Inday TrendingInday Trending
Ang Batang Bumago ng Aking Mundo

Ang Batang Bumago ng Aking Mundo

“Palimos po, ate. Sige na po pambili lang ng tinapay,” pagmamakaawa ni Nida sa bawat taong dumadaan sa may tapat ng simbahan.

Magtatanghaling-tapat na ay kulang pa ang barya sa kaniyang bulsa. Malas ata siya ngayong araw dahil wala masyadong nag-aabot sa kaniya ng limos.

“Ano ba namang buhay ito, o? Araw-araw ay ganito na lang,” pareklamong sabi ng matandang pilay na si Aling Doring habang nagpapaypay ng sarili.

Katabi ni Nida si Aling Doring sa may gilid ng kalye at sabay silang nanlilimos. Ang drama nila nung hapong iyon ay kunwari’y nanay niya itong may sakit para mas maraming mag-abot sa kanila ng tulong.

“Aling Doring, ‘di ka pa ba sanay? Habang buhay na tayong magkakasama dito sa kalye,” sabi ni Nida habang tinitignan ang babaeng paparating. Mukha itong mayaman kaya nang makalapit ito ay inilahad niya agad ang kaniyang palad at nagsabing, “Maawa na po kayo sa amin ng nanay ko. Pampagamot lang po, ma’am,” sabi niya dito.

“Huwag nga kayong mamerwisyo! Aba, kami’y nagpapakahirap tapos tatanghod lang kayo sa amin. Magtrabaho ka, ineng, at mukhang malakas ka pa naman,” masungit na sabi ng babae at saka siya nilagpasan.

“Napakasungit naman nun,” sabi ni Nida. “Kung ayaw mong magbigay, eh, ‘di huwag!” habol na sigaw niya dito.

Napahagalpak naman ng tawa si Aling Doring na lalo pang ikinainis ng dalawampu’t apat na taong gulang na dalaga.

“Diyos ko po,” sabi ni Aling Doring habang pinapahiran ang mata. “May punto naman siya. Bakit nga ba ‘di ka magtrabaho, Nida? Tutal bata ka pa naman. Hindi tulad kong matanda na’t may kapansanan pa,” sabi pa nito na biglang sumeryoso ang tinig.

“Naku, Aling Doring, ako’y tigil-tigilan mo, ah. Eto tayo kaya dapat ipagmalaki na natin, ‘di ba? O, ayusin niyo na ‘yang puwesto niyo at umarte naman kayong malungkot,” sabi ni Nida dito na halatang iniiba ang usapan.

Labinsiyam na taong gulang si Nida noong lumayas siya sa probinsiya nila para magbakasakali sa Maynila. Elementarya lang ang tinapos niya kaya naman wala rin siyang dinatnan na magandang buhay sa siyudad. Naubos ang kaniyang inipong pera at ayaw na rin niyang bumalik sa kaniyang malupit na madrasta kaya pinili na lang niyang mamalimos sa kalye hanggang makasanayan na niya. Ngayon ay ito na ang buhay niya. Ayos na siya sa pagiging isang kahig isang tuka.

“Hija, bilog ang mundo. Kung magsisikap ka lamang ay malamang mapupunta ka din sa itaas,” makulit na pagpapatuloy ni Aling Doring.

“Ay naku, Aling Doring, ‘di na ho ako naniniwala diyan. Dito sa bansa natin kapag pinanganak kang mahirap mamam*tay ka ring mahirap,” tugon ni Nida.

Eh, talaga naman, eh. ‘Yun ang nakikita niya sa pamilya niya, mga kapitbahay nila, pati na rin kay Aling Doring. Nagsikap naman siya noon na maghanap ng trabaho pero walang tumanggap sa kaniya dahil ‘di siya nakapag-aral.

Hindi na lang kumibo pa ang matandang pilay.

At lumipas nga ang buong maghapong kaunti lang ang nalimos nila. Mahigit singkwenta pesos din ang nalimos niya ngunit nagpasya siyang huwag munang gastusin iyon tutal naman ay hindi pa siya masyadong gutom.

Bitbit ang isang malaking karton ay nagtungo na sina Nida at Aling Doring sa puwesto na kanilang tulugan.

Nagtaka si Nida nang madatnan ang isang batang lalaki na nakaupo sa kaniyang puwesto. “Hoy, bata, alis diyan! Puwesto ko ‘yan!” sabi niya dito.

Tinignan lang siya ng bata at hindi pa rin tumayo sa pagkakasalampak nito sa gilid ng kalye.

“Nasaan ang mga magulang mo? Umuwi ka na at hindi ka puwede dito,” tanong ni Nida sa bata habang nakapameywang pa. Hindi sumasagot ang bata kaya nagsimula siyang mairita.

Mukha namang malinis ang bata. Maayos ang suot na damit at nakasapatos. Siguro ay magtatatlo o apat na taong gulang na ito. Tiyak siyang naligaw lang ito. Siguro ay nabitawan ng magulang.

Umupo si Nida hanggang sa magkapantay na ang mukha nila ng bata. “Bingi ka ba? Alis na diyan sabi. Nasaan ba ang mga magulang mo?” tanong niya dito ngunit hindi man lang ito natinag at ngumiti pa sa kaniya.

“My labs! Sino ‘yang kausap mo?” biglang sabi ng isang boses na ikinagulat ni Nida.

“Hoy, Pido, sabi ko sa’yo huwag mo kong tawagin ng ganoon, ‘di ba? Kadiri ‘to!” sabi ng babae tsaka hinampas sa braso ang lalaki.

“Ay, mukhang jackpot tayo diyan, ah. Ano? Saan mo napulot?” tanong ng payat na lalaki kay Nida. Isa ito sa mga laman din ng kalye na dati pang nanliligaw sa dalaga.

‘Di ito gusto ni Nida dahil puro hithit lang ng rugby at sugal ang inaatupag nito.

“Itong bata, eh! Nawawala yata. Ayaw naman magsalita,” buwisit na paliwanag ni Nida sa lalaki.

“Huwag kang mag-alala, my labs! Alam mo naman na ayaw kong napapagod ka, eh. Pahinga ka na at ako na ang bahala dito,” nakakalokong sabi ni Pido sabay kindat sa babae.

“Hoy! Kung ano man iyang iniisip mo ay huwag mo nang ituloy. Ako na. Baka ano pang gawin mo sa kaniya, eh,” sabi ni Nida at saka hinawakan sa braso ang bata.

Ang totoo ay hindi talaga alam ni Nida ang gagawin sa bata. Gusto niya sanang lumapit sa mga pulis ang kaso ay mayroon pa siyang atraso sa mga ito, eh. Pinaaalis na daw kasi ni mayor ang lahat ng natutulog sa gilid ng kalye. Eh, wala naman silang bahay na malilipatan kaya’t nakukunsumi lang ang mga pulis na paalisin sila gabi-gabi. Kapag nagpatulong siya sa mga ito ay baka mapahamak pa siya.

“Hoy, bata! Nasaan ba kasi ang mga magulang mo, ha? Saan ka ba nakatira?” sunud-sunod na tanong ni Nida sa bata. Kanina pa ito nakahawak sa laylayan ng damit niya. Tumatawa pa minsan pero hindi nagsasalita.

“Hay naku, wala akong ipapakain sa’yo, noh! Sa akin pa nga lang ay kulang na ang kinikita ko, eh, dadagdag ka pa,” patuloy na kausap niya dito.

Hanggang sa may pumasok na isang ideya sa isip niya. “Ano kaya kung iligaw ko na lang ito? Tiyak naman na may tutulong dito,” sabi niya sa isip.

Natuwa si Nida sa naisip kaya’t dinala niya ang bata sa mataong parte ng siyudad. Tuwang-tuwa naman ang bata at nang mawili ito sa isang laruan ay biglang lumayo at nagtago ang babae.

“Ang talino mo talaga, Nida!” sabi niya sa isip.

Ngayon ay makakapagpahinga na siya o ‘di kaya’y bibili na muna siya ng hapunan. Nagutom siya sa kakalakad, eh.

Naglalakad na si Nida sa kabilang direksyon nang marinig niya ang isang malakas na palahaw. Nang lumingon siya pabalik ay nakita niya ang bata na umiiyak ng malakas sa gitna ng kalye. Tinitignan lang ito ng mga tao at nilalagpasan.

“Hindi, Nida. Huwag kang maawa. Hindi iyon nakakain,” pigil ng babae sa kaniyang sarili nang makaramdam siya ng awa sa bata.

Malakas pa rin ang iyak nito kaya’t ‘di ito natiis ni Nida. Tumakbo siya pabalik sa bata at binuhat ito.

“Sssh, tahan na! ‘Tong batang ‘to naman napakaiyakin,” sabi niya habang hinahagod ang likod ng bata na humihikbi-hikbi pa rin. Mahigpit ang yakap nito sa kaniya na para bang alam nito ang binalak niyang gawin.

Tinadyakan si Nida ng kaniyang konsensya at upang tuluyan nang tumahan ang bata ay binili niya ang bolang umiilaw na kinawiwilihan nito kanina.

“Ayan, o! Tignan mo ang ganda,” pang-uuto niya dito. Kinuha ng bata sa kamay ni Nida ang bolang umiilaw at saka ito ngumiti sa babae.

Parang natunaw ang puso ni Nida dahil mukha itong anghel kahit may luha pa sa pilik-mata. Hinawakan niya ito sa kamay at naglakad na.

“Halika na at bibili tayo ng pandesal. Pandesal lang ang kakainin natin kasi pinambili na ng laruan mo. Anak ka ng teteng,” sabi ni Nida sa bata kahit hindi naman talaga masama ang loob niya.

Sa totoo lang ay ngayon lang siya nakaramdam ng ganoon. Ang saya at ang gaan. Ganito ba ang nararamdaman ng mga tao tuwing aabutan siya ng mga ito ng barya? Masarap palang tumulong at magbigay paminsan-minsan.

Pagkatapos paghatian ang pitong pirasong pandesal ay inilatag na ni Nida ang kartong higaan. Mahahalatang antok na antok na ang bata kaya inihiga niya ito sa kaniyang hita. Mabilis naman itong nakatulog dahil siguro sa pagod.

Ngayon niya lang napansin na sobrang amo pala ng mukha nito. Halatang mestizo dahil mamula-mula ang pisngi at matangos ang ilong. Tiyak siya na gwapo ito paglaki. Sana lang ay mahanap na nila ang mga magulang nito para hindi ito matulad sa kaniya.

Kinabukasan ay isinama ni Nida ang bata sa kaniyang pamamalimos dahil wala naman siyang mapag-iiwanan nito. Itinatago niya ang bata sa kaniyang likuran dahil ayaw niyang makita nito ang ginagawa niya at baka gayahin siya nito. Kahit naman namamalimos siya ay alam niyang hindi din talaga tama ang umasa sa hingi.

Nakakagulat lang na ngayon niya lang ito napapagtanto simula nang makilala niya ang batang lalaki.

Pinupunasan ni Nida ng bimpo ang mukha at likod ng bata dahil nanlilimahid na ito sa alikabok at pawis nang may makapa siyang isang bagay sa bulsa nito. Kinuha niya ang isang pirasong papel at binasa ang nakasulat doon.

“John Daniel Alcaraz,” basa niya sa pangalan at may numero ring nakasulat sa ibaba nito. Ito siguro ang pangalan ng bata at ang numero ng mga magulang nito. Hindi malaman ni Nida kung saan nanggagaling ang kurot sa kaniyang puso sa isiping may mga magulang nga pala ang bata.

Nagulat na lang si Nida nang bigla siyang yakapin ng bata. Kahit halos isang araw pa lamang silang magkasama ay nakikita niyang napakalambing nito. Lagi siya nitong niyayapos. Minsan ay sa binti kapag nakatayo siya. Palangiti rin ito at hindi ito malikot. Naglalaro lang ito sa isang tabi at tumatawa pero hindi nagsasalita.

Niyakap rin ni Nida nang mahigpit ang bata at tinapik-tapik sa likod. Alam niya ang dapat niyang gawin. ‘Yun nga lang ay tila ba parang may kirot sa kaniyang puso.

Nang makaipon ng sapat na pera si Nida ay pumunta siya sa kalapit na karinderya upang makitawag sa telepono. Pinindot niya ang mga numero at saka naghintay.

Seryosong nakatingin sa kaniya ang bata at hindi niya mapigilang mapangiti. Nang makita ng bata na nakangiti siya ay napangiti rin ito. Nagsilabasan ang biloy sa magkabilang pisngi ng bata at saka ito yumakap sa kaniyang binti.

Tumikhim si Nida dahil naramdaman niya na parang may bikig sa kaniyang lalamunan at namamasa ang kaniyang mata nang biglang may sumagot sa kabilang linya ng telepono.

“Hello, who’s this?” tanong ng isang babae.

“Ah, hello po, ma’am. Ah, ano… Kayo po ba ang nanay ni John Daniel Alcazar?” tanong ni Nida.

“Diyos ko ang anak ko. Oo! Ako ang mother niya. Sino ito at nasaan kayo ngayon?” natatarantang sabi nito.

“Ah, ako po ‘yung nakapulot sa kaniya. Nandito po kami sa may bandang Baclaran. Kung gusto niyo po ay magkita na lang tayo sa may istasyon ng tren sa may Taft,” sabi ni Nida dito.

Nagpasalamat ang babae sa kaniya na umiiyak pa sa kabilang linya. Nangako itong agad-agad na pupunta kaya’t hintayin lang daw sila.

Pagkababa sa telepono ay kinarga ni Nida ang bata at sumakay ng jeep. Kinandong na lang niya ito para isang pamasahe lang. Nakayakap na naman ito sa kaniya at nakasandal ang ulo sa kaniyang dibdib.

Bumaba sila ng jeep at naghintay sa bukana upang madali silang makita. Nilaro-laro niya muna ang bata upang hindi ito mainip. Panay naman ang hagikgik nito at halatang wiling-wili sa laro nila. Hanggang sa may lumapit na isang magandang babae sa kanila at hinawakan ito sa braso.

“Daniel? Daniel, anak ko!” sabi ng babae sabay yakap sa bata. May kasama itong lalaki na sa tingin ni Nida ay asawa nito. Malamang ito ang mga magulang ni John Daniel. Halata sa mga itsura nito na naka-aangat ang mga ito sa buhay. Nakakotse pa.

“Miss, maraming salamat at tinawagan mo kami. Isang araw na kaming nakikipagtulungan sa mga pulis para mahanap ang anak namin. Maraming salamat talaga sa pagbabalik sa anak ko,” sabi nito at may binunot na sobre sa mamahaling bag nito.

Nang mahulaan ni Nida kung ano ang gagawin ng babae ay mariin siyang tumanggi, “Ay naku, ma’am! Huwag na ho. Hindi naman po ako naghihintay ng kapalit sa pagtulong ko. Napaka-cute at mabait na bata niyang anak niyo. ‘Di naman ho malaking abala. ‘Di ba, John Daniel, noh?” sabi niya sa bata na nakakapit pa rin sa laylayan ng damit niya.

“Hayaan mong magpasalamat ako sa tulong mo sa anak ko. Kung ibang tao ang nakakita sa kaniya ay baka napahamak pa siya kaya tanggapin mo na, okay?” Hindi na nakatanggi pa si Nida nang ilagay ng babae sa palad niya ang puting sobre.

Nagpaalam na ang mag-asawa kay Nida ngunit si John Daniel ay bigla na lang umiyak.

Iyak-tawa rin si Nida kaya’t niyakap niya ng mahigpit ang bata. Napamahal na ito sa kaniya kahit saglit lang silang nagkasama. “Magpapakabait ka, ha. Huwag makulit para hindi ka matulad kay ate. Ayos ba ‘yon?” Pinunasan niya ang luha ng bata at iginiya na ito sa mga magulang na nakangiti lamang sa kanila.

“Mukhang napamahal na agad sa iyo ang bata, ah. Hindi ‘yan madalas lumapit sa mga tao. Meron kasi siyang mild autism at saka delayed din ang pagsasalita. Pero sabi naman ng doctor ay hintayin lang at magsasalita din siya,” sabi ng ina ni John Daniel.

Nagpaalam na si John Daniel at ang mga magulang nito. Kumaway si Nida sa bata. Pagkasakay ng pamilya sa kotse ay sumigaw siya ng “Bye-bye!”

Nagulat silang lahat nang kumaway din ang bata at nagsabi ng, “Bye-bye!” paggaya nito sa sinabi ni Nida.

Hindi maipaliwanag ni Nida ang magkahalong lungkot at saya na nararamdaman. Marami siyang natutunan dahil sa bata. Natutunan niyang magbigay at magbahagi kahit walang-wala siya. Nagkaroon siya ng pag-asa at dahilan para umasa sa isang magandang buhay.

“Grabe,” sa isip-isip ni Nida. Hindi niya akalaing isang bata ang makakapagbaliktad sa takbo ng kaniyang buhay.

Nagpasya si Nida na magsisimula siyang muli gamit ang perang ibinigay ng mga magulang ng bata sa kaniya. Naniniwala na siya na bilog nga ang mundo ngunit kailangan niyang patuloy na magsumikap upang mapunta naman siya sa itaas. Sa pagkakataong ito ay hindi na siya susuko hangga’t hindi siya nagtatagumpay.

Advertisement