Inday TrendingInday Trending
Nagpapanggap Bilang Isang Call Center Agent ang Binata; Nanginig siya nang Mabuking Siya ng Kaniyang Ina’t Kapatid

Nagpapanggap Bilang Isang Call Center Agent ang Binata; Nanginig siya nang Mabuking Siya ng Kaniyang Ina’t Kapatid

“O, mama, uminom na po ba kayo ng gamot? Iba na naman po ang pag-ubo niyo,” sambit ni Kardo, isang araw matapos niyang mag-ayos para sa kaniyang pagpasok sa trabaho.

“Ah, eh, wala na akong gamot, anak,” nakatungong ‘ika ng kaniyang ina.”Bakit hindi po kayo nagsasabi agad? Sabi ko naman po sa inyo, kapag nakita niyong kaunti na lang, magsabi po kayo agad para hindi mahinto ang pag-inom niyo ng gamot,” kamot ulong sabi niya saka inabutan ng isang basong tubig ang ina.

“Nahihiya na kasi ako sa’yo, anak. Kahit pa sabihin mong maganda ang trabaho mo, hindi ka na nakakaipon dahil sa lintik na sakit kong ito,” paliwanag ng kaniyang ina, bakas sa mukha nito ang matinding pagkahiya.

“Diyos ko, ang mama ko talaga! Ayos lang po, wala nang mas mahalaga pa sa akin ngayon, kundi kayo ni bunso,” nakangiting sambit niya saka mariing niyakap ang ina, “O, paano ba ‘yan, mama, papasok na po ako, ha?” paalam niya dito, “Bunso! Ikaw na bahala kay mama, ha? Ito ang pera, ibili mo muna si mama ng dalawang gamot para makainom na siya, ako na bibili ng kulang mamaya pag-uwi ko!” utos niya sa kapatid saka naglapag ng sikwenta pesos sa kanilang lamesa.

“Opo, kuya, saglit lang po!” tugon nito, agad naman siyang kumaway sa ina’t inayos ang kaniyang polo saka na tuluyang umalis. “Ingat sa trabaho, anak! Ikaw ang pinakamagaling na call center agent!” sigaw ng kaniyang ina, dahilan upang mapaluha siya’t inika, “Kung alam niyo lang po, mama.”

Panganay na anak sa kanilang pamilya ang binatang si Kardo. Simula nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang, siya na ang tumayong haligi ng kanilang tahanan dahilan upang tumigil na siya sa pag-aaral at pag-aralin ang kaniyang bunsong kapatid.

Mahirap man tanggapin na kailangan na niyang magtrabaho sa murang edad, ginawa niya pa rin ang lahat upang matugunan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya. Bumagsak na rin kasi ang katawan ng kaniyang ina dahil sa walang pahingang pagtitinda nito ng isda sa palengke noong mga araw na sabay silang nag-aaral ng kaniyang bunsong kapatid.

Simula noon, hiyang-hiya ang kaniyang ina sa binata. ‘Ika pa nito, “Kung inagapan ko agad siguro ang ubo ko, hindi ako magkakaroon ng TB ngayon at nakakapag-aral ka pa, pasensiya ka na anak, naging pabigat pa sa’yo si mama,” na naging dahilan ng binata upang pagbutihin ang paghahanap ng magandang trabaho.

Ngunit kahit pa anong gawin niya, walang kumpanyang tumatanggap sa kaniya dahil hindi siya nakapagtapos. Hindi rin siya makapag-apply sa call center dahil mahina siya sa ingles, kaya naman bumagsak siya sa pangongolekta ng mga basura.

Noong araw na ‘yon, nang makarating sa lugar kung saan niya tinatago ang kaniyang makalawang na kariton, agad niyang hinubad ang kaniyang polo’t nagsuot ng sando.

Agad niyang pinedal ang kariton saka sumigaw, “Tapon basura! O, baka may ipapatapon kayo d’yan! Bente pesos lang kahit gaano na karami!” dahilan upang maglabasan na ang kaniyang mga suki saka siya inabutan ng bayad.

Ganoon araw-araw ang ginagawa ng binata at pagsapit ng alas-sais ng hapon, magtutungo ulit siya sa isang sulok kung saan niya itatago ang kaniyang kariton.

Ngunit noong hapon na iyon, pagkasuot niyang muli ng kaniyang polo, nakita niyang nasa harapan na niya ang kaniyang ina’t kapatid.

“Ah, eh, ma-mama! Bunso! Anong ginagawa niyo rito?” natatarantang sambit niya saka itinapon ang marumi niyang sando.

“Bibili sana kami ng pagkain, kuya, eh, inabutan kami ni tita ng isang daan, tapos nakita ka namin nagtatapon ng basura doon sa tambakan,” sambit ng kaniyang kapatid.

“Napag-utusan kasi ako sa kumpanya, eh,” kamot ulo niyang palusot bigla naman siyang napatingin sa kaniyang ina, lumuluha na ito dahilan upang agad niya itong yakapin.

“Hindi mo kailangang itago sa’kin ang totoo mong trabaho para lang hindi ako makonsensya sa pagpapahirap ko sa’yo,” hikbi nito dahilan upang mapaiyak na rin siya, “Alam ko ang hirap mo, anak, at ipagmamalaki kita hanggang sa dulo ng hininga ko,” sambit pa nito saka muling niyakap nang mahigpit.

Inamin na ni Kardo ang kaniyang tunay na trabaho sa ina’t kapatid. Pinaliwanag din niya ang kaniyang dahilan sa likod ng kaniyang naging trabaho na labis namang naintindihan ng dalawa.

Simula noon, hindi na nagtago pang muli ang binata. Tila nabuhayan siya sa inika ng kaniyang ina, “Hindi mo kailangang magpanggap, maging ano man ang trabaho mo, labis kitang ipagmamalaki sa buong mundo.”

Nagdesisyon na rin ang kaniyang bunsong kapatid na mamasukan bilang kasambahay sa kanilang tiyahin habang nag-aaral upang makatulong sa gastusin dahilan upang unti-unti silang makaipon kahit pa papaano.

Wala nang mas sasaya pa sa binata dahil ngayon, hindi na niya kinakailangang magpanggap para lamang sumaya ang kaniyang ina.

Madalas natatakot tayo sa sasabihin ng mga mahal natin sa buhay dahilan upang magtago at magpanggap na lamang tayo. Ngunit isaisip din nating binigay sila ng Makapal upang maging ating katuwang, maging tapat tayo sa kanila’t pagsaluhan ang saya ng buhay.

Advertisement