” malungkot na sabi ng dalaga sa sarili.

“Pero masama bang maghangad ng bagong buhay? Isa pa, para rin ito sa pamilya ko. Mabuti nang mawala ako kaysa magdusa sila habang buhay dahil sa pangungutya ng ibang tao dahil sa akin,” katwiran niyang muli.

Muli na namang pumasok sa isip ni Angel ang lahat ng mga nangyari nung araw na iyon pati na ang lahat ng pandidiri at pangungutya sa kaniya ng mga tao. Naisip niyang buhay naman niya ang mababago pati na ang buhay ng mga magulang niya. Dahil dito ay desidido na ang dalaga na magparetoke ngunit naisip niyang ilihim ito sa kaniyang pamilya.

“Ma, pa, mag-a-abroad po ako,” mahinang sabi ni Angel sa hapag-kainan.

“Ha? Ano, anak? Saan ka mag-a-abroad? Anong trabaho naman ‘yan? Nurse ka din ba doon?” sunud-sunod naman na tanong ng kaniyang ama at ina. “Pa, ma, relax lang kayo. Sa Amerika po. May libreng posisyon daw kasi. Mukhang magandang opportunity kaya tinanggap ko,” sagot ni Angel sa kaniyang mga magulang.

“Hay… O siya, sige. Matanda ka na at alam naman naming hindi mo gusto ang buhay mo ngayon kung saan ka nagtatrabaho. Basta, anak, ha, lagi lang kaming nandito at araw-araw kang tatawag sa amin, ha?” paalala naman ng ama.

Masaya sana si Angel dahil pinayagan siya ng kaniyang mga magulang ngunit alam niyang hindi naman talaga siya pupunta sa Amerika para magtrabaho kung hindi sa Thailand upang magpagawa ng kaniyang mukha.

Matapos ang lahat ng kaniyang pag-aasikaso at paghahanda ay dumating na nga ang araw ng kaniyang pag-alis. Yumakap si Angel sa kaniyang ina at ama bago tuluyang umalis.

“Sorry, ma at pa. Patawarin niyo ako sa gagawin ko,” sabi ni Angel sa sarili habang hawak ang suot niyang kwintas na may larawan ng kaniyang buong pamilya na bigay sa kaniya ng kaniyang mga magulang.

Lumipas ang isang taon. Hindi na nagparamdam si Angel sa kaniyang pamilya.

Bumalik si Angel sa Pinas. Upang magkaroon ng bagong pagkakakilanlan ay kailangan niyang talikuran ang lahat kahit na ang pamilya niya. Pinalitan niya ang kaniyang pangalan. Kilala na siya ngayon bilang si Christine. Muli siyang nagtrabaho sa ospital na pinasukan niya noon at nakita ang mga taong nangutya sa kaniya noon pati na si Hans.

“Uy! Grabe! Ang ganda-ganda mo talaga. Ituro mo naman sa akin kung ano ang ginagamit mong sabon pati na mga skin care routines mo.”

“Ako din!”

“Sa akin din, Christine!”

Kaliwa’t kanan ang papuri na natatanggap niya at tuwang-tuwa naman siya doon. Ganoon din ang mga lalaking nagkakandarapa sa kaniyang harapan mapasagot lamang siya at isa na nga rito si Hans na kaagad naman niyang sinagot.

Masaya ang bawat araw ni Christine mula nung siya’y bumalik sa Pilipinas. Akala niya ay magtatagal ito at walang sinuman ang makakakilala sa kaniya bilang si Angel.

Dumating ang araw na ikinagulat ng todo ni Christine. Isang litrato ang naka-post sa social media na naglalaman ng mukha niya noon at ngayon.

Hindi magkamayaw sa kaba ang dalaga. Pumasok siya nung araw na iyon kung saan lahat ng tao ay pinagtitinginan siya. Ang dating mga ngiti at papuri sa kaniya ng mga tao ay nawala na. Tila ba nagbalik siya sa buhay niya bilang si Angel.

Lumakad siya papunta sa locker room ng ospital at doon ay nakita niya si Hans na nakaupo. Hawak nito ang kaniyang cell phone at pagtingin niya ay litrato niya ang tinitignan ng binata.

Pangisi-ngisi ang binata. Palakas ng palakas ang tawa nito at tumingin sa dalaga na kaniyang nobya.

“Ang t*nga ko naman para hindi mapansin. Grabe, noh,” sabi ni Hans kay Angel habang tawang-tawa sa sarili. Pansin din ang pagkagigil nito sa dalaga.

“Ayoko nang makita ka. Kahit anong pilit mo nakakadiri ka pa rin. Pinatunayan mo iyon sa pagiging desperada mong gumanda!” huling sambit ni Hans kay Angel bago ito tuluyang umalis sa silid. Hindi naman nakapagsalita si Angel.

Kumalat na pala ang kaniyang lihim sa buong ospital, na si Christine at si Angel ay iisa. Na isa siyang peke dahil nagpagawa lamang siya ng mukha.

Tumakbo siya nang mabilis habang siya’y umiiyak. Hindi na niya makayanan ang bigat at sakit na nararamdaman. Pumunta ulit siya sa may parke sa harapan ng ospital at doon ay patuloy na umiyak.

Mayamaya pa ay nakaramdam siya ng kamay na tumatapik sa kaniyang likuran. “Ayos lang ‘yan, anak,” mahinahong tinig mula sa isang babae.

Pagkalingon niya ay nakita niyang muli ang kaniyang ama at ina na hindi rin mapatid ang luha. Yinakap niya ang kaniyang mga magulang at silang lahat ay nag-iyakan.

“Patawad po, ma, pa. Patawad po dahil naghangad pa ako ng higit sa mayroon ako. Patawad po dahil tinalikuran ko kayo. Dahil ang akala ko ay iyon ang makabubuti para sa ating lahat. Sorry po, ma, pa,” patuloy na sambit ng dalaga habang humahagulgol ito sa bisig ng kaniyang ama at ina.

Hindi na sana siya umalis pa at naghangad ng magandang mukha kung ang kapalit naman nito ay ang pagtalikod sa mga taong tunay na nagmamahal at tumatanggap sa kaniya.

Napagtanto ni Angel na anuman ang kaniyang itsura kailanman ay hindi iyon naging batayan ng tunay na pagmamahal tulad ng pagmamahal na palaging ipinararamdam sa kaniya ng kaniyang pamilya.

Advertisement