Hindi sanay na hindi tumutugon sa tawag ng kalikasan si Rachelle tuwing umaga, bago pumasok sa trabaho. Kahit pakonti-konti, kailangang mailabas niya ang kanyang mga kinain noong nagdaang araw. Subalit ngayong araw na ito, hindi siya nakaupo sa trono dahil nagmamadali na siya sa isang seminar na kailangan niyang daluhan.
Isang guro sa pampribadong paaralan si Rachelle. Filipino ang asignaturang itinuturo niya sa Junior High School. Terror ang tingin sa kanya ng kanyang mga mag-aaral.
Maganda siya kung tutuusin, subalit mas minabuti niyang maging matapang at nakatatakot ang kanyang imahe dahil iyon ang nakasanayan niyang pagpapalaki sa kanya ng mga magulang.
Sa kalagitnaan ng seminar, kumulo ang tiyan ni Rachelle. Lagot na, bulong ni Rachelle. Hindi pa naman siya sanay dumumi sa banyo ng iba.
Namamahay siya pagdating sa bagay na ito. Gusto niya, sa malinis niyang toilet sa bahay siya uupo, habang nagbabasa ng kanyang paboritong aklat, o kaya’y tumitingin ng mga larawan o nagbabasa ng blogs sa Inday Trending.
Alam niyang kaya pa niya, kaya itinuon niya ang pakikinig sa speaker. Maya-maya, humilab na naman ang kanyang sikmura. Mukhang hindi na niya kaya.
Minabuti niyang umalis muna at magtungo sa palikuran. Pagdating sa palikuran, nililinis ito ng janitor kaya’t hindi muna nagpapapasok. Nainis si Rachelle, at pinagsabihan ang janitor na hindi dapat ito naglilinis ng palikuran hangga’t may mga tao pa sa gusali.
Hindi na talaga kaya ni Rachelle. Hanggang sa may naisip siyang paraan. Uuwi muna siya saglit. Kukuha na lamang siya ng paupahang sasakyan sa pamamagitan ng isang aplikasyon sa cellphone. Ilang segundo lamang at may tumanggap sa kanyang paghahanap. Samuel ang lumitaw na pangalan.
Pagdating ng drayber, agad siyang pumasok sa sasakyan nito. Napasulyap siya sa mukha nito. Ang gwapo! Medyo hawig itong, artistang galing sa pinakasikat na “Bahay ni Kuya” na isang reality show, at bumida kamakailan lamang sa isang online movie. Kinilig nang bahagya si Rachelle, subalit mas kinikilig siya sa pag-aalburuto ng kanyang tiyan.
Hindi mapakali sa upuan si Rachelle. Pakiramdam niya, lalabas ang masamang hangin sa kanyang tiyan. Ayaw niyang mangyari iyon, nakakahiya sa gwapong driver! Napansin ng drayber na hindi siya mapakali.
“Mawalang-galang na po, Ma’am. Ayos lang po ba kayo?” Untag ng drayber kay Rachelle.
Nangingiwi na si Rachelle. “A-ayos lang, kuya. Pakibilisan na lang po ang pagmamaneho.”
“Sure po ba kayo? Namumutla po kayo eh…”
“Oo nga po kuya ayos lang… a—“
“PRRRRRRRTTTTTTTTTTT!!!!!!!!”
Isang malakas na pagsabog ang naganap!
Napatakip ng ilong si Samuel. Natahimik naman si Rachelle. Pulang-pula ang kanyang mukha. Gusto niyang bumuka ang lupa at lamunin siya nito sa labis na kahihiyan. Hindi na kinaya ng masamang hangin sa kanyang tiyan.
Mga 20 segundo ang lumipas matapos ang “pagsabog,” binasag ni Samuel ang katahimikan.
“Medyo malakas po iyon, Ma’am. Akala ko po granada eh,” biro ni Samuel. Napatingin si Rachelle sa drayber. Akala ni Samuel, nainis si Rachelle, kaya hihingi sana siya ng dispensa, subalit bigla na lang itong humalakhak, hanggang sa magkatawanan na silang dalawa.
“Pasensya ka na, kuya. Hindi na kinaya eh. Tawag na talaga ng kalikasan.”
“Ayos lang, Ma’am. Samuel na lang po.”
“Salamat, Samuel. Pwede bang pakibilisan? Gusto ko nang mailabas ito.”
Pagdating sa mismong bahay ni Rachelle, nagtatatakbo si Rachelle papasok sa kanyang bahay. Agad niyang pinuntahan ang banyo, at saka niya inilabas ang lahat ng sama ng loob. Sa wakas!
Matapos makapaglinis, napansin niyang nasa labas pa rin ang drayber. Bakit kaya?
Lumabas si Rachelle. “Bakit po hindi pa kayo umaalis?”
Sumagot si Samuel. “Ma’am, hindi pa po kayo nakakabayad.”
Namula na naman si Rachelle. Sa pagmamadali niya, nakalimutan niyang magbayad! Pangalawang beses na niyang napapahiya sa harap ng lalaking ito.
“Naku, sorry Samuel, pasensya ka na talaga. Pero pwede ba kitang kunin ulit pabalik sa seminar venue? Sayang kasi ang certificate kung hindi ko makukuha,” pakiusap ni Rachelle.
“Okay lang naman po Ma’am. Wala pa namang nagpapa-book.” Nakangiting tugon ni Samuel. Ang puputi ng mga ngipin nito!
Muling sumakay sa loob ng kotse si Rachelle.
“Success po ba, Ma’am?” Nakangiting tanong ni Samuel kay Rachelle. Nakatingin ito sa salamin. Tila ba sinusuri siya.
“Ah, oo. Ang totoo niyan, kaya lang ako bumalik ng bahay para… alam mo na. Pasensya na ulit,” natatawang saad ng babae.
Iyon ang unang pagkakataon na nai-book ni Rachelle ang serbisyo ni Samuel. Sa mga sumunod na mga pagkakataon, nagkakataong naman na laging si Samuel ang nasasagap ng kanyang waze, kaya ito ang nagpupunta sa kanyang location. Hanggang sa magkapalagayan na sila ng loob, hanggang sa magboluntaryo na si Samuel na ihatid-sundo si Rachelle sa trabaho.
Hindi naglaon, nahulog ang loob ni Rachelle kay Samuel. Bukod sa gwapo na, mabait at responsable pa. Bukod sa pagiging drayber, may negosyo rin ito na munting coffee shop na pinamamahalaan ng kanyang kapatid.
Tumagal nang tatlong taon ang kanilang relasyon, hanggang sa sila’y nagpakasal at biniyayaan ng apat na anak.
Kaya kapag tinatawag ng kalikasan si Rachelle, hindi niya maiwasang mapangiti dahil naaalala niya ang dahilan kung bakit at paano niya nakilala si Samuel. At naiisip niya, basta Grab driver, sweet driver!
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.