Ako ang Tunay na Reyna
Narinig ni Bella na palapit na si Arthur, kaya inihanda na niya ang kanyang drama. Ngumuso pa siya at parang kuting na nagsalita, naglambitin rin siya sa leeg nito.
“Gusto ko nga kasi ng new shoes eh. Kita mo na, ang hirap kayang maglakad kasi namamanas na ang feet ko. Hindi na kasya sa luma kong mga shoes,” maktol niya.
Bumuntong hininga naman ang lalaki, “Pwede naman nga. Kaya lang ay hindi roon sa shop na iyon, alam mo naman kung bakit diba? Sige na, hanap nalang tayo sa iba.”
“Eh! Siguro, hindi mo kami love ni baby ano?” sabi niya, hinimas pa ang tiyan na ngayon ay limang buwan na.
“Fine, bibili na kung bibili roon. Pero pwede bang hintayin nalang kita sa labas? Bella, naiintindihan mo naman siguro na hindi tayo maaaring makitang magkasama ni Isabel. Doon siya nagtatrabaho,” paalala ng lalaki.
Palihim na umismid si Bella, aba kaya nga niya doon gustong bumili ay dahil alam niya na naroon ang misis ng nobyo.
Oo, isa siyang kabit. Pero wagi na siya sa laban dahil nakumbinsi niya na si Arthur na sa kanya sumama, iniwan nito si Isabel at ang apat na taong gulang na anak ng dalawa.
Sila na ngayon ang bubuo ng pamilya, ilang buwan nalang naman ay manganganak na siya. Maganda ang trabaho ng lalaki at sa kanya napupunta ang buong sahod nito, ang misis nitong tonta ay walang ibang nagawa kundi maghanapbuhay bilang saleslady sa isang department store.
“Natatakot ka sa kanya?” tanong niya pa.
“Hindi sa ganoon. Pero malay mo, mag iba ang ihip ng hangin at tumapang siya. Picturan tayo, idemanda. Paano ako lulusot aber? Gayong buntis kana? Gusto mo ba, kung makulong ako, isilang ang baby natin na walang ama?”
Nag-isip si Bella, oo nga ano. Kinuha niya ang perang iniaabot nito at siya na lamang ang mag isang nagpunta sa mall. Nag-ayos siya ng todo, nakapulang lipstick pa at hapit na hapit ang suot na damit para ipamukha sa misis ni Arthur na nabuntis na siya ng mister nito. Nais niya talagang pasakitan ang babae.
Mamahalin ang suot niyang mga alahas kaya di magkandaugaga ang mga saleslady kakaasikaso sa kanya.
“Si Isabel Soliman?” tanong niya sa isa.
“Ma’am, sa kabilang booth po siya naka-assign.” magalang na sagot ng saleslady.
“Tawagin mo, siya ang gusto kong mag-assist sa akin. Bibili ako ng 5 pairs of shoes,” taas ang kilay na sabi niya.
Nang marinig iyon ay nagmadali ang dalagang umalis. Ilang sandali pa ay narinig niya na ang boses ng bwisit na si Isabel.
“Hi Ma’am how may I help-” natigilan ito nang makilala siya, tumigas ang ekspresyon ng mukha.
“Oh Hi dear! Gusto ko sanang pumili ng shoes na comfortable, alam ko namang dito ka magaling eh. Please help me,” ngiting aso na sabi niya.
Nakailang buntong hininga ang babae. Halatang nais siyang patulan pero hindi magawa, hah! Pag natanggal kasi ito sa trabaho, ano ang lalamunin ng anak nito?
Prenteng umupo si Bella, “Ano pa ang hinihintay mo? Get the most expensive pairs and I’ll try them! Kahit gaano karami, my HUSBAND gave me money eh.” maarte niyang sabi.
Tahimik na tumalima ang kawawang babae at kumuha ng mga sapatos. Pagbalik nito ay ilang kahon na ang bitbit.
“Ay, pakisuot mo nga sa akin,” sabi ni Bella.
“Ha?”
“Sabi ko, isuot mo. Diba saleslady ka? O, I am a customer so go, please.” sabi niya. Itinaas pa ang paa.
Nangingilid ang luha na umupo si Isabel at isa isang isinuot ang mga sapatos sa kanya. Kinawawa niya ito ng todo, dahil papalit palit pa siya ng gusto.
Hinihimas niya pa ang tiyan habang sinusuutan siya nito ng sapatos, “Baby, love na love tayo ng daddy mo ano? Buti nalang, nandito ang cheap na saleslady kasi hindi na makatungo ang mommy eh. Paglabas mo, magiging happy family tayo!” pang iinggit niya.
Ngiting tagumpay si Bella nang makauwi siya galing sa mall.
Mabilis lumipas ang mga buwan, isinilang niya ang isang sanggol na babae. Akala niya ay magiging perpekto na ang lahat pero naaksidente si Arthur.
Nabangga ang minamaneho nitong kotse, naisugod pa sa ospital pero agaw buhay na.
“Babe! Babe wag mokong iwan!” iyak ni Bella.
Kahit hirap na hirap na ang lalaki, nagsalita ito, “K-Kunin mo ang..tseke s-sa bulsa ko.” Sinunod iyon ni Bella at nakita niya na nagkakahalaga iyon ng 300,000 pesos.
“P-Para iyan s-sa inyo ng a-anak natin. P-patawarin mo ako B-Bella, ginulo ko ang b-buhay mo. Please..p-please tell m-my wife I l-love her, and I am s-so sorry..” bulong nito bago malagutan ng hininga.
Makaraan ang isang linggo ay nailibing rin si Arthur, ni hindi niya sinabi kay Isabel na wala na ang asawa nito. Bakit ba? Bwisit na bwisit siya kasi pakiramdam niya ay natalo siya, ito pa rin kasi ang binabanggit ng lalaki bago mawala sa mundo.
Dahil hindi niya kayang bayaran ang renta sa condo na tinitirhan nila ng anak ay umalis na siya roon. Itinabi niya na muna ang perang pamana ni Arthur, habang pauwi siya sa kanilang probinsya ay namataan niya ang isang bagong tayong tindahan ng sapatos, grabe, ang sosyal!
Kung buhay pa siguro si Arthur, malamang ay yayayain niya ang lalaki na ibili siya ng shoes roon. Aalis na sana siya nang mahagip ng kanyang mata ang pigurang nasa loob, ang bwisit na si Isabel!
Hah, kasya pa naman siguro ang pera ko. Hindi naman siguro malaking kabawasan sa 300 000 na ipon ko ang halaga ng shoes rito, sa isip isip niya.
Taas noo siyang pumasok, bitbit niya pa ang baby, “Hi,” nakangisi niyang sabi.
Tumaas ang kilay ni Isabel, “Yes?”
“Alam mo, ang hilig mo talagang maging saleslady ng shoes ano? Yan nalang ang career mo, kasi syempre, wala kayong kakainin ng anak mo,” pang aasar niya.
“Ikaw na ang may atraso sa akin, ikaw pa ang makapal ang mukha. Iba ka rin talaga.” palaban rin namang sagot nito.
“Ssshh, miss, ang dami mong satsat. Kuhanin mo na ang mga shoes at suutan mo ang mahal na reyna,”
“Myrna, kunin mo ang mga shoes.” utos nito sa isang babae.
“No, no. Myrna right? Sige na, dont bother, itong kasamahan mong saleslady ang gusto kong magsilbi sa akin,” sabi niya sa kaharap. Natigilan naman ito.
Tapos ay nagsalita, “M-Ma’am, di po siya saleslady. Siya po ang may ari nito.”
“What?” di makapaniwala niyang tanong.
Imposible!
Hindi niya alam kung ano ang sasabihin nang magsalita si Isabel, “Tsk tsk. Masyado ka kasing matapang, nakalimutan mo ang lugar mo. Akala mo ba, hindi makakarating sa akin ang nangyari kay Arthur? Kung may una mang babalitaan, ako iyon. Ako ang nakasulat sa ID niya, sa lahat ng records niya dahil ako ang misis niya.
Nagdalamhati ako nang mawala ang aking mister at ni hindi ko naihatid sa huling hantungan. Pero mabait ang Diyos, alam mo kung bakit? Dahil sa akin napunta ang lahat ng naipundar niya, maging ang pera sa kanyang insurance na siyang ipinagpatayo ko nitong negosyo. Ngayon, Bella, sino sa ating dalawa ang mahal na reyna?”
Hindi na sumagot pa si Bella, tahimik siyang umalis sa lugar na iyon. Punong puno ng pagkapahiya sa kanyang sarili.
Laging tandaan, huwag na huwag mananakit ng kapwa. Dahil ang buhay ay parang gulong, umiikot at hindi tayo laging nasa ibabaw.
Images courtesy of www.google.com