Natupad ang Hiling ng Mag-Asawa na Magkaroon ng Anak, Malaki Pala ang Kapalit Nito

Matagal nang gustong magkaanak ng mag-asawang Kenneth at Vernise ngunit sadyang mailap sa kanila ang suwerte.

Tatlong taon nang kasal ang dalawa at matagal nang pinaghahandaan ang pagkakaroon ng panganay. Isinakripisyo ni Vernise ang kanyang trabaho para mapagtuunan ng pansin ang asawa at sa pagbuo nila ng pamilya.

Palagi rin silang nagbabakasyon sa iba’t ibang lugar para makundisyon ang kanilang katawan. Sinubukan na rin nilang magsayaw sa Obando para lang magkaanak ngunit talagang nananadya ang tadhana.

“Gusto ko nang sumuko, Kenneth! Lahat naman ginagawa na natin para magkaroon ng anak pero bakit ayaw pa rin tayong pagbigyan?” maluha-luhang sabi ni Vernise.

“Babe, ngayon pa ba tayo susuko?”

“Handa akong ibigay ang lahat, mabigyan lang kita ng anak!” aniya.

Sa labis na kagustuhang magkaanak ay kung ano-ano na ang naiisip ni Vernise para matupad ang pangarap.

Nang minsang umuwi si Kenneth galing sa opisina ay niyaya siya ng asawa na magpakonsulta sa kapitbahay nilang albularyo.

Advertisement

“Halika na! Baka makatulong siya sa problema natin!”

“Sigurado ka ba? Anong malay ng isang albularyo sa pagkakaroon natin ng anak?” nawiwirduhang tanong ng lalaki.

“Basta! Kailangan natin siyang makausap, please naman, Kenneth!” pagamamakaawa ni Vernise.

Hindi nakatiis si Kenneth na di samahan ang asawa. Nang marating nila ang bahay ng albularyo ay agad silang kumatok sa pinto. Di naman nagtagal ay may nagbukas niyon at bumungad sa kanila ang isang matandang lalaki.

“Anong maipaglilingkod ko sa inyo?” tanong ng matanda.

Hindi na nagpaliguy-ligoy pa ang mag-asawa at sinabi rito ang pakay.

“Gusto niyong magkaanak? Puwes, kailangan mong inumin ang gamot na ito tuwing bago o matatapos kayong magtalik. Tiyak tapos ang problema niyo, mabilis kang mabubuntis!” anito.

Sinunod ni Vernise ang payo ng matandang albularyo. Sa tuwing bago o matatapos silang magtalik ni Kenneth ay iniinom niya ang gamot na binigay sa kanya.

Advertisement

Halos tatlong buwan nilang ginawa ang utos ng albularyo ngunit wala pa ring nangyari. Hindi pa rin siya nabuntis.

Minsan ay sumasagi sa isip niya na magpabuntis na lang sa ibang lalaki para mabigyan ng anak si Kenneth ngunit hindi naman kaya ng kanyang kunsensiya. Mahal na mahal ni Vernise ang asawa kaya malabong mangyari ang gusto niya.

Naisip din niya na sumailalim sa proseso kung saan iba ang magdadalantao para sa kanya gamit ang sariling itlog ngunit napakamahal ng gagastusin sa nasabing operasyon. Hindi pa nila kayang mag-asawa ang ganoon kalaking operasyon dahil sapat lang ang kinikita ni Kenneth para sa kanila.

Habang pauwi galing sa pamilihan ay dinala si Vernise ng kanyang mga paa sa isang lumang simbahan. Sa di malamang dahilan, pakiramdam niya ay para siyang hinihila papasok sa loob ng banal na lugar. Nang tuluyang makapasok ay agad siyang lumuhod at nanalangin.

“Panginoon, dinggin niyo naman po ang hilig namin ng aking asawa na magkaroon ng anak! Kahit isa lang po! Pinapangako kong gagawin ko ang lahat, mapagbigyan niyo lang ang aming kahilingan!” aniya habang nakaluhod sa harapan ng altar.

Lumipas ang ilang linggo, gumising si Vernise na masama ang pakiramdam. Masakit ang kanyang katawan at nahihilo. Agad na nag-alala sa kanya si Kenneth.

“Babe, baka kasi sobra kang nagpapagod?” anito.

“Hindi ko alam, maghapon lang naman akong narito sa bahay, e.”

Advertisement

Mayamaya ay nakaramdam naman si Venrise ng hindi maganda sa kanyang tiyan at nagsusuka siya. Mas lalong kinabahan ang kanyang asawa.

“Iba na iyan, kailangan na nating pumunta sa ospital!”

Dinala ni Kenneth sa pinakamalapit na ospital ang asawa at pinatignan sa doktor.

“Dok, ano pong lagay ng misis ko?”

“Congratulations, magiging ama ka na!” masayang wika ng doktor.

Hindi makapaniwala si Vernise sa narinig. Gusto niyang magtatalon sa tuwa nang malamang siya ay nagdadalantao.

“Totoo po ba, Dok?” magkakaanak na kami?” tanong ng babae.

“Yes, misis, totoo ang sinabi ko!”

Advertisement

“Babe magkakababy na tayo! Pinakinggan na ng Diyos ang hiling natin!” wika ni Kenneth.

Mula nang malaman ng mag-asawa na magkakaroon na sila ng anak ay halos wala nang paglagyan ang saya ng dalawa. Araw-araw ay ibinibili ni Kenneth ng masusustansyang pagkain si Vernise at sunod na sunod ang mga gusto nito. Hindi niya hinahayaang mapagod at ma-stress ang misis. Gusto nila ay maging malusog ang kanilang anak oras na lumabas ito.

Dumating ang araw ng panganganak ni Vernise. Ang sayang naramdaman nila nang mabalitaang magkakaanak na sila ay may kapalit palang lungkot sa nalaman nila mula sa doktor.

“Tatatapatin ko na kayo. Delikado ang sitwasyon mo at ng iyong anak, misis! Hindi mo sinabing may sakit ka pala sa puso. Baka hindi kayananin ng puso mo ang panganganak! Maaring isa sa inyo ng anak mo ang mawalan ng buhay,” seryosong wika ng doktor.

“Ano po? Hindi po maaaring mawala ang anak ko, huhu!”

“Dok, wala na po bang ibang paraan?” sabi ni Kenneth

Umiling ang doktor na sensyales na wala ng ibang paraan.

“Kailangang mamili, buhay ng misis mo o buhay ng anak niyo!”

Advertisement

Parang gustong magwala ni Kenneth nang malaman kung ano ang maaaring maging resulta ng panganganak ni Vernise.

“Hindi, dok! Hindi ko isusuko ang anak ko kahit na anong mangyari!”

“Babe, mas mahalaga ka sa akin! Hindi ko kakayananin na mawala ka!”

“Mula nang ipagkaloob sa atin ang sanggol sa aking sinapupunan ay ipinangako ko na sa Diyos na gagawin ko ang lahat. Kaya handa kong isakripisyo ang sarili kong buhay para sa baby natin!”

Mahigpit na niyakap ni Kenneth ang asawa at hinalikan sa noo.

“Huwag mong gawin ito, babe! Paano ako?”

“Hindi ka naman mag-iisa, iiwan ko sa iyo ang anak natin! Gusto kong alagaan mo siya at mahalin gaya ng pagmamahal mo sa akin!”

Buo na ang desisyon ni Vernise na iligtas ang buhay ng anak kapalit ng sarili niyang hininga kahit labag na labag iyon sa kalooban ni Kenneth.

Advertisement

Habang nasa operating room ay taimtim na nagdarasal si Kenneth na sana ay maging maaayos ang panganganak ni Vernise. Handa niyang talikuran ang lahat ng mayroon siya: magandang trabaho at magandang pamumuhay, huwag lang mawala ang kanyang mag-ina.

Mayamaya ay lumabas na ang doktor.

“Dok, ano pong resulta?” aniya.

“Ikinalulungkot ko, hindi kinaya ng misis mo ang panganganak pero ligtas ang bata!”

Parang sinaksak ng punyal ang dibdib ni Kenneth sa ibinalita ng doktor. Na wala na ang pinakamamahal niyang asawa.

“Hindi, hindi po iyan totoo! Huhu!” hagulgol ng lalaki.

Nang biglang sumigaw ang nurse sa loob ng operating room.

“Dok, Dok! Buhay ang babae!”

Advertisement

Parehong napatakbo sa loob ang dalawa. Gayon na lamang ang gulat nila nang makitang buhay si Vernise.

“Ano’ng nangyari?” gulat na tanong ng doktor.

“Bigla na lamang po siyang gumalaw at nagmulat ng mata! Ang akala ko nga po ay bangkay na nabuhay!” sabi ng nurse.

“K-kenneth? A-ang anak natin?” mahinang wika ni Vernise.

Mabilis na nilapitan ni Kenneth ang asawa at mahigpit na niyakap.

“Diyos ko, maraming salamat po at ligtas ang mag-ina ko!”

Hindi pa rin makapaniwala ang doktor at ang nurse sa nangyaring pagkabuhay ni Vernise.

Di nagtagal ay nasilayan din ng mag-asawa ang kanilang panganay na anak na pinangalanan nilang Anthony.

Advertisement

Binigyan man sila ng matinding pagsubok ay nalampasan naman nila ito nang may pananalig sa Diyos at tibay ng loob. Isa mang milagro ang pangalawang buhay na ibinigay kay Vernise ay isa itong biyaya sa kanyang sakripisyo para mabuhay ang kanilang anak at para matupad ang pangarap niyang magkaroon ng kumpleto at masayang pamilya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!