Ipinagkasundo Ang Kasal ng Dalawang Magkababata; Iba Pala ang Magiging Hantungan Nila

Enggrande ang kasal nina Matteo at Sylvia. Ginanap ito sa pinakamagandang simbahan sa kanilang lalawigan. Bigatin ang kanilang mga ninong at ninang gayundin ang mga panauhin. Alas 8:00 nang umaga ang kasal subalit 7:30 pa lamang ay nasa simbahan na ang groom.

Sabik na sabik si Matteo. Sa wakas ay maikakasal na siya sa babaeng mahal niya. Salamat sa Papa ni Sylvia na talagang botong-boto sa kaniya. Magkaibigan ang kanilang pamilya simula’t sapul pa lamang. Ang kanilang pamilya ang pinakamamayayaman sa buong bayan ng San Isidro.

Ayon sa Mama ni Matteo, mga bata pa lamang ay napagkasunduan na ng dalawang partido na nakatakdang ikasal si Matteo para kay Sylvia upang mapagsanib na nila ang kanilang yaman at kapangyarihan bilang angkan. Fixed marriage.

Subalit kahit mukhang iginuhit na ng kanilang mga magulang ang kanilang kapalaran, pabor ito para kay Matteo. Mga bata pa lamang sila, itinatangi na niya si Sylvia. Siya ang babaeng pinangarap niyang pakasalan.

Ipinangako niya sa kaniyang sarili na mapupunta sa kaniya si Sylvia at walang ibang lalaking manliligaw dito kundi siya lamang. Sa loob ng halos ng kanilang paglaki ay binakuran ni Matteo si Sylvia.

Subalit nilinaw sa kaniya ni Sylvia na kaibigan lamang ang turing nito sa kaniya. Wala itong magawa sa pinagkasunduang kasal dahil nagbanta ang Papa nito na itatakwil siya bilang heredera kapag tumutol sa pagpapakasal.

At dumating na nga si Sylvia. Malungkot ito. Ito na yata ang pinakamalungkot na sandali sa kaniyang buhay. Ang pagpapakasal sa isang taong hindi mo mahal ay isang penitensiya.

Mabagal at tila pigil na pigil ang pagmartsa nito sa aisle palapit kay Matteo. Parang nais na niyang tumakbo palabas ng simbahan.

Advertisement

Nakangiti naman nang ubod-lapad ang Papa at Mama ni Sylvia. Sa wakas ay matutupad na rin ang katuparan nilang mas mapalago pa ang kanilang impluwensiya dahil sa pamilya ni Matteo. Kahit ipagsangkalan pa nila ang kanilang bugtong na anak. Alam nilang hindi sasaktan ni Matteo ang kanilang anak.

“She is all yours Matteo. Alagaan mo ang anak ko,” bulong ng Papa ni Sylvia nang maihatid na ang anak kay Matteo.

Ngumiti at tumango si Matteo.

“Yes, Tito. She’ll be the happiest wife on Earth.”

Humarap na ang dalawa sa dambana. Lumabas na ang paring magkakasal sa kanila. Nagitla ang pari pagkakita kay Sylvia. Napamaang naman si Sylvia nang masilayan ang pari.

Garalgal ang tinig ng pari nang magsalita ito. “N-ngayon, masasaksihan natin ang pag-iisang dibdib nina Matteo at Sylvia. May… may… tumututol ba sa kasalang ito?”

Napaiyak si Sylvia. Inalo-alo naman siya ni Matteo. “Huwag kang umiyak nakakahiya sa mga tao…” subalit hindi pa rin tumitigil si Sylvia. Nakatingin ang pari kay Sylvia na tila maiiyak.

“Kung walang tumututol… ako na lamang. Hindi ko mapahihintulutan ang kasalang ito. Ang kasal ay para lamang sa dalawang taong nagmamahalan upang bumuo ng pamilya,” turan ng pari.

Advertisement

Bumaba ito sa pulpito at sa pagkagulat ng lahat ay nagtungo kay Sylvia ay hinatak ito.

“Anong ibig sabihin nito?!” gulat na gulat na tanong ni Matteo.

“Hindi kita kayang pakasalan, Matteo. Nagmamahalan kami ni Anthony. Pasensiya na. Hindi kita kayang pakasalan. Papa, Mama, patawarin ninyo ako…” pahimakas ni Sylvia.

Mabilis ang mga pangyayari. Nagtatakbo ang dalawa palabas sa gilid ng simbahan. Itinapon ni Sylvia ang hawak na pumpon ng mga bulaklak at hinubad ang detakong na sapatos upang makatakbo nang mabilis. Sa ‘di kalayuan ay may nakaabang na sasakyan at pinaharurot ito ng lalaking nagngangalang Anthony.

Tila natulig si Matteo. Parang sasabog ang kaniyang ulo. Awtomatikong sumakay siya sa kaniyang kotse upang habulin ang dalawa. Humabol din ang mga tauhan nila.

Tinugis nila ang sasakyang kinalululan nina Sylvia at Anthony. Subalit isang ‘di inaasahang pangyayari ang naganap. Dahil sa habulang nangyayari, naaksidente ang sasakyan nina Sylvia at Anthony. Masyado kasi matarik ang daan at malapit pa sa bangin. Nahulog dito ang sasakyan. Sumakabilang buhay sina Sylvia at Anthony.

Hindi makapaniwala si Matteo sa mabilis na mga pangyayari. Si Anthony pala ay matagal nang karelasyon ni Sylvia. Bago ang kasal, nagtungo ito sa simbahan, iginapos, binusalan sa bibig, at tinurukan ng pampatulog ang tunay na paring magkakasal sana sa dalawa.

Labis na pinagsisihan ni Matteo at ng magulang ni Sylvia ang mga desisyong kanilang ginawa. Kung hindi sana nila kinontrol ang buhay ni Sylvia, hindi mangyayari ang lahat ng ito. Napagtanto ni Matteo na hindi dapat ipinipilit ang pag-ibig sapagkat kusa itong uusbong at lalawig sa puso ng isang tao.