Malaking Sakripisyo ang Ginagawa ng Ama Para Mahatiran ng Pagkain sa Eskwela ang Anak, Pero Ito Pa ang Iginanti Nito sa Kanya
Si Mang Berto ay mag-isang tinataguyod ang dalawang anak na sina Lily at Kate. Kahit pa mahirap sila ay hindi iyon naging dahilan upang pabayaan niya ang mga anak.
Kaya kahit pagod at puyat sa panggabing trabaho ay pilit niya pa ring ginagampanan ang responsibilidad ng isang ama.
Isang araw bago pumasok sa eskwela ay nanghingi sa kanya ang mga anak ng baon, binigyan niya ito ng limampiso. Masaya naman itong tinanggap ng bunso. Ngunit ang panganay niya ay nagtanong, “Pa, bakit limampiso lang po binibigay niyong baon sa amin? Mga kaklase ko po, tig-bebente na baon eh.”
Nalungkot ang ama, “Pasensya ka na anak ah, wala pa kasing sapat na sahod ni Papa. Tsaka hahatiran ko naman kayo ng pagkain doon mamayang tanghalian.”
Wala nang nagawa ang bata kundi ang pumasok na lamang sa eskwela. Kasama ng ama, nilalakad lang nila ang malayo-layong eskwelahan.
Sumapit ang tanghali at nakita na agad ni Kate ang amang naglalakad sa ilalim ng tirik na araw dala-dala ang lunchbox nila.
“Kate ayan na naman papa mo! Tagahatid ng lunchbox!” panloloko ng bully niyang classmates.
Kung minsan ay nahihiya na rin siya dahil dito. Kaya naman nang iabot nito sa kanya ang lunchbox ay nakasimangot niyang tinanggihan.
Nawala ang ngiti sa mukha ng ama niya, “Bakit?”
“Ayoko na pong kumain papa!” sigaw ng bata.
“Ha? Pero magugutom ka anak.”
“Huwag na rin po kayong maghahatid ng baon ko dito. Pinagtatawanan lang ako ng classmates ko!”
Bumuntong-hininga si Mang Berto, “Huwag mong isipin ang sinasabi ng iba. Ang importante, yung ‘di kayo magugutom ng kapatid mo.”
Ngunit hindi iyon pinakinggan ni Kate, sa halip ay kinuha sa kamay ng ama ang lunchbox at binasag iyon sa harap nito, “Di bale nang magutom, huwag lang pagtawanan ng iba!”
Doon na nagalit ang ama niya, “Bakit ka nag-aksaya ng pagkain, Kate?!”
Hindi ito umimik at tinalikuran ang ama, “Kate!
Sa pagtakbo ni Kate sa malayo ay nakita niya ang bunsong kapatid sa gilid ng isang classroom, “Bakit mo ginawa kay Papa ‘yun?”
“Wala kang pakialam!”
“Ikaw ang walang pakialam kay Papa!” sigaw nito sa kanya, “Alam mo ba kung bakit tanghali niya pa tayo dinadalhan ng pagkain?”
“Ewan ko ba d’yan kay Papa. Pwede namang umaga natin dalhin lunchbox natin–“
“Kasi wala pa siyang pera sa umaga!” natigilan si Kate sa sinabi ni Lily. “Tanghali niya pa mauubos ang paninda niyang basahan. Kaya dun niya palang tayo maipagluluto ng pagkain. At kahit wala pang tulog si Papa, pilit pa rin siyang naglalakad sa tirik na araw para lang dalhan tayo ng lunch natin, ate.”
Napayuko si Kate, tumakbo palapit sa ama at nanghingi ng sorry. Simula noon ay buong-pasasalamat na niyang tinatanggap ang anumang pabaon sa kanya ng ama.
Anoangaralnanatutunanmosakathangito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.