Inday TrendingInday Trending
Hindi Ka Ba Naniniwala sa Diyos?

Hindi Ka Ba Naniniwala sa Diyos?

Pinahid ni Maritess ang luhang tumutulo sa kanyang mga mata, dumilat pa siya nang kaunti upang i-check kung may nakatingin ba sa kanya. Narinig niyang natapos na ang prayer pero hindi pa rin siya tumitigil sa pag iyak, siniguro niyang siya ang sentro ng atensyon ng mga tao. Nakataas pa ang kanang braso ng babae.

“Lord, yes Lord! Amen!” maingay niyang sigaw.

Kasalukuyan siyang nasa kanilang simbahan, bagamat iba ang kanilang relihiyon kaysa sa karamihan. Wala naman sanang masama dahil ang lahat naman ng tao ay may kalayaang mamili ng kanilang paniniwalaan. Ang problema lang kay Maritess, kapag ayaw makisapi sa kanila ay nagagalit siya.

Tingin niya ay masamang tao na. Mababa ang turing niya sa mga taong iba ang pananampalataya.

Isang araw ay akay ni Maritess ang anim na taong gulang niyang anak na si Jairuz, papunta sila sa super market. Bago makapasok sa pamilihan ay nakasalubong niya ang kumareng si Ivy.

“Mars! Ang daming ipinamili ah,” bati ni Maritess.

“Naku hindi naman sa akin ito Tess, school supplies para sa mga batang mahirap sa kabilang barangay. Nakasanayan ko na ito tuwing pasukan, maibalik ko man lang sa iba ang biyayang bigay ng Diyos.” sabi ni Ivy.

“Maganda yan, mars. Gusto mo bang sumama sa church namin? May mass kami every Sunday, mag-eenjoy ka roon.” yaya niya rito.

Sandaling nag isip si Ivy, halata namang ayaw nito pero para hindi siya mapahiya ay pumayag na rin. “Anong oras yan mars?”

“Alas diyes, hintayin kita doon ha? Alam mo na naman kung saan iyon. Mas magiging malapit ka sa Diyos kaysa sa ibang relihiyon, kasi fake iyong iba eh.” sabi niya pa.

Ilang sandali pa ay pumasok na sila sa grocery ng anak niyang nakikinig lang. Nang matapos mamili ay agad silang nag-abang ng tricycle na masasakyan.

Wala pang dumarating na sasakyan, napapitlag si Maritess nang makaramdam ng ilang kalabit sa kanyang gilid.

“Ate, penge pong barya.” sabi ng batang pulubi, hindi nalalayo sa edad ni Jairuz.

“Letse kang bata ka, karumi-rumi ay humahawak pa sa akin! Doon ka nga, ipapahuli kita sa guard! Dun!” taboy niya rito.

Nag-inarte pa siya na kesyo nangangati ang parte ng brasong hinawakan ng bata.

Mabilis lumipas ang mga araw at sumapit ang Linggo, simba na naman. Espesyal ang araw na ito dahil bukod sa nakumbinsi niya ang kaibigang si Ivy na sumama ay may sharing rin ang kanyang anak. Ibig sabihin, tatayo ito sa unahan at magsasabi ng mga natutunan tungkol sa Diyos.

“Buti naman nakarating ka, sana lagi na kitang makikita rito Mars.” sabi niya kay Ivy, magkasabay silang naglalakad papasok sa simbahan. Habang akay niya naman sa kabilang kamay si Jairuz.

“Oo nga eh. Kaya lang, mars.” buwelo nito.

Napatingin naman si Maritess, nagtatanong ang mga mata.

“A-Ano kasi, syempre. Nirerespeto ko naman ang paniniwala mo, kaya nga nandito ako. Kaya lang ay ayaw ko rin namang paasahin ka. Sa ngayon kasi, alam ko naman kung saan ako nananampalataya. Hindi pa kasi ako bukas sa ideya na magpalit ng relihiyon,” sinserong sabi nito.

Sandaling napaismid si Maritess bago nagsalita, “Bahala ka. Wala ka namang matututunan sa relihiyong ipinagmamalaki mo eh.”

Tinalikuran niya na ang babae kaya hindi na ito nakasagot pa.

Sa malayo rin siya umupo, bahala itong ma-out of place dahil wala itong ibang kakilala roon kundi siya. Nagsimula na ang misa, may kumanta sa unahan at tumugtog ng piano tungkol sa Diyos.

Nakapikit naman ang mga tao, taimtim na nagdarasal pero hindi pa nakuntento si Maritess. Muli, iniangat niya ang kamay at huminga ng malalim bago sumigaw.

“Lord! My saviour! Lord ako ang chosen one mo! Alam ko ang will mo Lord! Patawarin mo sana ang ibang taong hindi naniniwala sa iyo, ang ibang mga relihiyon!” halos maputol ang litid niya sa sigaw niyang iyon.

Di naman siya masaway ng iba kasi nga, nagdarasal siya. Pikit na pikit at may pag iyak pa.

Nang matapos ang opening prayer ay tinawag na ang mga batang magshe-share sa unahan. Isa na roon si Jairuz, proud na tumayo si Maritess. Sinulyapan niya pa si Ivy, parang sinasabihan itong, daig ka pa ng anak ko sa pagiging malapit sa Diyos.

“Magandang umaga po, marami po akong natutunan tungkol kay Lord. Una sa lahat, mahal po niya tayong lahat at hindi siya natutuwa sa mga taong sinungaling. Mga taong puro salita ukol sa pagmamahal sa kapwa pero hindi naman kayang isabuhay.

Isa pong halimbawa roon, ang tita Ivy ko po. Friend siya po ni mommy ko,” sabi ni Jairuz.

Napuno ng bulung-bulungan ang simbahan. Napangisi si Maritess, buti nga!

Pero nawala ang ngiti niya nang ituloy ni Jairuz ang pagsasalita.

“Ang tita Ivy po ay hindi masyadong ma-salita pero tumutulong po siya sa mga batang walang pambili ng gamit sa school. Sigurado po ako, love na love po siya ni Lord. Ang mommy ko naman po, magaling siyang mag-prayer pero pinagalitan niya iyong pulubi at nadidiri po siya. Pero love ko pa rin po ang mommy ko, sana po hipuin ni Lord ang puso niya na magpakatotoo.”

Halos lamunin ng sahig si Maritess dahil sa sobrang pagkapahiya. Nalimutan niyang may isip na ang kanyang anak at nauunawaan na nito ang kanyang mga ginagawa.

Tahimik na inakay niya ito paalis sa stage at umuwi sila. Sising sisi siya, humingi siya ng tawad sa anak kung naging masama siyang halimbawa, humingi rin siya ng tawad kay Ivy.

Taimtim siyang nagdasal sa Diyos, hindi sumisigaw, hindi nagmamalaki, pero totoo. Nangako siyang isasapuso niya na ang lahat ng kanyang ibinubulong sa simbahan. Naunawaan niya na rin na hindi nakabase sa relihiyon ang pagmamahal ng Panginoon.

Dahil kahit na ano pa ang pinaniniwalaan natin, pantay-pantay ang pag ibig ng Diyos para sa lahat.

Images courtesy of www.google.com

Advertisement