Ang Graffiti House
Limang taon nang nagsasama sina Rose at Michael, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nabibiyayaan ng anak. Tinanggal sa trabaho si Rose bilang Marketing Director dahil sa napakarami raw niyang kapalpakan. Plain housewife tuloy ang labas niya. Buti na lamang at good provider si Michael. Lahat ng mga kailangan ni Rose ay ibinibigay nito.
Isang araw na napakainit ng Martes, nakaramdam ng pagkabagot si Rose. Tapos na siyang maglaba. Sa totoo lang, hindi naman talaga siya naglalaba. Ibinababad lamang niya ang mga damit sa isang batyang punumpuno ng tubig, binubuhusan ng detergent powder, at kung sa palagay niya ay mabango na ang mga damit, isinasampay na niya. Ni hindi man lamang niya kinukusot, pinipiga, o pinapagpag. Hindi naman maselan si Michael. Kahit anong gawin niya, mahal pa rin siya nito.
Hindi rin siya marunong magluto. Walong beses na niyang tinangkang magsaing, subalit muntikan na silang masunugan ng bahay kaya hindi na siya pinapayagan ni Michael na magbukas ng kalan.
Mahilig si Rose sa pagpipinta. At ngayong Martes, iba ang trip niya. Nababagot na siya, kaya gagawa siya ng graffiti. Kumuha siya ng canvas, mga brotsa, at mga pintura na iba-iba ang kulay. Nang sinisimulan na niya ang pagbuo ng graffiti, napatakan ang kanilang puting sahig. Mas magandang ideya ang naisip niya. Gagawa siya ng graffiti sa kanilang sahig.
Sinimulan niyang pasadahan ng brotsa ang kanilang puting sahig, at sa wakas, natapos din siya. Nasiyahan siya sa kanyang ginawa. Kaya lang, napintahan na rin ang kanilang carpet at sofa, kaya tinuloy-tuloy na niya. Lumikha siya ng malupit na graffiti sa carpet at sofa, na binili pa ni Michael sa ibang bansa.
Para mas bumagay sa bagong taste ng kanyang sofa, sinimulan na rin niyang pintahan ng graffiti ang mesang katabi nito, ang lampara, ang mga plorera, ang mga muwebles, gayundin ang mga pigurin ng iba’t ibang anghel at hayop na kanilang pandekorasyon.
Tutal at natilamsikan na rin ang kanilang dingding, pinasadahan na rin ito ni Rose, at itinuloy-tuloy hanggang sa dingding ng kanilang kwarto, banyo, kusina, komedor, at maging ang lababo. Idinamay na rin niya ang mga pinintang larawan na kay mamahal, maging ang mga abubot na makita niya sa loob ng bahay gaya ng tsinelas ni Michael, upuan, lalagyanan ng salamin sa mata, mga basket, mga kutsara’t tinidor, kutsilyo, pinggan, baso, at maging mga pansala ay binigyan niya ng kakaibang kulay.
Hindi rin nakaligtas kay Rose maging ang mga appliances nila upang bumagay sa kakaiba at bagong bihis nilang bagay, na nakikita niyang astig: ang LCD TV, ang refrigerator, ang mga electric fan, aircon, microwave oven, oven toaster, electric stove, gas stove, turbo broiler, rice cooker, plantsa, telepono, at maging washing machine na kahit kailan ay hindi niya ginamit.
Napamangha si Rose sa kanyang obra maestra. Tiyak na matutuwa si Michael kapag nakita ito. Nakaramdam siya ng kakaibang pakiramdam, ng kakaibang lakas. Pumasok siya sa loob ng kanilang kwarto at sinimulang pintahan ang kanilang kama, kumot, mga unan, ang tsinelas ni Michael, mga maleta, maging ang mga bag nila. Isinama na rin niya ang kurtina, ang pinto, ang mga tuwalya, ang mga kabinet, at maging ang kanilang mga drawer.
Hindi pa nakontento si Rose. Lumabas siya ng kanilang bahay at kinuha ang hagdanan. Kailangan din niyang pintahan ang dingding sa labas para overall ang impact ng graffiti. Idinamay na rin niya ang hagdanan. Pati ang tapakan na basahan sa labas ay hindi nakaligtas. Balak din niyang pintahan ng graffiti maging ang mga paso ng halaman na tanim ni Michael, subalit nahinto siya nang may kapibahay na tumawag sa kanyang pansin.
“Rose! Anong ginagawa mo?” Tanong ng kanilang kapitbahay na si Emily.
“Gumagawa ako ng graffiti,” patay-malisyang tugon ni Rose.
“Alam ba ito ng asawa mo?”
Nagpanting ang tenga ni Rose. “Ano bang pakialam mo? Hindi mo naman ito bahay. Excuse me, pero marami pa akong gagawin. Marami pa akong pipintahan.”
Ipinagpatuloy ni Rose ang kanyang pagpipinta ng graffiti, sa pagkakataong ito, sa isa pa nilang kotse na hindi na ginagamit ni Michael. Kailangang bumagay ito sa kabuuan ng bahay, kaya pati ang garahe ay pinaganda na rin niya.
Balak na rin sana niyang pintahan ang kanilang gate, nang biglang dumating si Michael. Napanganga na lamang si Michael sa tumambad sa kanyang harapan. Halos lahat ng kanyang nakikita sa kanilang bahay ay punumpuno ng graffiti!!!
“Hello love. Surprise! Nagustuhan mo ba ang ating bagong bahay?” Nakangiting tanong ni Rose kay Michael.
Nilapitan ni Michael ang asawa at buong higpit na niyakap si Rose.
“Maraming salamat, mahal. Pero hindi ba ito masyadong sobra? Iniinom mo ba ang iyong mga gamot?”
Marami ang nakapansing kapitbahay sa magandang graffiti house. May ilang kinuhanan ito ng larawan, inupload sa Facebook, at naging viral ito. Dumagsa ang iba’t ibang mga reporter sa iba’t ibang tv networks at diyaryo upang kapanayamin ang mag-asawa hinggil sa graffiti house. Nagpakonsulta rin ang mag-asawa sa isang espesyalista at napag-alamang mataaas lang talaga ang artistry sa katauhan ni Rose.
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.