Inday TrendingInday Trending
Hindi Inaasahan ng Kasambahay ang Hininging Kapalit ng Kanyang Amo Matapos Siyang Humingi ng Tulong Dito

Hindi Inaasahan ng Kasambahay ang Hininging Kapalit ng Kanyang Amo Matapos Siyang Humingi ng Tulong Dito

Nagtatrabaho si Sally Colmenares bilang katulong sa tahanan ng isang mayamang mag-asawa sa Maynila. Lagi siyang nag-aalala sa pamilya kasi isang beses sa isang buwan lang siya nakakauwi sa probinsya. Isang gabi, tumawag ang asawa niyang si Rick para sabihing may sakit ang anak nilang si Jen.

“Mukhang lumalala na ang sakit niya,” sabi ni Rick. “Ubo siya nang ubo, pero wala na akong pera pampa-check-up.”

“Baka naman sa paninigarilyo mo yan!”

“Hindi ah!” tanggi ni Rick. “Hindi naman ako naninigarilyo sa loob ng bahay.”

“O siya, siya.”

Nangako si Sally na daragdagan niya ang padala, kahit na hindi na niya alam kung saan huhugutin ang pera. Pangatlong advance na niya ito sa mga amo niya, at sigurado siyang ‘di na siya papayagan nito. Lalo na si Mrs. Gemma Cruz, na kahit bata pa (mas bata pa ata sa kanya) ay saksakan ng taray at kuripot. Si Mr. Jay Cruz naman, tahimik lang madalas at sunud-sunuran kay Ma’am Gemma.

Pag-uwi ng mga amo galing sa trabaho, nilapitan agad sila ni Sally.

“Naku, Sally, naka-ilang advance ka na ‘di ba? Hindi na kita pagbibigyan ngayon. Hindi ka naman magaling sa trabaho mo tapos buwan-buwan ka pang nagbabakasyon! Grabe ka naman,” sabi ni Ma’am Gemma.

“M-Ma’am… may sakit po kasi ang anak ko…”

“At kasalanan ko ‘yun?” tanong ni Ma’am Gemma. Mukhang tapos na siyang kumain kaya tumayo ito at umakyat na para matulog.

Pero hindi pa umaalis sa puwesto niya si Sir Jay.

“Sally, alam kong nangangailangan ka,” seryosong sabi nito. “Kaya may ipapagawa ako sa’yo.”

Kinabahan si Sally. Lagi siyang nakakarinig ng ganitong kuwento sa mga kaibigan niyang OFW, pati sa TV.

“S-Sir… Hindi ko po… m-may asawa po ako—”

“Alam ko,” sagot ni Sir Jay. “Kaya alam kong maiintindihan mo itong pinapagawa ko.”

Dinala ni Sir Jay si Sally sa second floor ng bahay, kung saan naroroon ang private office nito. Pagkatapos siguruhin na tulog na ang asawa sa third floor, sinara niya ang pinto ng kaniyang opisina. Dalawa na lamang sila ni Sally.

“Tignan mo ‘to.”

Naglabas ng envelope si Sir Jay, at inilatag sa desk ang mga laman nitong… litrato?

“Pinakita ito sa akin ng kaibigan ko. Dala niya ang digicam niya noong pumunta siya sa isang club sa labas ng Maynila.”

Madidilim ang mga litrato. Maraming tao. Iba-ibang kulay ang mga ilaw. At…

Nanlaki ang mata ni Sally. “Si Ma’am Gemma po ba yan?” Tinuro niya ang isang pamilyar na babaeng naka-crop top at miniskirt. Nakangiti ito at mukhang sumasayaw pa. Ibang-iba sa pormal at mataray na Ma’am Gemma na nakilala ni Sally.

“Oo. At hindi lang ‘yon.” Dinig na dinig ni Sally ang pighati sa boses ni Sir Jay. May nilatag ang kanyang amo na isa pang litrato.

Nanlamig si Sally. May nakayakap kay Ma’am Gemma sa litrato na madilim na anyo. Pamilyar ang anyo pero hindi nalang niya muna ito inisip.

“Sa tingin ko inuwi na niya ang lalaking iyan sa bahay, Sally,” sabi ni Sir Jay. “Nung huling bakasyon mo kasi, sumakto na may business trip ako sa ibang bansa.”

Tinignan niya ng seryoso si Sally habang pasimpleng nagpupunas ng luha.

“Gusto kong tulungan mo akong humanap ng pruweba na niloloko ako ni Gemma. Ang sakit-sakit kasi sa pakiramdam na hindi ko na alam kung anong nangyayari sa amin, kahit na dalawang taon palang kaming kasal. At bilang kapalit…”

Naglabas ng isa pang envelope si Sir Jay mula sa drawer ng desk. Inabot niya ito kay Sally, na binilang naman agad ang pera.

“S-sampung libong piso!?”

Nung sumunod na araw at nakaalis na parehas sa mga amo niya, nagsimula na si Sally sa imbestigasyon niya. Una niyang hinalungkat ang third floor, sa kuwartong tulugan ng mag-asawang Cruz.

Sa likod ng cabinet ni Ma’am Gemma, sa wakas, may nahanap na si Sally: isang bukas na kaha ng sigarilyo. Sa pagkakaalam ni Sally, walang naninigarilyo sa mag-asawa.

Sinuyod ni Sally ang buong bahay, at isang bagay na lang ang nahanap niya: sa sofa, isang panyong floral. Kamukha ng panyong ito yung mga panyong binibili ni Sally para kay Jen. Mukhang uso ang disenyo, pero ngayon lang niya nakita ‘yon kahit na lagi naman siyang naglalaba. Sinama niya na rin ‘yon sa listahan ng ebidensiya, para sigurado.

Gumawa pa ng ibang gawain si Sally. Naglinis, naglaba, nagpalit ng bedsheet… at nung nagpalit siya ng bedsheet, saka lang niya napansin ang isang kumikinang na bagay sa ilalim ng higaan ng mag-asawa.

At nang makita niya kung ano ito, hindi na niya napigilan ang umiyak.

Pinakita niya kay Sir Jay ang nakuha niyang ebidensiya. Tinapat ni Sir Jay ang asawa at umamin naman si Ma’am Gemma. Sinamahan naman ni Sir Jay si Sally pauwi sa kanilang probinsya para tapatin si Rick.

Sinalubong si Sally ng masiglang yakap mula sa kanyang anak, walang bahid ng sakit sa katawan na ito. Nang lumabas na si Rick, laking gulat niyang makita na kasama ni Sally ang amo.

“Rick. Yung totoo. Ikaw ba ito?” Tinaas ni Sally ang litrato ni Ma’am Gemma at lalaking kayakap nito. “At mukhang wala namang sakit si Jen. Ano ba ang totoo?”

Huli sa lahat, nilabas ni Sally ang nahanap niyang singsing, na may nakasulat sa ilalim na “Sally+Rick”. Nanginginig siyang tinaas ito at tinapat sa kamay ni Rick na walang suot na singsing.

Sa wakas, inamin ni Rick na ginagamit lang niya ang padala ni Sally para makipagkita kay Gemma. Nagkakilala sila noong isang beses na dinala ni Sally ang asawa sa tahanan ng mga Cruz.

Iniwan na ni Sir Jay si Ma’am Gemma, at nagpakalayu-layo na rin ang mag-inang Colmenares kay Rick. Nagsama na sina Rick at Gemma—pero dahil parehas silang walang trabaho, mabilis silang nalugmok sa utang at kahirapan.

Sa kabilang banda, pinatuloy na ni Sir Jay sina Sally at Jen sa kaniyang tahanan. Pinagsisilbihan pa rin siya ni Sally bilang katulong, pero hindi na ito nahihirapan kasi mas mataas na ang suweldo niya at kahit papano, napapaaral niya na ng maayos ang anak.

Advertisement