Ang Dalawang Bahay sa Iisang Bubong
“Neng, pakikuha ang balde, may tulo na naman ang bubong!!”
Natigil sa panggagatsilyo si Dolores, 45 taong gulang, nang marinig ang tinig ng asawang si Raul. Buwan ng Hulyo kaya kasagsagan na naman ng mga pag-ulan. Problema na naman nilang mag-asawa ang tumutulong bubong dahil sa dami ng mga butas nito.
Tatlong butas ang mayroon sa kanilang bubong. Ang isa ay malapit sa pintuan, ang isa ay sa mismong tapat ng kanilang tulugan, at ang isa naman ay sa bandang gilid. Gustuhin man nilang ilipat ang kanilang mga gamit, wala na silang paglalagyan. Masyadong masikip ang kanilang bahay.
Kinuha ni Dolores ang bakanteng balde at itinapat sa butas ng tumutulong bubong. Napabuntung-hininga siya. Iniisip niya, kailan kaya nila mapapalitan ito. Wala naman silang ekstrang pera dahil sapat lamang para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.
Nag-aaral din ang kanilang mga anak. Nasa kolehiyo na ang kanilang panganay na si Didith na kumukuha ng kursong Edukasyon. Nasa Senior High School naman ang kanilang kaisa-isang anak na lalaki na si Junjun, habang Grade 6 naman ang kanilang bunso na si Rona.
Kundoktor sa bus ang trabaho ni Raul. Masipag naman itong padre de pamilya. Kahit na mahirap lamang sila at maliit lamang ang kanilang bahay, masaya naman ang kanilang pamilya.
Kahit minsan ay talbos lamang ng kamote ang kanilang ulam, na isinasawsaw sa bagoong, sama-sama pa rin sila kung kumakain ng agahan, tanghalian, at hapunan. Sa dulang, sila ay nagkukwentuhan ng mga pangyayari sa kanilang buhay.
Upang makatulong sa mga gastusin, tumatanggap ng mga labada si Dolores. Isa sa mga customer niya ang mayamang si Evita, 57 taong gulang. Kahit na mayaman si Evita, mabuti naman ang puso nito. Lagi nitong binibigyan ng extrang tip si Dolores na nagagamit niyang pambaon ng mga anak sa eskwela.
Isang araw, medyo marami ang ipinalaba ni Evita kay Dolores. Kabilang dito ang mga kurtina, kobrekama, malalaking kumot, at mga punda ng unan. Kaya naman, nagpasama si Evita sa kanyang bahay upang mabitbit ang lahat ng ito.
Namangha si Dolores sa bahay ni Evita. Bukod sa kakikitaan ng karangyaan, may kakaiba siyang napansin dito. Ang bahay ni Evita ay nahahati sa dalawa: ang isa ay kulay-asul, at ang isa naman ay kulay-pink. Para itong dalawang bahay na ipinagdikit at nasa ilalim ng iisang bubong. Pumasok sila sa bahay na kulay-pink.
“Naku, salamat Dolores ha. Uuwi na kasi ang anak ko from Canada. Gusto ko maayos ang lahat, bago siya umuwi sa darating na Sabado,” pagpapasalamat ni Evita.
Sinuyod ng tingin ni Dolores ang loob ng bahay ni Evita. Napakalinis ng bahay nito. Kaaya-ayang umupo at humiga sa malaking sofa. Napansin niyang nakasabit ang napakaraming mga picture frames na kinalalagyan ng larawan ni Evita at ang maganda nitong anak na babae, na siyang uuwi mula sa Canada. Subalit ang kapansin-pansin, walang larawan ng asawa nito.
“Nasaan pala ang mister mo? Naku, siguradong tuwang-tuwa rin siya sa pag-uwi ng anak ninyo,” sabi ni Dolores.
“Nasa kabilang bahay siya. Sa kulay-asul. Doon siya nakatira.”
Nangunot ang noo ni Dolores.
“Bakit hindi kayo magkasama rito? Bakit kailangang may magkabukod kayong bahay? O huwag mo sabihing kwarto iyon?” Muling usisa ni Dolores kay Evita.
“Matagal na kaming hiwalay ni Danilo. Hindi na kami nagtatabi sa kama. Ipinasya naming hatiin ang bahay na ito. Sa kabila siya, dito ako. Pareho kasi naming naipundar ang bahay at lote na ito. At para sa anak namin, kaya kami naririto sa ganitong set-up,” paliwanag ni Evita.
“Pwede bang malaman kung bakit kayo naghiwalay?” Tanong ni Dolores.
“Hindi kasi kami nagkasundo sa mga ugali namin. Noong una, akala namin ay maayos kami. Pero nang magpakasal kami at magkaanak, lumabas ang tunay na ugali ni Danny. Gusto niya lang lagi ang nasusunod. Hindi niya ako pinakikinggan bilang asawa niya,” naluluhang sabi ni Evita.
Pagkauwi ni Dolores sa kanyang munting bahay, saktong naabutan niya ang kanyang mag-anak. Umiinom ng kape habang nagbabasa ng dyaryo ang asawa, nag-aaral ng kanilang aralin sina Didith at Junjun, at naglalaro naman si Rona. Napangiti si Dolores.
Tumigil ang kanyang mga anak sa kani-kanilang mga ginagawa. Isa-isang lumapit ang mga ito at humalik sa kanya. Maya-maya, lumapit ang kanyang asawa na may bitbit na cake. At kumanta na sila ng “Happy Birthday!”
Maluha-luha si Dolores sa sorpresa ng kanyang pamilya. Kaarawan na pala niya, hindi man lamang niya naalala. Mabuti na lamang at nariyan ang kanyang butihing mga anak at mapagmahal na asawa. Naalala niya si Evita at ang dalawang bahay na nasa iisang bubong. Napagtanto ni Dolores na kahit luma, maliit, at maraming butas ang bubong ng kanilang bahay, ang mahalaga ay sama-sama naman sila at masaya.
Images courtesy of www.google.com
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.